"Merry Christmas, Tita." Napalingon siya sa akin at agad akong nagmano sa kaniya.

"Merry Christmas! Bakit ngayong gabi ka lang dumating! Dapat kanina pa!" mataas ang tono niyang wika sa akin.

"May hang-over po," natatawa kong pahayag sa kaniya.

"Naku. Mamaya may inuman na naman siguro diyan. Dito ka na matulog." Nakakagaan ng loob na maramdamang welcome na welcome ako rito.

"Asa'n po si Evie?"

"Ay, Vin! Nasaan ang kapatid mo!" Hinila ko ang upuan sa may lamesa at naupo roon, sabay pasok naman ni Vin.

"Lumabas na 'yon kanina. Wait, nasa labas yata, tawagin ko."

Kanina, bago ako umalis sa bahay, sasabihin ko na dapat sa parents ko 'yong tungkol kay Evie, kaso naalala ko na naman 'yong plano kong ipakilala muna siya kina Jay pero ayaw niya. Ayaw ko naman siyang pangunahan kahit na ikukuwento ko lang naman siya sa iba.

Isa pa itong si Morgan, mag-isa lang 'yon ngayon sa Walden's. Nagkaroon pa kami ng one last pilitan na sumama sa akin pero hindi nagpapilit.

Napaangat ag paningin ko sa taong kakapasok lang ng kusina. Nakasuot siya ng pulang T-shirt na naka-tuck in sa shorts niya, saglit ko lang na pinasadahan ang hita niya nang ma-highlight iyon ng suot niya ngayon.

Maayos na nakabagsak ang maikli niyang buhok at may kaunting pula sa labi. 'Pag sinabi kong maganda si Evie, araw-araw siyang maganda.

Nahihiya siyang lumapit sa akin at dahan-dahang hinila ang upuan sa tabi ko at umupo roon nang hindi tumitingin sa akin. Itinaas ko ang kamay ko at itinusok ang hintuturo ko sa leeg. Agad iyong tila nabali at natawa siya nang mahina.

Hindi ko mapigilang mapangiti nang hawakan niya ang kamay ko at inalis sa leeg niya. Tuluyan na siyang lumingon sa akin.

"Bakit ka nandito?" halos pabulong niyang tanong.

"Ayaw mo? Sige, aalis na ako." Akma na akong tatayo nang hawakan niya ako sa braso. Pinigilan ko ang pagngiti at muling umayos ng upo.

"J-joke lang. Tinatanong ko lang naman." Ipinatong niya ang mga kamay niya sa hita niya at tumingin lang sa akin sa ilalim ng mga pilikmata niya.

"Surprise." Ipinatong ko ang likod ng kamay ko sa hita ko at ibinuka ito. Gaya ko ay tiningnan niya rin ito. Hindi siguro niya na-gets kaya napatingin siya sa akin.

"Put your hand on mine. Saglit lang." Tinaas-baba ko ang mga kilay ko kasabay ng request ko sa kaniya.

Dahan-dahan niya lang na ipinatong ang kamay sa akin. Nakita ko kung gaano kaliit ito kumpara sa akin. Inilagay niya ang mga daliri niya sa pagitan ng akin at humawak doon habang nakabuka pa rin ang kamay ko.

Maingat ko lang na niyakap ang mga kamay ko sa kaniya at hinigpitan iyon. Ramdam ko ang init ng kamay niya. Umaakyat 'yong saya sa puso ko. Corny mang pakinggan, at least kay Evie lang ako nagiging corny.

"Labas na raw kayo!" Mabilis siyang napabitaw sa kamay ko at napalingon kami sa kuya niyang nasa pintuan ng kusina. Panira din pala ito minsan. "Magsisimula na raw."

Pagkatapos niyang sabihin iyon ay ang pagtayo namin ni Evie. Nasa unahan siyang naglalakad habang nakasunod lang ako sa kaniya. Palakas nang palakas ang tugtog na naririnig namin mula sa bakuran nila. Nasa labas na rin ang mga bisita nila at nakatipon doon.

Nakasunod ang mga tingin nito sa amin. Hindi naman nagiging uncomfortable sa akin, pero ang iniisip ko ay si Evie. Kahit kamag-anak pa niya ang mga ito, parang nakabantay naman ang mga tingin nito sa kaniya, ramdam kong mas gusto niya na lang itago ang sarili niya sa kuwarto.

