Chapter Twenty-Nine

75 5 1
                                    

HINDI NAGTAGAL at kinailangan na muling umuwi ng mga Buriway sa isla ng Vernaa para sa isang malawakang paghahanda nang buong lahi ng mga shapeshifters sa paparating na sigalot. Umalis ang mga itong kasama muli ito sina Lolo Pilay at Prof. Nunu.

Naroroon na sa harapan ng bahay ang iba para mamaalam sa mga paalis nang lumabas si Georgette, mabigat ang dibdib. Kausap nina Prof. Nunu si Daniel, na nauna nang lumabas ng bahay dahil may inaasikaso. Yakap ni Uriel nang mahigpit si Kathleen habang si Veronica ay nakasandal sa dibdib ni Miguel, at may binubulong dito ang lalaki sa masuyong tinig habang pumapatak ang mga luha sa mukha ng babae.

Nakagat niya ang ibaba niyang labi para pigilan ang sariling umiyak din.

Sa wakas, kailangan nang magpaalam ng mga ito. Nagyakapan. Nagmano ang mga ito kay Lola Mertha at humalik sa pisngi nito. Niyakap siya nang mahigpit ng mga kapatid ni Daniel, isa-isa. Nangako din ang mga ito na ibabalik sa tabi niya ang binata as soon as possible.

Huling yumakap sa kanya si Miguel. At habang yakap siya, bumulong ito.

"Noong sanggol pa si Daniel, may nakitang pangitain si Ina tungkol sa kanya."

Gulat siyang napatingin dito. Matagal na niyang naririnig ang tungkol sa pangitain mula kay Daniel mismo, pero hindi niya alam na meron pang detalye iyon. "Ano iyon?"

"Nakita siya ni Inay na naglalakad sa mala-impyernong apoy nang may kasama."

Ngumiti ito sa kanya habang pakiramdam niya, lahat ng joints sa buo niyang katawan ay nag-lock sa paninigas niya. Gusto niya itong hampasin. Alam ba nito kung gaano nakakatakot ang sinabi nito? How could he smile like that? "L-Literally?"

"Huwag kang mag-alala. Ayon din kay Ina, magiging kanlungan n'yo ang aming lola. Hindi ako magyayabang na sabihing naiintindihan ko ito... pero ikaw lang ang sumunod sa larawan ni Ina sa makakasama ni Daniel sa pagsubok... isang babaeng bukal ng pag-asa... sa lawa ng apoy." Pinisil nito ang kanyang balikat. "Huwag kang mag-alinlangan sa makakayang gawin ng kapatid ko sa ngalan ng pag-ibig niya sa 'yo, Georgette. Ang buong buhay niya ay nakahanda lang sa pagtatagpo ninyo."

Napalunok si Georgette. Kung sa normal na sitwasyon, ang extreme nang sinabi nito. Buong buhay ay nakahanda lamang sa pagdating niya? Pero ganoon din ang kanyang nararamdaman. Hindi ba't buong buhay niya—at ito'y majority ng kanyang naaalala at hindi naaalala, ha?—ay parang sa paghahanda sa pagdating ni Daniel sa kanyang buhay?

"Pansamantalang paalam," ani Miguel bago siya hinalikan sa noo. Gusto niya ang pagiging touchy ng mga Buriway. Feel na feel niya na pamilya siya talaga ng mga ito.

Napatango siya, at habang lumalayo ang nakatatandang kapatid ni Daniel parang namamanhid siya. Noon lumapit sa kanya si Daniel at nagyakap sila, mahigpit. Pagkatapos, sa harap ng mga ito, hinalikan siya ni Daniel sa kanyang mga labi.

At tumutulo ang kanyang luha habang unti-unti niyang pinanonood ang paglalaho ng mga ito sa kanilang paningin na parang mga multong dinatnan ng liwanag ng umaga.

PAGKAALIS NA pagkaalis ng mga Buriway ay sumama ang panahon na parang nadamay yata sa bagsak na mood ng naiwan ng mga ito. Nag-unahan ang madidilim na mga ulap sa pagharang sa asul na langit at lumakas ang hangin. Bumuhos ang ulan na parang sa malakas na bagyo.

Na nakarating iyon sa San Bernardino sa unang pagkakataon mula noong nagpakalat sila ng protective charms ay isang pangit na pangitain. Mabilis na naghanda ang lahat para makabalik agad sa Maynila.

Ipinapasok niya sa bag niya ang pinakahuling gamit, ang kanyang laptop, nang kumatok sa pinto niya si Veronica.

"Vee? What is it?"

Enchanted Daughters of the Ancient Fairy 3: The Dancer & the ShapeshifterTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon