Kabanata 2: Ang tahanan

17 4 1
                                    

Hindi natulog magdamag si Alejandro, buong gabi niyang inisip kung ano itong mga nangyayari, paano ito nangyari at paano siya napunta sa panahong ito. Rinig na ang tilaok ng mga tandang inahin sa labas ng kanilang kubo, ang malamig na simoy at amoy ng hangin ay bumabaon sa kaniyang balat, bago ang amoy na ito para sa kaniya, kumpara sa hangin na nalalanghap niya sa panahon kung saan siya nanggaling. Naririnig na nito ang huni ng mga kubyertos sa kusina, naghuhugas na kasi ang kaniyang ina, naririnig na rin nito ang huni ng kanilang kalabaw at ang pagkausap ng kaniyang ama rito. Nasa tabi niya si Magdalena, mahimbing pa ang tulog ng kaniyang kapatid, at hanggang ngayon ay hawak-hawak pa rin nito ang palamuti sa buhok na kinuha nila sa bayan kahapon.

"Ngayon ang paghahatid natin ng ating mga naani sa tahanan ng Gobernador-Heneral, pagkatapos ng agahan ay paparoon na tayo." Narinig niyang wika ng kaniyang ama na ngayon ay nasa kusina na at abala pagsimsim ng mainit-init pa niyang kape.

"Pagkatapos kong magluto ay ihahanda ko na rin sa lagayan ang mga ibibigay natin sa kanila, maya-maya rin ay gigising na ang dalawang anak natin." ani naman ni Gabriella.

"O siya, mahal, paparoon muna ako kay Dante, mangunguha ng damo, paubos na kasi ang pagkain ni Gilas, dadalhin ko na itong kape at doon ko na uubusin." pagpapaalam ni Pablo.

Hinalikan nito ang kaniyang asawa sa noo, at saka na lumisan. Umakyat ng hagdanan si Magdalena upang tignan ang dalawang anak, natunugan 'yon ni Alejandro, kaya umidlip siya at nagkunwaring tulog. Nakangiting minasdan ni Magdalena ang dalawang anak at saka kinumutan ang nilalamig na si Alejandro, naramdaman ni Alejandro ang pagsuklay ni Gabriella sa kaniyang buhok, gamit ang kaniyang kamay, habang siya'y nagkukunwaring tulog, tila may humaplos sa kaniyang puso, ito ang isang bagay na hindi niya kailanman narasanan sa kaniyang ina na si Samantha.

"I—ina." si Magdalena na kakabangon lang, kinusot-kusot pa nito ang kaniyang mata.

"Gising na pala ang aking munting Binibini, may sariwang gatas na ibinigay sa'yo ang 'yong Tiya Rosita, maghilamos ka na't ipagtitimpla kita." nakangiting saad ni Gabriella.

Nagliwanag ang mukha ni Magdalena sa narinig. "Ina, nasasabik din akong bumisita muli sa tahanan ng Gobernador-Heneral, nakakabighani ang ganda ng kanilang tahanan." mas lalo pang napangiti ang paslit.

"Kami rin ng 'yong ama, natitiyak kong pati rin ang 'yong Kuya Alejandro ay nasasabik nang muling umapak doon." dagdag pa ni Gabriella.

"Kaya nga po ina, mauna ka na po kayo sa baba at ipaubaya niyo na sa akin ang paggising kay Kuya." boluntaryong saad ni Magdalena.

"Sige, Magdalena, bumaba na kayo kaagad at nang makapag-agahan na tayo, baka pauwi na rin ngayon ang 'yong ama."

Tumango lang si Magdalena, si Gabriella naman ay bumaba na.

"Kuya, gising na, dadalaw muli tayo sa tahanan ng Gobernador-Heneral, dati ikaw ang nauunang nagigising dahil mas sabik ka sa akin, ngunit ngayon ay tila hindi na." aniya, habang marahang niyuyugyog ang balikat ng nakatatandang kapatid.

"Kuya Alejandro, gising na." pag-uulit niya.

Dahan-dahang iminulat ni Alejandro ang kaniyang mga mata at ito'y naghikab pa.

"Good morning, Magdalena." pagbati niya.

"Hindi kita maintindihan, Kuya, ano po ba ang nais mong iparating?" naguguluhang tanong ni Magdalena.

"Magandang umaga, 'yon ang aking sinabi." Ginulo-gulo ni Alejandro ang buhok ng kapatid.

"Magandang umaga rin, Kuya, tayo na sa baba, hinihintay na tayo ni ina at ama." pag-aaya ni Magdalena.

Bumaba na sila pareho, at handa na ang kapag nang makaapak sila sa kanilang kusina. Natapos ang almusal nila ilang minuto lamang, inihanda na nila ang kanilang mga dadalhin sa pagbisita sa nasabing tahanan, walang alam si Alejandro sa sinasabi nilang tahanan ng Gobernador-Heneral. Sumakay muli sila sa kanilang kalabaw, dala ang ilang basket ng naani nilang mga gulay, at ang saya na tinahi pa mismo ni Gabriella na siyang ibibigay niya sa nag-iisang anak ng Gobernador-Heneral, si Virginia.

My Sinisinta (TO BE PUBLISHED UNDER PAPERINK PUBLISHING HOUSE)Where stories live. Discover now