Sa totoo lang, hindi lang naman isang linggo nang maramdaman ko ito, pero lumalala lang no'ng mga nakaraang araw. I don't wanna talk about it, kasi sa tingin ko hindi rin naman nila maiintindihan, o mababaw lang naman 'tong nararamdaman ko.

It's been a long time since I knew there was something wrong with me, and I refused to talk about it.

"Pupunta 'ko. Hintayin mo ako, okay?"

"'Wag," taranta kong pigil sa kaniya. "M-may tattoo apprenticeship kang ginagawa, 'di ba? Okay lang ako." Isa pa ito sa mga dahilan kung bakit ayaw kong sabihin sa iba, alam kong makakaabala lang ako.

"Magpapaalam ako, papayagan naman ako ni Sir Dexter. Sure ako ro'n."

Pinunasan ko ang mga mata ko at tumango na parang makikita niya ang sagot ko.

"Hintayin mo 'ko?" tanong niya ulit.

"O-oo."

Pagkatapos ng pag-uusap namin ay bumaba ako para i-unlock ang pinto. Nang masiguradong nakabukas na iyon ay umakyat uli ako. Baka kasi hindi ko na kayaning bumaba mamaya.

Pinatay ko ang ilaw at iniwang nakabukas ang study light. Tama lang para makita ko pa rin ang mga bituin sa kisame. Pabagsak akong humiga sa kama at niyakap ang unan na nasa gilid ko.

This was one of the times na hinihiling kong may isang mundong pwedeng doon na lang ako mabuhay. Walang ibang tao. Magagawa ko lahat ng gusto ko nang hindi na sila naiisip.

I have the freedom in real-life, but myself keeps on holding me back.

I am always scared, and it's tiring.

Matagal-tagal din ang ginawa kong paghihintay nang marinig ang pagkatok sa baba. Nagtalukbong ako ng kumot at nanatiling nakapikit. I'm sure it's Gab.

Sunod naman ay ang pagtawag niya sa pangalan ko. Mariin kong ipinikit ang mga mata ko at pilit siyang kinausap sa utak ko na pumasok na siya na parang maririnig niya ako. Inaalo pa rin ako ng dilim ng kuwarto at ng lamig sa pagtulog.

Nakahinga ako nang maluwag nang marinig ang pagbukas ng pinto, maingat iyon na parang ayaw gumising sa isang tulog. Rinig ko ang mahihinang paghakbang ng mga paa papunta sa akin.

"Evie?" Naging mas kalmado ang paghinga ko nang marinig ko ang boses niya. Naramdaman ko ang paghaplos niya sa ulo ko na may takip pa ring kumot.

"Gising ka ba, Evie?" Napangiti ako nang kaunti dahil sa hindi ko pagsagot sa kaniya. "Evie? Tulog ka ba?" Tuluyan nang gumalaw ang balikat ko nang hindi mapigilan ang pagtawa. Bakit niya tinatanong kung tulog ako, kung tulog ako ay talagang hindi ako sasagot.

"Evie." Tinanggal niya ang kumot sa mukha ko kaya bumungad sa akin ang itsura niya. Nakakunot ang noo at seryoso ang mukha niya. "Alam mo, hindi mo dapat iniiwan na naka-unlock 'yong pinto mo—"

Mabilis akong yumakap sa leeg niya at isiniksik ang mukha roon. Ayaw ko na ring marinig pa ang sasabihin niya dahil alam ko na kung ano 'yon. At gusto ko lang siyang yakapin ngayon.

Hindi ko alam kung ito ang unang beses na naglakas ako ng loob na gawin ito, pero sigurado akong ito ang hindi ko makakalimutan . . . na kahit isang beses, binuksan ko ang sarili ko nang tuluyan sa iba.

Walang nanginginig na mga kamay. Hindi pinipiga ang lalamunan ko at nauubusan ng hininga. Hindi dumadagundong nang mabilis ang puso ko dahil sa kaba. Wala akong takot sa panghuhusga niya, kasi alam kong walang manggagaling sa kaniya.

Mainit ang katawan niya na nakalapat sa akin. Masarap sa pakiramdam. Parang isang dagat na umapaw ang luha sa mga mata ko at umiyak habang nakayakap sa kaniya.

Naupo siya at naramdaman ko ang paghapit niya sa baywang ko at pabalik-balik na haplos niya sa buhok ko. Ibinuhos ko lahat ng iyak ko sa kaniya na parang kaya niyang tanggalin ang mga bumabagabag sa akin ngayon. Pero umiyak man ako ng dugo, hindi iyon mawawala lang nang dahil sa kaniya, mababawasan 'yong bigat, pero mananatili pa rin sa puso ko.

"Gusto mong lumabas mamayang . . . eight?" Inilabas ko muna ang isang paghinga na sinabayan ng mahinang hikbi. Pa'no kung antukin ako habang naglalakad sa kung saan man ang pupuntahan namin?

Minsan lang naman, at isa pa, gusto ko siyang makasama kaysa matulog nang mag-isa.

Tumango ako, pagkatapos niyon ay naramdaman ko ang halik niya sa gilid ng ulo ko. Sa halip na makakapagpahinga na ako sa pag-iyak ay nagkaroon na naman ng isang round ng pakikinig niya sa mga hikbi ko.

"Alam mo, minsan naaalala ko sa 'yo si Morgan." Bahagya akong humiwalay sa kaniya para tingnan ang mukha niya. Nakita kong nakangiti iyon kaya bumalik na ako sa pagyakap sa kaniya, ang mga braso niya ay nanatiling nakayakap sa baywang ko. Akala ko ay nagbibiro lang siya sa ikukuwento niya.

"Ang pagkakaiba nga lang, iyon eh parang lumaking ayaw nadidikitan ng mga tao, masungit, pero ikaw, nararamdaman ko na gusto mong makipaglapit sa iba pero may pumipigil lang sa 'yo." Sinuklay niya ang buhok ko na umalo sa akin upang pumikit. "Hindi ko alam kung bakit gusto kong malaman ang mga iniisip n'yo, kung ano'ng nararamdaman n'yo . . . dahil hindi ko maintindihan kung saan nanggagaling 'yong takot na 'yon."

Binigyan niya ako ng isang halik sa noo.

"Masyado akong atat na makilala ang ibang tao. At ngayon ko lang naintindihan na may mga taong kailangan kong makilala nang mabagal, at nang maingat, at naiintindihan ko 'yon."

Hinawakan niya ang kamay ko at idinikit iyon sa labi niya, hinalikan ito.

"I love you, Evie."

Your UniverseWhere stories live. Discover now