Nagtungo ako sa kusina at kumuha ng isang basong tubig, kanina ko pa hindi masumpungan si Manang  Luz nais ko rin sanang tanungin sa kaniya kung may nalalaman na ba ito patungkol sa naiibigan ni Sally. Ibinaba ko ang baso at napailing ng paulit-ulit.

Dapat ay hindi ko inaalala ang bagay na iyon, ako ba'y naninibugho sa kanila? hind ko rin maintindihan kung bakit nararamdaman ko ang kirot at sakit gayong noong isang araw ko lamang nakasama at nakausap si Lazaro. Iba ang sinasabi ng aking puso, tila ba matagal na kaming magkakilala ngunit hindi ko batid ang bawat detalye kung paano kami nagkakilala.

Napahinga ako nang malalim at nagtungo sa asotea. Unti-unti nang nagpaparamdam ang malamig na simoy ng hangin wari'y nagpapahiwatig nito na sana'y maramdaman mo ang lamig nito.

"Señora?" napabaling ako kay Manang  Luz nang magsalita ito mula sa aking likuran. "Manang Luz saan ho kayo nagtungo, kanina ko pa po kayo hinahanap" nagagalak na saad ko at lumapit sa kaniya habang hindi nawawala ang tipid kong ngiti.

Blangko ang kaniyang ekspresiyon habang nakatingin sa akin, hindi niya rin inabala ang kaniyang bibig na bumuo ng salita upang tugunin ang aking sinambit. Unti-unti nang nawala ang ngiti sa aking labi at napalitan ito ng pagtataka. "Manang Luz ano hong problema?" tanong kong muli.

Bakas sa kaniyang mga mata ang kaba at pag-aalinlangan. Inilahad nito sa aking kamay ang isang liham. "May isang binibini na nagbigay niyan sa akin, ikaw ang kaniyang hinahanap ngunit sinambit ko na wala ka kaya't pakiusap nito na ibigay ko na lamang iyan saiyo" wika nito.

Kinuha ko sa kaniya ang liham at nagtungo sa sala, dahan-dahan akong umupo roon habang pinagmamasdan ang liham. Wala akong ideya kung ano ang nakalagay roon ngunit bigla na lamang akong kinutuban. Maingat kong binuksan ang liham, nakasulat ito ng Español ngunit sapat lamang iyon upang aking maunawaan.


Señora. Solana Aragones,

Magandang araw saiyo, nais ko lamang ipabatid saiyo na hindi ba't nakatanggap kayo ng liham mula kay Señor, Aguilar de la Frontera patungkol sa pagiging kapartido nito sa isang bunubuong negosyo dito sa Paris. Sinang-ayunan ito ni Señor Aragones at kami'y taos pusong umaasa na siya'y makararating sa nakatakdang araw na pinag-usapan. Subalit hindi iyon natupad ni Señor Aragones, higit isang buwan nang wala rito sa Paris ang inyong asawa. Ilang ulit na rin kaming nagpadala ng liham sa kaniya ngunit wala itong tugon. Nais lamang naming ipaalam sainyo ang bagay na ito dahil sa pagiging hindi responsable ng inyong asawa.

Aming napag-alaman na hindi ito nagtungo sa daungan ng barko patungong Paris bagkus ito'y kasalukuyang naninirahan ngayon sa Madrid. Ipagmaunhin niyo ngunit pinutol na ni Señor, Aguilar de la Frontera ang kaniyang ugnayan sa iyong asawa. Sana'y siya'y iyong naiintindihan.

Maraming salamat!

Martina Dominguez


Itinupi ko ang liham habang nababalot ang gulat sa aking mga mata, hindi nagtungo si Jacinto sa Paris, anong ibig sabihin nito. Anong ibig sabihin ng kaniyang mga liham na nagpapahiwatig na mabuti ang lagay  nito sa Paris? Higit isang buwan na siyang wala rito kung gayo'y higit isang buwan din siyang wala sa Paris.

Nangingilid ang aking luha at hindi ko na malaman ang aking gagawin, bakit mo ito nagawa Jacinto? ano ba ang pumasok sa iyong isipan at basta mo na lamang isinuko iyon. Ang batid ko ba'y pangarap mo iyon ngunit ano ito?

Agad akong nagtungo sa aming silid at kumuha ng pluma at tinta, kung wala ito sa Paris ngayon ang ibig sabihin ay hindi rin nito nababasa ang aking mga tugon sa kaniya. Tatlong beses lamang itong nagpadala ng liham sa akin sa loob ng isang buwan, hindi ko ito kinwesiyon sa kaniya dahil ang batid ko'y marami itong ginagawa.

Tulang Walang Tugma (Pahayagan Serye-Dos)Where stories live. Discover now