Chapter 31

71 3 1
                                    

"Anong nalaman n'yo na kailangan naming malaman sa lupa? Pwede n'yo bang ibahagi sa amin ito?" tanong ni Ate Guinevere sa mga elves noong nakatigil na sila sa tabi ng portal ng Wishing Well, bago sila makalabas doon.

Kabado pa rin ang mga elves pero hindi nagdamot ang mga ito ng impormasyon.

"Nakatakda nang maganap ang rebolusyon sa panahon ng ispiritung may hawak ng kuldron ng tubig at nag-aalala ang mga taga-ilalim ng lupa. May maliit na rebelyong naganap sa aming kaharian. May mga elfino na ikinagagalit ang pagtulong namin sa mga tao," ani nang isa sa tatlong elves sa malungkot na tinig.

Nagulat siya at napaangat ang isa niyang kilay. "Galit sila sa 'min?"

Yumukod ang isa bago nagsalita. "Ipagpaumanhin n'yo. Hindi sa inyo, kundi sa ibang mga tao. Ang Reyna ng mga elfino ay kaibigan ng mga apo ng diwata at walang sisira sa ugnayang ito."

"Pero ang mga taong tagalupa ay patuloy sa pagsira sa kalikasan at nadadamay rito ang lahat ng mga nilalang," daing naman nang pangatlo. "Nakarating sa amin ang pagsanib ng diyosa ng mundo sa isang napakasamang bruja. Lahat ng ito ay nangyari dahil sa mga tagalupa. Gusto nilang sakupin lahat sa pag-aakalang anuman ang natirikan nila o nilagyan ng pangalan ay kanila nang pag-aari at maaari na nilang gawin anuman ang gusto nila rito. Sinakop na nila ang lahat ng kalupaan, dahilan kung bakit kinailangang naming iwan ang aming tirahan sa loob ng libong mga taon, at ngayon ay isang mapagkamkam at mapag-imbot namang bruja ang umagaw sa kapangyarihan ng diyosa? Nakatakda nilang puksain ang sistema ng mundo!"

"Pero hindi nila alam ito. Hindi nila alam ang kanilang ginagawa," protesta niya.

Nag-angat ng tingin sa kanya ang huling elfino. "Kailan pa sila matututo? Kailan pa sila magtatago sa katwirang iyan? Dalawang libong taon nang namatay sa krus ang taong nagbigay sa kanila ng mensahe at labing limang libo mula nang mabuhay ang huling propeta ay ginagawa pa rin nila ang pinagbabawal sa kanila. Kailan pa nila matututunan na munti lamang silang parte nang kabuuan nang buong kalikhaan; silang tinuring na may sariling isip at may kakayanang matuto ang nag-iisang angkan ng mga nilalang na hindi nakakatuklas nito. Mas una nilang pinag-aralan ang pagkamkam bago ang pagbibigay, ang pagyayabang bago ang pagmamahal, ang galit bago ang awa."

"Eldore," protesta ng kasama nito, iyong yumukod sa kanila. "Nakatakda silang matuto. Hintayin natin iyon nang may pagpapasensya. Binigyan ng Amaing Panahon ng pagkakataon ang ating angkan. Bibigyan ba sila ng Amaing Panahon nang sandali lamang? Hindi magluluwat at dadating din ang kanilang kalinawan."

"Enore, kailan? Ang masamang bruja—"

"Ay walang kontrol sa diyosa at sa diyos. Tanging ang buong katauhan ang makagagawa nito. Nangyari rin ito sa ating lahi. Nakalimutan mo na ba ang istorya ng pagkatuto ng mga elfino, Eldore? Sa pinakamadilim na parte ng ating kasaysayan nabuksan ang ating mga mata sa ating pagkakamali. Sa kadiliman lang nabubuhay ang liwanag. Magpasensya pa tayo. Matututo rin ang mga tao."

Tumiim ang bagang nang maliit na elfino.

"Eldore, Enore, kailangan na nating magbalik sa ating kaharian," sabi nang naunang elfino na patuloy pa rin ang pagtingin-tingin sa paligid. "Hindi ito ang lugar para magtalo. Tayo na."

"Bakit ka palingon-lingon, kaibigang elfino?" tanong niya rito.

Tumingin ito sa kanya, namimilog ang mga mata sa pag-aalala. "Hindi n'yo ba narinig? Nabubuhay ang mga bulkan. Ang lagusang ito ay isa sa lumang daanan ng nag-aapoy na putik. Lahat ng mga elfino ay nakatakdang lumikas."

"Ha? Pero saan kayo lilikas?"

Napalunok ang maliit na elfino. "Hindi pa namin alam... nang magsimulang umurong ang mga kagubatan, lumikas kami sa ilalim ng lupa. Ngayon ay mukhang aalis na rin kami rito." Nakikiusap itong tumitig sa kanila. "Ako'y may asawa... may mga anak. Ang aming mga matatanda ay mahihina na at kung magtatagumpay ang masamang bruja, saan sila mamamahinga? Nakikiusap ako sa inyo... gawin n'yo ang lahat para maibalik ang panahon sa tinatakbo niyong landas. Buksan n'yo ang mga mata ng mga tao. Kayo na lang ang aming pag-asa."

