Nagpatuloy ang pagpapaliwanag hanggang sa aktuwal nila itong ginawa. Tumayo ang dalawa at huminga ng malalim. Habang nangyayari iyon ay siyang lathala ng matanda sa dapat nilang gawin.

Nilagyan din ni Pinunong Sol ng maliit na anti-magic barrier ang paligid nila para maiwasan ni Elaine ang umasa sa wind magic, para maiwasan nito ang paghampas.

Ang unang ginawa nila ay pakalmahin ang kanilang isipan at maging manhid ang kanilang katawan.

Naglakad ang matanda ng pa-clock wise sa paligid ng dalawa at kada haharap siya, nakikita niya ang paggalaw ng iris sa nakapikit nitong mga mata. Napangiti si Pinunong Sol dahil isa iyong basehan na ginagamit nila ang sixth sense kahit na wala pa siyang nililikhang mahika. Nararamdaman ng dalawa ang paggalaw ng kanyang mga kamay at paa.

Huminto ang matanda kasabay nang pagdilat ng dalawa.

"Ngayon naman, ang sixth sense ay haluan niyo ng inyong mana at isipin na kapag pinagana niyo ito, kailangan niyong lumikha ng mahika. Doon niyo matutunan ang developed magic sense."

Tumango ang dalawa bilang tugon. Wala ng pasaway sa kanila dahil nadadala nila ang awra ng matanda bilang isang guro. Determinado na silang matutunan ang developed magic sense dahil manghang-mangha sila sa natutunang sixth sense.

Pumikit ang dalawa at nagsimula muling pakiramdaman ang kanilang paligid. Sinimulan din maglakad ng matanda ngunit ngayon, gumagawa na siya ng mahika sa kanyang enkantasyon.

Tumagal ang pagsasanay na umabot ng takip-silim. Sapat na ang oras na nilaan nila upang mahasa nila ang sixth sense papunta sa magic sense.

Kasalukuyang nakatayo ang dalawang magkapatid na may layong isang metro sa isa't isa. Si Pinunong Sol naman ay may hawak na dos por dos. Nakataas ang kanyang presensya sa gagawin niyang muling paghampas. Kanina niya pa ito ginagawa at kanina pa rin ito naiiwasan ng dalawa. Kanina'y nahahampas niya ito ngunit ngayon, perpekto na nilang nagagamit ang developed magic sense at naiiwasan ang mga atake niya.

Wala naman pagpipilian ang magkapatid dahil hindi rin sila makagagamit ng mahika sa ginawang barrier ng matanda.

Dahan-dahang naglakad si Pinunong Sol habang pinapaikot ang pamalo sa hangin. Nakatitig siya sa dalawang nakapikit na ang mata sa talukip ay gumagalaw batay sa direksyon niya. Huminto siya at mabilis na sumugod. Una niyang hahampasin si Cielle na agad namang nakaiwas gamit ang pagtalon at paatras nito. Sunod naman ay si Elaine na hahampasin niya sana sa hita ngunit agad naman itong nakatalon.

Nang makalapag sa lupa ang paanan ni Elaine, naramdaman niya ang hampas papunta sa mukha niya. Agad tumahiya ang kanyang ulo para iwasan ito at nag-tumbling.

Naging sunod-sunod ang pagpalo't pagtusok ng matanda gamit ang kahoy sa dalawang magkapatid. Ginamit na nila ang iba't ibang taktika para maiwasan ito at naging matagumpay naman ang kinalabasan.

Tumagal ng isang oras ang pagsugod at pag-iwas ng magkapatid hanggang sa huminto si Pinunong Sol. Huminto rin ang dalawa na hinahabol ang kanilang paghinga. Tumagaktak na ang pawis sa kanilang katawan at nararamdaman na ang pagod.

Pumilantik ang matanda dahilan para makadilat muli ang dalawa. Dumilat ang dalawa at sabay na napaupo sa sahig. Mas lalong hinabol nila ang kanilang paghinga na may pagtingala pa para mas makalanghap ng hangin.

"Nakakapagod!" reklamo ni Cielle.

"A-anong oras na ba?" nahihirapang tanong ni Elaine.

"Alas syete nang gabi, Supreme Elaine," sagot ni Pinunong Sol na hindi man lang napagod sa kanilang ginawa.

Nakangiting pumikit ang matanda kasabay nang pagwala ng bisa niya sa kanyang mahika. Ang madilim na paligid ay hinigop ng magic cicle sa kaniyang paanan. Nang ito'y mawala, bumungad sa kanila ang madilim na tahanan. Naglakad papunta ang matanda sa switch ng ilaw at ito'y binuksan. Ang dalawa naman ay pahagis na umupo sa sofa.

I'm a Ghost in Another WorldWhere stories live. Discover now