3. Transit

21 4 16
                                    



Gabriel

"Kuya Jay!" Agad akong tumakbo palapit sa tattoo studio na pinagtatrabahuhan niya. Mabuti na lang at wala pa siyang kliyente ngayon.

"Ang sabi ko 'wag mo 'kong tinatawag na kuya, akala mo namang sobrang tanda ko kaysa sa 'yo." Three years ang tanda niya sa akin kaya nakasanayan ko na ring tawagin siyang kuya, kaso nga lang ay ayaw niya. Plano rin niyang magtayo ng sariling tattoo shop at papangalanan itong Gab's tattoo. Oo, kinukulit ko siya na ang pangalan ko ang ilagay.

"Okay . . . Jay." Naupo ako sa isang tattoo stool at tiningnan ang mga designed shirt na nakasabit sa rack.

"'Asan si Morgan?" Hindi ko alam kung saan niya napulot ang ingliserong lalaki na 'yon, mas nauna kong nakilala si Kuya Jay noong nasa college pa lang ako, kaya nga rin napagdesisyunan kong gusto kong maging tattoo artist.

Si Morgan naman, bigla na lang ipinakilala sa akin ni Kuya Jay, nakaka-isang taon na nga yun sa apprenticeship. Mukhang anak mayaman na parang lumaki sa states pero hindi naman. Suki rin siya ng mga babaeng napapadaan dito, katabi lang kasi ng tattoo shop ang isang bar. Kaso itong si Morgan mukhang ilag dahil nga may girlfriend.

"Parating na rin 'yon dito, bakit mo hinahanap?"

Sumanday ako sa backrest bago nagsalita. "Wala lang, sasabihin ko lang na mas gwapo ako sa kaniya."

Itinapon niya sa akin ang isang basahan at tumawa nang malakas. "Siraulo." Inilibot ko ang paningin sa mga taong katrabaho niya.

"Saan mo nga pala napulot 'yong si Morgan, kuya? Ang tagal ko nang tinatanong sa 'yo pero hindi mo naman sinasagot."

Naupo siya sa upuan na nasa harapan ko. "Si Matt, 'yong university teacher na kakilala ko. Ampunin ko raw muna."

Napatango-tango ako. "E, bakit daw? Parang kaka-graduate lang niya no'ng makilala ko."

Nagkibit-balikat siya sa akin. "Hindi ko rin alam, sabi ni Matt, sa family."

Ilang oras rin ang itinagal ko sa studio at napagpasyahang silipin ang lugar kung nasaan ang apartment ni Evie.

Sobrang tagal ko siyang hindi nakita. Hindi naman talaga kami close no'ng kaklase ko pa lang ang kuya niya, pero alam kong komportable siya sa akin. May pagkamahiyain kasi si Evie, madalas ay nakatago lang sa kwarto niya sa tuwing pumupunta kami, at lumalabas lang kapag ako na ang natira.

"Magandang umaga po." Bati ko sa lola na nakaupo sa isang upuan sa tapat ng pintuan.

Oo nga, Evie, may mga kapitbahay ka nga pero mukhang ikaw ang pinakamalakas sa kanila.

"Magandang umaga." Binigyan niya ako ng ngiti na nagpawala ng kaba ko.

"Dito po ba nangungupahan si Evie?" tanong ko na agad niyang tinanguan.

"'Yong dalaga ba na maikli ang buhok, maganda, at mahiyain?"

Napangiti ako sa sinabi niya, mukhang siya nga iyon. "Opo."

Itinuro niya ang nasa unahan pang puwesto. "Doon, anak. Kaso wag mong gugulatin, baka biglang mahimatay." Sabay kaming natawa sa sinabi niya. Masyado ngang hindi sanay si Evie sa ibang tao, tiyak na hindi rin siya sanay sa mga taong bigla na lang manggugulat sa pintuan niya.

