"Hindi ko pa rin lubos maisip na ikaw ang Supreme Spirit," panimula ni Emmanuel nang umupo siya sa malaking ugat ng puno. "Totoo ba talaga 'yon? Alam ba 'to nila Tita Helena?"

Nakatayo lang ang dalaga sa harapan niya at nahiyang umiling.

"Nag-aalala na sila sa 'yo," dagdag pa nito.

"I know," tugon ni Elaine at tumingin sa malayo. "Baka hindi nila ako tanggapin at kamuhian pa lalo."

"Bakit naman? Matatanggap ka nila. Pamilya kayo, hindi ba? Bakit ka naman kakamuhian at hindi matatanggap?"

Napatingin ang dalaga sa masayang mukha ng binata.

Hindi mo rin ako matatanggap na ang totoong Elaine ay wala na. Isa akong kaluluwa na sumapi lang sa katawang ito, sa isip-isip niya.

Nalathala niya ang kwento kay Emmanuel tungkol sa pagiging Supreme Spirit ngunit hindi tungkol sa kung paano nawala ang kaluluwa ng totoong Elaine. Ayaw niya itong ikwento sapagkat inuunahan na siya ng takot na ang hiniling niyang pamilya ay hindi siya matanggap.

Hindi sinagot ni Elaine si Emmanuel sapagkat wala siyang magandang dahilan o ilulusot sa binata.

Bago pa magtanong muli ang binata, nakarinig sila ng tili ng isang babae. Agad silang napalingon dito at tumakbo papunta sa pinakalooban ng kagubatan. Hindi naman nangamba si Elaine na maramdaman siya ni Meralda, noong siya'y makalabas sa Anti-Magic barrier ng nayon dahil naperpekto niya ang pagsasanay ng anti-magic barrier sa kanyang katawan.

Nang matunton nila ang babae, hinila ni Emmanuel si Elaine papunta sa puno upang magtago. Nasa likod siya habang payakap na nakahawak sa bibig ng dalaga. Nang makawala si Elaine, takang tumingin siya sa binata dahil ang hintuturo nito'y nilagay sa bibig nito na basehan para siya'y manahimik.

"Shh. . ."

Bumuntonghininga si Elaine at tumango-tango. Pagkatapos, sabay silang sumilip at nakita ang isang babae na ang suot ay mula sa nayon at ang karwahe nito na may simbolo ng knights sa Anastasia Kingdom.

Lumaki ang mga mata ni Elaine nang makita ang babaeng nahihirapan sa pagkakahawak sa kanya ng isa sa mga knight.

"Siya 'yong pinuno ng knights na nanghihingi ng malaking buwis, hindi ba?" mahina pagkakausap ni Elaine sa binata.

"Oo—" Napatigil si Emmanuel at nakakunot-noong humarap kay Elaine. "Paano mo nalaman 'yon?"

Nanigas sa pagkakatayo ang dalaga at naalalang nasa katawan pa siya ni Zyaniah nang masaksihan niya iyon.

"Sa simula pa lang ay alam mong nasa nayon na ako?" dagdag pa ni Emmanuel.

Napakamot na lang sa batok si Elaine. Hindi na naman siya nakapagdahilan dahil takot siyang may masabing iba.

"Nakapagpaalam na ba sa inyo si Emmanuel?!" singhal ng pinuno ng knights sa hinuli nilang dalaga.

Nakapikit na ang kaliwang mata ng babae dahil sa mahigpit na pagkakahawak sa pulso ng pinuno.

"Bitawan niyo po ako—" Napatili ang dalaga sa sakit nang humigpit pa lalo ang pagkakahawak sa kanya. "N-nasasaktan. . . n-na po ako!"

"Wala akong pakialam!" singhal ng pinuno, "Ginusto mo ito dahil hindi mo ako ginagalang!"

Ang dalawang nakatago ay agad tinuon ang mga mata't tenga sa nangyayari.

"Wala ba tayong gagawin?" bulong ni Elaine.

"Maghintay muna. Hahanap tayo ng pagkakataon," bulong din ng binata.

Tumango si Elaine, at tinitigang mabuti ang babae at ang pinuno ng mga knight. Mas lalo pa silang tumuon nang lumabas sa karwahe ang iba pang knights. Inaalam ni Elaine ang bawat galaw nila at hinuhuluan ang mga dapat mangyari. Kailangan niyang maghanda lalo na't sinasabi ng kanyang magic sense na ang pinuno ay may malawak na mana.

I'm a Ghost in Another WorldTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon