"Sabihin mo uwi muna siya at tulungan ang aming ina," saad ni Zyaniah nang walang boses na maririnig.

Humarap si Alaric kay Zianelle at ngumiti. Ang nakatulalang si Zianelle ay napasinghap at bahagyang napaatras sa gulat. Namula ang ang pisnge ng batang babae dahil ang parang-walang-emosyong mukha ng natitipuhan niya ay ngumiti. Animo'y lumulutang siya sa langit na tanging ngiti lang ng kapitan ang nagsilbing ulap sa kanyang paligid.

"Puwede ka munang umuwi at tulungan ang iyong ina," malambing na saad ng kapitan. Nakita niyang nagpigil ng tawa si Zyaniah kaya sinamaan niya ito ng tingin. Walang dudang siya si Elaine, sa isip-isip niya.

"Oo naman," nang-aakit na tugon ni Zianelle at nagsimulang maglakad paalis na nakatitig pa rin sa kapitan. "Mamaya'y babalik ako."

"Salamat." Lalong ngumiti ang kapitan na kinakilig ni Zianelle. Napahawak ito sa kanyang pisnge at nakayukong umalis. "Ang gwapo niya!"

Nang masara ang pinto, muling bumalik ang mukha ni Alaric sa pagiging blangko. Tiningnan niya si Zyaniah na nakaupo, nakatingin sa itaas, at mahinang sumisipol. Umupo siya sa tabi nito at tinitigan ng mabuti.

"Maaari niyo ng sabihin ang lahat. Mukhang sa titig niyo kanina, hindi lang ordinaryong multo ang kasama ni Elaine," usal ng kapitan.

"Tama ka ro'n." Umupo si Pinunong Sol sa tabi ni Zyaniah at umupo rin sa kaninang pwesto nila  sila Ivy at Karlo. "Makinig kayong mabuti para ang hinala niyo'y mawala sa 'kin. . ."

Ang kwento ay nagsimula sa unang pagtingin ni Pinunong Sol sa kanyang hinahanarap. Pagkatapos no'n ay pinatay na siya ni Guildmaster Gilth at ni Alaric. Nagpatuloy ang kwento kung saan nanatili ito sa nayon at natagpuan sila Elaine.

"Salamat sa pagtulong kay Elaine," saad ni Alaric nang matapos ang kwento.

"Supreme Spirit, Captain Alaric," ani Pinunong Sol.

"Okay lang. Huwag niyo akong ituring na gano'n kataas. Tulad niyo, naging normal lang akong tao noon," sabat ni Zyaniah at tumingin sa mga kasamahan. "Alam niyo ba iyon?"

"Ang alin po," mapagkumbabang tanong ni Karlo.

"Na hindi ako mula sa mundo niyo."

"May ilang nakakaalam dahil sa librong ginawa ng dating Supreme Spirit. Ngunit hindi lahat do'n ay naniniwala sapagkat masyado nang hindi kapani-paniwala ang mga kwentong iyon sa nakasanayan nila. Ang pagkabuhay muli ay hindi na nila kakayahan at malabong mangyari sa lupaing ito dahil sa tradisyunal na elemental magic," paliwanag ni Pinunong Sol.

"Hindi ba't hindi lang elemental magic ang nasa mundong ito?" takang tanong ni Zyaniah.

"Opo ngunit iilan lang ang nakakaalam nito."

Isa-isang tumingin si Zyaniah sa kanyang mga kasamahan. "Sino ang nakakaalam sa iba pang lupain bukod sa South-West Land?" tanong niya at lahat ay nagtaas ng kamay.

"Alam 'yon ni Guardian Sonja at sinasabi niya 'yon sa 'min," paliwanag ni Ivy.

Napahawak si Zyaniah sa kanyang baba at nagmungkahi, "Kung gano'n, lahat ng related sa mga guardian ay alam ang tungkol sa iba pang lupain. Imposibleng walang makakaalam. Hindi ba't nasa pangalan na nang emperyong ito na may iba pang lugar?"

"Ang mga dating emperor ay nagpokus sa mga impormasyon tungkol sa iba pang lugar sa labas ng South-West Land. Gamit ang posisyon niya, pinahayag niya sa mga pribadong sektor na huwag ipalaganap ang mga kwentong tungkol sa ibang lugar ngunit alam nilang hindi ito matitigil basta-basta. Naging taboo na lamang ito at hinayaang sumabay sa takbo ng henerasyon," paliwanag ng matanda.

"Bakit nila ginawa 'yon?"

"May napakabigat na rason ang emperor na hindi niya sinusuwalat. Pero ang alam ko, tungkol 'yon sa kung sino ang katauhan nila at gusto nilang maging payapa nang kalupaang ito nang hindi iniisip ang ibang ibayo."

I'm a Ghost in Another WorldWhere stories live. Discover now