Kabanata 6

142 3 0
                                    


Tahimik naming binaybay ang daan pababa. Pagdating sa bandang kusina ay nilagpasan namin iyon patungong likod at bumungad sa amin ang laundry area. Hindi ko na sinubok pang buksan ang ilaw doon dahil abot naman ang ilaw ng kusina.

Ayon nga lang, pagkatapak ko sa labas upang sana igiya ang kasama sa pinto ng banyo ay may biglang lumitaw na daga sa aking harapan. Hindi ko na inisip ang reaksyon; ramdam ko na lang ang sariling tumili nang malakas at agad lumundag-lundag habang ang mga braso'y nakayakap sa dibdib.

May kamay na humawak sa aking baywang at hinila ako pabalik sa bukana ng kusina. Doon unti-unting nawala ang kaba ko nang luminaw ang aking mata't 'di na nakita ang daga.

Mabilis ang pagtaas-baba ng aking dibdib. "Putragis!" Gigil na may kabang bulalas ko. Napahigpit ang kapit ko sa aking leeg dahil sa lakas ng pintig ng puso. "Hayop na dagang 'yan!" hingal kong dagdag.

Nasa'n ba si Lingling?!

Rinig ko ang pagpigil ng tawa ni Haiden. Saglit akong natigilan dahil doon ko lang naalala na kasama ko pala siya. Para akong tangang umayos ng tindig at inayos ang buhok bago siya nilingon.

Seryoso niyang tinagpo ang mata ko ngunit bakas sa kaniyang mukha ang tinatagong pagkatuwa. Kinagat ko ang aking dila para hindi siya matarayan. Ano bang nakakatawa sa pagkataranta ng isang tao?

"Anong nangyari?" tarantang lumitaw si Therese at sa likod niya'y sila Dana, Drek at Bert na halatang nagmadaling lumabas sa mga silid.

Bumuga ako nang marahas na hininga at bahagyang inalis ang tabing na hibla sa aking mata. "May daga," mahina kong sagot at bahagya pang nilamig nang maalala.

Saglit na napamaang ang mga kaibigan ko bago sila sabay na nagsihagalpakan.

Tumiim ang aking labi. "Mga tarantado," asik ko't binangga sila nang pumasok akong kusina upang uminom ng tubig.

Hindi na bago ang makita akong umakto ng gano'n lalo na kung daga ang pinag-uusapan. Alam na ng mga barkada ko 'yan at sa tuwina ay hindi rin ako natutuwa. Oh 'di ba, ang saya nila kasama?

"Sayang 'yon! Sana pala na-videohan!" tatawa-tawang sambit ni Drek. Inambahan ko na lang ito ng sapak.

"Ano ba kasing ginagawa n'yong... dalawa rito?" si Dana iyon at tiningnan muna ako pababa bago kay Haiden na hindi na umalis sa pagkakatayo kanina.

"Sinamahan ko dahil 'di niya alam ang banyo," sabay irap ko dahil sa tingin nila ni Therese sa akin. May naiwan pa ring tawa kina Bert at Drek. Sinimangutan ko na lang sila at umambang aalis na. "Kayo na magturo sa kaniya ng banyo," sabay nguso ko kay Haiden na sinusundan lang ako ng tingin.

Para siyang ligaw na bata roon at hindi alam ang gagawin. Umiling na lang ako't nagsimula nang umakyat.

"Sige, kami na bahala," ani Bert at kita ko namang bumalik na ang mga kaibigan kong babae sa kanilang mga silid.

Linggo kinabukasan at maaga akong nagising. Tumunganga muna ako saglit sa kisame bago nag-text kay Lyle.

Nang makuha ang enerhiya para bumangon ay nag-ayos ako ng sarili at inipit ang buhok bago bumaba patungong kusina.

Wala pang ibang gising bukod sa akin o marahil ay wala pang lumalabas ng kanilang mga silid. Tahimik akong pumasok sa kusina at agad nagpainit ng tubig.

Tiningnan ko ang stock ng mga pagkain. Marunong naman akong magluto pero madalas si Nonoy talaga ang gusto namin dahil magaling siya. Pero dahil nasa mood ako ngayon ay kinuha ko na lang ang dalawang supot ng bacon sa ref at walong itlog. Hinimay ko rin ang sobrang kanin na natira kagabi at nagsaing ng panibago.

Better with HimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon