Tumayo si Elaine na kinatingin ni Pinunong Sol at Cielle.

"Samahan ko lang si Zyaniah," paalam niya.

"Saan?" mabilis na tanong ni Pinunong Sol.

"Sa kagubatan kasama si Ate Serena," sabat ni Zianelle.

Sinamaan ni Zyaniah ng tingin ang kapatid na agad namang nagulat at tinakpan ang bibig.

"Ano namang gagawin niyo?" tanong muli ni Pinunong Sol.

"Ahh. . . pipitas ng prutas!" dahilan ni Zyaniah na may kaunting utal sa kanyang tono.

Pinanliitan siya ng tingin ng matanda na kinakaba niya. 'Tinging sinasabing ang sikreto ay huwag mong ibubunyag'.

Simula nang mamukhaan ni Zyaniah noon si Elaine sa kanyang panaginip, hindi niya ito tinantanan. Nakabuntot siya sa dalaga hanggang sa hindi sinasadyang marinig ang usapan nila Elaine at Pinunong Sol. Nangako naman itong ililihim ang lahat kahit sa kanyang kapatid ay hindi niya ito binunyag.

Ang seryosong mukha ni Pinunong Sol ay biglang naglaho at napalitan ng ngiti. "'O sige. Basta't huwag kayong lalayo. At ikaw Elaine! Bumalik ka kaagad at magpahinga. Bukas ang alis natin. Tama na ang pagsasanay! Maliwanag ba?!"

"Opo, Pinunong Sol," tugon ni Elaine na may pagkamot sa batok.

Hanggang ngayon, hindi pa ito nasasanay sa paiba-ibang ugali ni Pinunong Sol. Kapag kasama niya ang mga taga nayon, masungit ito sa kanila— ginagampanan ang pagiging tita nito sa kanila— samantalang kapag sila'y nagsasanay, sobra pa sa sobra ang paggalang nito sa kanya. Gano'n din kay Cielle ngunit tinawag niya ito sa pangalan niya tuwing nagsasanay.

"Sama ako!" sigaw ni Cielle.

"Hindi pwede. May kailangan pa tayong pag-usapan," ani Pinunong Sol.

Kumaway na lamang si Elaine kay Cielle bago sila umalis ni Zyaniah. Nagpaiwan na lang si Zianelle dahil pagod na ito sa kakatakbo kanina sa paghabol sa kapatid.

Pagkarating nila sa kagubatan, tumambad sa kanila si Guillermo at Serena na magkahawak kamay.

Hindi naman bago ito kay Elaine ngunit sariwa pa ang ginawa ni Guillermo kay Serena. Pati na rin sa apelyido nitong katulad kay Diego, ang taong pumatay sa totoong Elaine.

Humalukipkip si Elaine at nakataray na tumingin kay Guillermo. "Bakit mo ako hinahanap? May gagawin ka na naman bang ikasasama ng loob ko?"

"Relax Elle. Saka hindi na ako gano'ng tao," ani Guillermo.

"Oo na. Psh!" marahang tumaray si Elaine bago tumingin kay Serena. Ngumiti ito sa kanya at nakitang masaya siya kay Guillermo.

"Maiwan ko na po kayo ha? Nagugutom na ako eh," sambit ni Zyaniah at umalis.

Nang makita ni Guillermo na nakalayo na ang bata, saka sila lumapit kay Elaine. Bumulong ito ng "Alam ko ang pagkatao mo."

"Ano?!" gulat na saad ni Elaine at humarap kay Serena. "Anong ibig sabihin nito Serena? Akala ko ba'y ililihim niyo—"

"Sabing relax ka lang Elle eh! Magpapaliwanag naman ako," sulpot ni Guillermo.

Bumalik sa pagkakahalukipkip si Elaine at pinanliitan ng tingin si Guillermo. "Speak!"

"Hindi ko sinasadyang masabi sa 'kin ni Zyaniah ang katauhan mo. Ikaw si Elaine Suarez hindi ba? Nang nasa Tasia Capital pa ako, may bali-balitang nagkalat tungkol sa 'yo dahil kay Captain Alaric."

Ang nanlilisik na mata ni Elaine ay napalitan ng kuryosidad.

"Hinahanap ka ngunit hindi ng kaharian, kung hindi ng mga tauhan ni Emperor Lunar," dagdag pa nito.

I'm a Ghost in Another WorldWhere stories live. Discover now