Sinundan ko siya sa paglakad hanggang sa likuran at doon kami pumuwesto. Nakaupo lang kami sa tabi ng isa't isa, walang mga balat ang magkadikit, tanging presensya lang.

"Merry Christmas!" bati ni Vin sa tapat ng microphone kaya natuon na sa kaniya lahat ng atensyon. "Dahil nga may tradition tayo na sa tuwing may bagong mukha, may bagong magpapakilala." Magkakasabay pa nilang binanggit ang huling dalawang salitang binanggit ni Vin, bukod kay Evie na tahimik lang na nasa tabi ko.

"Sisimulan natin kay . . . sige, si Tan-Tan muna." Isang batang lalaki ang bitbit ng isang babae papunta sa puwesto ni Vin sa harapan. Iniluhod niya ang isang tuhod upang makapantay ang bata. "O, pakilala ka na po." Itinapat niya ang mic sa bibig nito.

"Ako po." Napatingin ito sa babaeng nakaupo sa gilid.

"Ako po si Tan-Tan," pagtuturo nito.

"Si Tan-Tan. Dalawa," paggaya naman ng bata.

"Dalawang."

"Dalawang." Itinaas nito ang dalawang daliri.

"Taong."

"Taong."

"Gulang."

"Gulang."

"Ang galing naman ni Tan-Tan. Sino po ang kakilala mo rito?" tanong ni Vin at muling hinintay ang sagot ng bata.

Imbes na magsalita ay itinuro nito ang babae.

"Sino siya?"

"Mama."

"Okay. Ang Mama niya ay si Mama Carla." Muling tumayo si Vin at ginabayan na ang bata pabalik.

"Ngayon ang susunod naman ay si . . . Lexie." Tumayo ang isang babae na kung ako ang tatanungin, parang ka-batch namin ni Vin. May katangkaran at may payat na pangangatawan. Hindi ko lang masabi kung kamag-anak nila ito.

"Good evening po. Merry Christmas," bati nito matapos kuhanin ang mic kay Vin. Mapapansin ang malaking ngiti sa mukha ni Vin na parang masaya sa babaeng katabi nito. Nakakahalata na ako.

"Ako po si Lexie delos Angeles, twenty-two years old at. . . ." Tumingin ito kay Vien at natawa nang kaunti. "Girlfriend po ako ni Vin." Nagsimula ang sigawan ng mga ito at palakpakan. Maya't maya ang mga pang-aasar. Napangiti ako at pumalakpak nang mahina. Nilingon ko si Evie at nakitang nakangiti rin siya.

"Ito pala 'yong sinasabi niyang surprise. Akala ko notebooks na," pabiro niyang pagtatampo kaya napatawa ako. Gusto ko na sanang humawak sa likod niya pero pinigil ko ang sarili ko. Hindi siya komportable. Hindi pa siya komportable.

"Para namang nanalo ako sa lotto kung makasigaw si Tito." Nagpatuloy sila sa pagtawa. "Ang sunod namang magpapakilala ay si. . . ." Inilibot niya ang paningin niya at huminto iyon sa akin. "Si Gab." Sinenyasan niya akong lumapit. Tumingin pa ako kay Evie kung ako talaga ang tinatawag ng kuya niya. Tumango lang siya sa akin kaya wala na akong nagawa kundi ang pumunta sa harapan.

Kinuha ko ang mic sa kaniya at mas malinaw na nakita ang mga tao sa harapan ko dahil sa ilaw na nakatapat sa kanila. Hindi ako nakaramdam ng sobrang hiya dahil sa tingin ko ay maayos naman ang itsura ko ngayon.

"Magandang gabi po. Ako po si Luke Gabriel Evren, twenty-one years old, at man—" Hindi ko naiwasang makitang napailing nang kaunti si Evie na parang may takot na nararamdaman.

Gusto kong sabihin na manliligaw niya ako. Relatives niya naman siguro ang mga ito kaya akala ko ay okay lang. Pero nang makita ko ang pag-iling niya, 'yong lakas ng loob na dala-dala ko sa pagpunta rito sa harapan, parang unti-unting naglaho. "At . . . kaibigan po ako ni Vin."

Your UniverseWhere stories live. Discover now