Kabanata 12: Gantimpala

10 1 0
                                    


"Hindi ko mawari kung ano'ng kailangan ninyo sa akin, kung may nais kayo'y maaari naman ninyong sabihin nang hindi ako iginagapos." ani Virginia. Hindi nito alam kung saang lugar siya naroon, tanging taniman lang ng mais ang natatanaw niya sa bintana.

"Marami kaming kailangan sa 'yong pamilya, at hindi 'yon basta lang, Binibini. Hihintayin natin ang 'yong ama ngayong gabi." sagot ng matandang lalaki na kumuha rin sa kaniya kanina.

"Maaari ko bang malaman kung ano ang isa sa mga kailangan ninyo?" dagdag na tanong ni Virginia.

"Ang isa sa mga kailangan namin ay ikaw, ipakakasal kita sa aking anak."

Tila nagpantig ang tainga ni Virginia sa narinig. "Hindi maaari 'yan, kay Florendo lang ako pakakasal."

Humalakhak ng napakalakas ang lalaki. "Gusto mo bang makilala ang pakakasalan mo, Binibini?"

Umiling-iling si Virginia, habang nakatitig lamang sa lalaking walang tigil sa paghalakhak.

"Gitano, kunin mo si Lino sa kaniyang kuwarto." pag-uutos ng lalaki.

Dala ng takot ay nagsimula nang mamuo sa mga mata ni Virginia ang luha.

"Siya ang aking anak na si Lino, hindi ba't napakakisig niya?"

Isang lalaking bugbog sarado ang iniharap kay Virginia, hindi na nga ito makilala kung tutuusin dahil sa mga suntok o hampas na natamo niya sa mukha at buong katawan, hindi na ito makalakad, kaya't may mga lalaki rin siyang alalay.

"Kung nakinig lamang siya sa akin ay hindi ko na siya pinahirapan." saad ng ama nito.

Napatingin si Virginia sa kaniya. "Sinaktan mo ang 'yong sariling anak?"

"Kailangan kong gawin 'yon para matigil na siya sa paglapit sa babaeng dukha na 'yon."

"Paano mo 'yon naaatim?" hindi na napigilan ni Virginia ang sarili.

"Kalapastanganan ang sinasabi niyang pagmamahal, hindi totoo ang pag-ibig, at higit sa lahat, sa'yo lang dapat siya pakakasal."

Inilipat ni Virginia ang tingin sa kalunos-lunos na lalaki, may mga dugo pang lumalabas na nagmumula sa labi nito.

"Kung 'yong mamarapatin, maaari ko bang gamutin pansamantala ang 'yong anak?" hiling ni Virginia.

Nagulat ang lahat sa narinig.

"Kakaiba ka, Binibini. Kung 'yan ang 'yong nais, pagbibigyan kita." Tinanggal ng lalaki ang mga gapos sa kamay at paa ni Virginia. Pagkatapos nito'y inihatid niya ang anak at Binibini sa isang silid, sinigurado din nitong 'di mabubuksan ang pintuan ng naturang silid.

"Ngayon lamang ako nakarinig ng ganoong mga salita galing sa bibig ng isang tagapagmana ng pinakamayamang angkan ng ating bayan. Isang Del Fuego dadampihan ang balat ng anak ng isang rebelde at dukha?" napatanong na lamang ang lalaki sa sarili.

"Sabihin mo kung hindi mo na maatim ang hapdi." anang Virginia kay Lino na nakaupo sa harapan niya. Idinadampi ni Virginia ang bulak na may halamang gamot sa mukha ni Lino.

"K—kaya ko pa namang indain. Binibini, maaari ko bang malamang ang 'yong n—ngalan?" nauutal na utas ni Lino.

"Ako si Virginia Del Fuego, ikinagagalak kong makilala kita, Lino." Ngumiti si Virginia.

"D—Del Fuego? Hindi ba't kayo ang  pinakamayamang pamilya sa bayan?" namamanghang untad ni Lino.

"Ito na muna ang bigyan natin ng pansin, ang 'yong mga sugat at pasa, nang sa gayon ay gumaling ka na."

My Sinisinta (TO BE PUBLISHED UNDER PAPERINK PUBLISHING HOUSE)Waar verhalen tot leven komen. Ontdek het nu