"Hindi ka nila minamaliit, Supreme Elaine. Ayaw ka nilang galitin dahil matagal na nilang alam ang nakakatakot na kakayahan ng isang Supreme Spirit. Ang tournament ang siyang battle field at ang mga judge ay ang mga manonood. Mag-ingat ka. Hindi lang sa palakasan napapatunayang ikaw ang tinaguriang emperor, kailangan din ng simpatya ng tao. Kapag kalaban mo ang lahat, walang silbi ang pinamumunuan mo. Kaya kailangang mong magpalakas para maging handa ka sa hinaharap."

Takot at awa ang pagtingin ni Cielle sa kapatid dahil malungkot ang mukha nito. Bumaba ang kanyang tingin sa nakayukom na kamay nito. Agad niya itong hinawakan kasabay nang pagtingin sa kanya ni Elaine. Ngumiti siya at nilagay ang kamay sa kanyang pisnge. Mahinhin niyang dinikit ang pisnge sa kamay ng kapatid na agad naman nawala ang pagkakayukom.

"Huwag kang mag-alala, ate. Tulad ng sinabi ko, tutulungan kita," malambing na saad ni Cielle at binitawan niya na ang kamay ng kapatid.

Ngumiti si Elaine at niyakap ang kapatid. Biglang nagulat sa kanya si Cielle, samantalang si Pinunong Sol ay napangiti lamang.

Habang magkayakap, hindi maiwasan ni Elaine na isiping nasa harapan niya ang kanyang totoong kapatid. May mga bagay hindi niya alam tungkol sa kanyang pamilya at sa nasasakupan niya. Kailangan niya iyong malaman hangga't may kalayaan pa siyang madiskubre ito sa puder ni Pinunong Sol.

"Ate! H-hindi. . . ako makahinga," nahihirapang saad ni Cielle.

Agad namang kumawala si Elaine sa pagkakayakap. "Sorry," tugon niya at napakamot sa batok.

Lumapit pa lalo si Pinunong Sol kay Elaine.

"Ngayon, alam mo na kung bakit sinasabi ko sa 'yo ang mga bawal sa kanya," saad nito na lihim na tumingin kay Cielle.

Tumango si Elaine at tumugon, "Oo. Mukhang alam mo na rin ang lahat. Hindi mo lang sinasabi sa akin."

"Isa akong mangkukulam, Supreme Elaine, ngunit hindi ko pwedeng sabihin sa 'yo ang mga nakikita ko sa hinaharap. Tulad ng pagbawal kong sabihin ang tunay na katauhan ni Cielle, hindi ka rin pwedeng mabigla. Kailangang ikaw mismo ang makaalam sa lahat," paliwanag ni Pinunong Sol.

"Salamat," nakangiting saad ni Elaine.

Yumuko ang matanda bilang tugon at nagmungkahi, "Walang anuman, Supreme Spirit."

"Ah. . . guys? May nakatingin." Napatingin sila Elaine at Pinunong Sol kay Cielle, at nakita itong nakatingin sa isang mamimili na takang nakatingin sa pagyuko ng matanda.

Sino ba naman ang hindi maguguluhan kapag ang matanda ang gumagalang sa mas bata pa sa kanya?

Napatayo ng maayos ang matanda at ngumiti. Humarap sa mamimili na parang walang nangyari.

"Ano po 'yon?"

𔓎𔓎𔓎𔓎

NATAPOS ang gabing abala ang mga nagtitinda at mga taong bumibisita sa sementeryo. Lahat sila'y may kanya-kanyang ginagawa at hindi sinasayang ang bawat oras dahil hindi na sila maaaring pumasok kapag sumapit ang alas dyis ng gabi.

Nakauwi ng walang problema sila Pinunong Sol at natulog agad dahil sa pagod. Binayaran na lang niya ang ginastos ni Elaine sa mga kandila dahil siya lang naman ang gagawa nito at wala ng iba. Nagpasalamat din sa kanila si Kriselda at binigyan pa ng kaunting pera. Kaya kahit papaano, hindi nasayang ang pagod ni Cielle sa pagtitinda.

Kinabukasan, nagising sila Elaine at Cielle na ang mga buhok ay bumalik sa dati. Nakahanda na rin ang kanilang kakainin dahil mas maagang nagising si Pinunong Sol para magluto sa kanila.

I'm a Ghost in Another WorldWhere stories live. Discover now