Kabanata 1

63 7 0
                                    

"Ang ganda talaga ng buhok mo, Snow." Batid kong nakangiti si Bella nang sabihin 'yon habang sinusuklayan ako. "Napaka-natural din."


Kung ano raw ang kinaputi ng balat ko ay siya namang kinaitim ng buhok ko. Tuwid na tuwid din iyon na parang pinasadahan ng plantsa. Kahit hindi na raw ako magpa-rebond ay pwede na akong kuhaning model ng conditioner.

"Sa'yo rin naman ay maganda," pambawi ko. Tuwid ang kulay tsokolate niyang buhok ngunit sa tips ay kulot. Bagay na gusto ko rin mangyari sa buhok ko.

"Pero mas maganda ang iyo," giit niya saka muling hinaplos ang buhok ko. "Palit tayo ng hair, gusto mo?"

Nagkatinginan naman kami at sabay na natawa.

"Guys, tara na!" masiglang sigaw ng presidente ng aming klase. "Magbubukas na ang mga booth!"

Grade 4 na kami ngayon habang si Rocket ay muling bumalik sa pag-aaral nang makahanap ng scholarship ang kaniyang ina. At sa pagbabalik niya bilang Grade 6, naging sikat siya dahil sa angking talento sa pag-arte.

"Pwede bang mamaya na?" nakangusong bigkas ni Bella, ayaw tumayo sa kinauupuang damuhan. "Pagod pa ko, eh." Nag-ayos kasi siya ng stage kanina sa opening ceremony ng festival dahil miyembro siya ng council.

"D'yan ka muna," ani ko naman sabay sukbit ng bag. "Kailangan kong pumunta sa theatre booth. Siguradong nando'n na si Rocket."

Ngumiwi siya nang marinig ang pangalan ng pinsan at kinumpas ang kamay. "Sige na, sumilay ka na."

Ngumiti ako. "Hintayin kita ro'n, ah?"

"Aba, balak mo bang manatili roon maghapon?"

"Sana." Saka ako mas ngumiti.

Hindi siya makapaniwalang tumingin sa akin. "Ang lala mo pala magkaroon ng crush."

Tinawanan ko lang siya at mabilis na tumakbo patungo sa theatre booth.

Gaya ng inaasahan, sobrang daming estudyante ang nagsisiksikan para mapunta sa unahan at masilayan si Rocket. Nakasuot na siya ng leather jacket na pinahiram ng MAPEH teacher nila para sa gagawing dula ngayong araw. Nangingibabaw pa rin ang pula niyang buhok na pinagbabawal ng principal. Ngunit wala rin siyang nagawa dahil sumisikat ang paaralan namin dahil kay Rocket. Isa raw iyong malaking factor kaya maraming nag-eenroll ngayon dito.

"Rocket!" hiyaw ko saka kumaway. Pilit din akong tumitingkayad upang makita siya. Ang tatangkad naman kasi ng mga nasa unahan! Hindi ko tuloy makita nang maayos ang crush ko. "Rocket! Hi!"

Nahagip ng mata ko na huminto si Rocket sa pag-aayos ng lapel niya at luminga sa paligid. Narinig niya kaya ang boses ko? Pero nang muli akong makipagsiksikan ay nakatuon na siya sa mga kasama niya.

Nayamot ako nang may tumulak sa akin dahilan para mawalan ako ng balanse at muling mapunta sa huli. Mabilis akong tumayo saka pinagpag ang pantalon. Napatingin ako sa katabing puno at makapal ang mukha na umakyat doon.

"Ang galing mong um-acting, Rocket!" malakas kong usal kaya naman nagawi ang atensyon ng lahat sa akin. "The best ka!"

Nasaksihan ko kung paano siyang matigilan at unti-unting nagtaas ng tingin sa akin. "Snow?" Hindi ko man narinig ngunit iyon ang nabasa ko sa pagbuka ng kaniyang bibig. "Anong ginagawa mo r'yan? Bumaba ka."

Malawak akong ngumiti at muling kumaway sa kaniya. "Dito lang ako!"

"Ang supportive naman ng kaibigan mo, pre!" rinig kong bigkas ng isa niyang kasamahang lalaki. "Bihira lang 'yong ganyan kaya 'wag mo nang pakawalan." Saka naghiyawan ang iba pa niyang kapwa aktor.

Last HeartbeatWhere stories live. Discover now