Kumatok ako nang tatlong beses sa pintuan niya at naghintay na buksan niya ito.

Isang maliit na pagbukas ang sumalubong sa akin at may mga matang sumilip dito. Nanlaki ito nang makita niya akong nakangiti sa harapan niya.

"Hi—" Hindi ko pa natatapos ang pagbati ko ay sinarahan na niya agad ako ng pinto. "Evie? Hindi naman ako papasok, sinilip ko lang kung tama 'yong lugar na binigay mo sa 'kin." Ilang segundo rin ang nakalipas nang muli niya itong buksan

"B-bakit ka nandito?" mahina niyang saad. Dati pa naman ay malambing na talaga siyang magsalita, kahit mahina ay naiintindihan ko pa rin. Parang kabisado ko na ang pattern ng pagsasalita niya.

"Tinitingnan ko lang kung safe ka talaga dito." Nagpalinga-linga ako sa paligid. "At sana ay safe ka nga, kaya aalis na ako." Nakangiti lang ako habang nakatayo pa rin sa harapan niya. Baka sakaling magbago ang isip niya at patuluyin niya ako sa loob.

Napansin ko ang paghawak niya sa labi niya na isang gesture kapag nag-iisip siya. Hindi niya siguro alam na pansin ko nang ginagawa niya ito kapag nakikinood ako ng movie sa bahay nila.

"Ano . . . gusto mong . . . uminom ng tubig?" Pinigilan ko ang pagngiti, hindi straightforward magsalita si Evie kaya ganiyan ang sinabi niya. Kahit hindi ko tanungin ay alam kong ang ibig sabihin niya ay tumuloy na ako, gano'n ako kalakas kay Evie.

"Gustong-gusto." Kanina pa ba ako nakangiti? Hindi naman masamang ngumiti kung masaya ako, 'di ba? Sana ay masanay na lang siya sa mukhang ito, alam ko namang hindi nakakasawa ang itsura ko.

Sa pagpasok sa apartment ay halatang pang-isang tao lang talaga. Magkadikit lang ang maliit na sala at maliit na kusina. At sa itaas na bahagi ay siguradong naroon ang kwarto at banyo niya.

Gusto kong makita ang itsura ng kwarto niya. Sa bahay nila ay maraming libro sa kwarto niya, parang isang mini-library, maaliwalas rin ang paligid, may mga bituin sa kisame. Nakakapagtaka nga siguro kung bakit alam ko. Syempre, malakas nga kasi ako sa kaniya. Siguro ngayon ay naninibago na naman siya sa akin dahil sa tagal naming hindi nagkita.

Inilagay niya ang isang basong tubig sa harapan ko na agad kong ininom kahit hindi ako nauuhaw.

"Ayos ka lang ba rito? Ang liit ng space hindi katulad sa bahay n'yo." Naupo siya sa kabilang sofa at inipit ang mga kamay sa ilalim ng hita niya.

"Mas gusto ko nga ito, 'tsaka sa loob lang naman ako ng kwarto lagi." Napangiti ako, alam kong hindi niya nakikita dahil nakatingin siya sa maliit na lamesang nasa harapan namin.

"Kasama 'yong mga libro mo?" Ibinaling niya ang tingin sa akin at binigyan ako ng tipid na ngiti.

"Sinama ko 'yong mga libro ko rito, pati 'yong paborito mo." Sa tuwing tumatambay ako sa kwarto niya noon ay isang libro lang ang binabasa ko.

"Replica?" Tumango-tango siya habang unti-unting lumalawak ang ngiti sa mukha.

"Tara na, Evie." Tumayo ako at tumindig na parang isang sundalo. "Magtutungo na tayo sa iyong sariling sansinkuban." Hindi na niya napigilan pang matawa.

Ngayon ko na lang ulit nakita ang pagtawa niya, bagay na mahirap makita sa kaniya kapag kinakain siya ng takot. 

Your UniverseWhere stories live. Discover now