At unti-unti, naglaho sa kanilang paningin ang mga ito.

May luha sa mga mata nina Georgette at Guinevere nang magmulat silang nakatayo na sa tabi ng Wishing Well sa loob ng bakuran ng kanilang bahay sa Maynila. Umalpas ang iyak sa kanyang dibdib nang yumakap siya sa kapatid.

May tumikhim. At sabay silang napalingos sa pinanggagalingan niyon.

Nag-aalala ang mukha ni Daniel habang nakatingin ito sa kanila. "May problema ba?"

Napahingal si Georgette.

Pagkatapos ay sumugod sa binata para yakapin ito.

Nang sandaling napag-isa sina Daniel at Georgette sa duyan noong pumasok na sa bahay si Ate Guinevere, muli silang nakulong sa yakap nang isa't isa. Yumuko si Daniel, inangkin ang kanyang mga labi at maalab siyang hinalikan, halik na nagpatuloy hanggang sa pareho na silang nakabawi sa pangungulila sa sandali nilang paghihiwalay.

"Mabuti't nakabalik kayo agad," aniya noong nagawa na niyang makapagsalita. Ang mga kapatid nito ay nasa loob na ng bahay.

"Hinatid kami nina Prof. Nunu at Lolo Pilay dito dahil naalarma ang mga matatandang guro sa mga nangyayari sa buong mundo. Maraming mga kalalakihan at kababaihang Buriway ang isinugo sa iba-ibang lugar. Kami ang isinugo sa inyo." Tumitig sa kanya. "Bakit ka umiiyak? Anong nangyari?"

Napalunok siya at kinwento niya rito ang tungkol sa mga elfino sa ilalim ng lupa.

"Hindi lamang pala mga tao ang apektado sa mga nangyayari. Payapa silang nabubuhay sa ilalim ng lupa pero heto't nag-aalala sila para sa kanilang mga buhay at sa buhay nang kanilang pamilya. Sina Lola, dumating na ba? Ang iba?"

Umiling ito. "Wala pa ang mga lola mo at sina Aling Lily pero ang iba ay dumating na. Hindi ako napalagay nang nalaman kong wala pa kayo."

"Gumamit kasi nang ibang daanan ang mga elfino. Nagtagal kami pero hindi bale na. Nakausap namin sila at nalaman naming nabubulabog na pati ibang mga lahi sa mundo."

Lumabas si Peachy para sabihing handa na ang hapagkainan para sa hapunan. Seryoso silang pumasok sa bahay para makitang nasa mukha nang lahat ang tensyon dahil sa mga hindi pa dumarating na mga kapamilya at kaibigan.

Sina Miguel at Uriel ay kababakasan ng pag-aalala sa mga mukha habang nakatanaw sa labas ng bintana. Nasa cellphone si Ate Guinevere, kausap si Ate Soliel at kinukwento rito ang tungkol sa mga nalaman nila sa mga elfino. Dumating si Kuya Caleb at agad na nakulong sa yakap nito ang asawa.

Sa labas ng bahay, bumuhos muli ang ulan, umihip ang malakas na hangin, at patuloy ang hindi magandang balita sa telebisyon tungkol sa mga nangyayari sa bansa at ibang mga karatig na dinadaanan nang pinakamalakas na bagyong nagdaan sa mismong Tag-araw sa equator!

Halos hindi nagalaw ang pagkain sa mesa.

Ang unang ngiti na nagdaan sa kanilang mga labi ay noong ibalita ni Kuya Orlando na successful ang paglilikas ng mga orphans at mga matatanda mula sa lahat ng mga orphanages at homes for the aged ng LeCharmeEncantara. Nakarating na ang mga ito ngayon sa mga lugar na ligtas sa baha. Maayos na rin daw naikalat ang mga counter-spells sa hexes ni Leica sa lahat ng mga ospital, delivery clinics at health centers sa buong lungsod. Ganoon din ang balita mula sa kanilang mga kaibigang witches sa iba't ibang mga probinsya.

Agad niyang inilabas ang libretto na binigay sa kanya ni Victoria para ilipat sa mga kamay ni Peachy, para magawa naman ang bagong counter-spell.

Bago maggabi ay nawalan ng kuryente kaya, sa liwanag ng mga kandila, pinagtulungan nilang ihanda ang mahabang mesa sa kusina para sa sunod na batches ng counter spells na gagawin nila sa gabing iyon na ikakalat sa lahat ng lugar bukas. May generator naman sa likod-bahay, pero hindi nila kayang gamitin iyon habang ang paligid nila ay balot sa kadiliman. Nagulat siya nang maglabas si Daniel ng laptop, at sinabi nitong gusto nitong magkalap ng iba pang mga balitang nangyayari sa buong mundo. Inilabas din niya ang kanyang laptop at kinopya ang spell ni Vee para i-attach sa mga emails na ipapadala niya sa mga covens sa ibang bansa.

Katatapos lang niyang i-send ang mga emails nang dumating ang mag-asawang Orlando at Soliel. At nang malamang hindi pa umuuwi ang grupo nina Lola Mertha at nina Aling Lily o ni wala pang balita mula sa mga ito, ay lubha na silang nag-alala. 

Enchanted Daughters of the Ancient Fairy 3: The Dancer & the ShapeshifterTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon