Hiling

0 0 0
                                    


Minsan iniisip ko kung saan ako nagkamali, noon bang hindi kita inintindi sa kung anong nararamdaman mo? O noong nakikipagtalo ako sa iyo sa kung ano ang dapat mong gawin?

Naalala ko pa nang minsan tayong magkausap. Nagkakatawanan tayo, kitang kita ko ang tuwa sa 'yong mata. Ngunit nagbago iyon noong nakita natin siya.

Hindi lang isang beses kong nakita ang iyong kasintahan na may kasamang iba. Maraming beses na at kung minsan ay nakikita pa kitang nakatanaw sa kanila.

"Kamusta ka naman?" bungad ko sa iyo noong minsang nakita kita. Inaya kitang umupo noon sa bakanteng upuan na nakita ko.

"Eto, ayos lang. Bakit?" tanong mo nang nakangiti.

"Hindi ka ba nagsasawang magpanggap?" tanong ko na puno nang kuryosidad.  Kitang kita ko kasi sa mga mata mo ang lungkot. Paano mo ba nagagawa iyon?

"Hala? Anong sinasabi mo diyan?" tanong mo na sinabayan ng tawa. Makailang beses mo akong napalo dahil sa kakatawa mo.

"Dahil na naman ba sa kaniya?" muli kong tanong. Tinignan kita nang mata sa mata, gusto kong makita kung gaano katotoo ang lahat. Totoo bang ayos ka lang? Tanong na gusto kong isatinig ngunit hindi ko nagawa.

"Ewan ko sayo!" inis mong turan kasabay ng iyong pagtayo.

Agad kong hinawakan ang iyong kamay— pilit kang pinababalik at nagtagumpay naman ako. Umupo ka kaagad ngunit kasabay noon ay ang pagkislap ng ilang luha sa iyong mata.

"Sabi ko naman kasi sa iyo, hindi ka niya mahal!" sabi ko sa 'yo. Gusto kong ipamukha ang pilit mong tinatakasan. Nais kong maintindihan mo ngunit nabigla ako sa iyong tugon.

"Mahal ko siya! Sapat na 'yon," pasigaw mong sagot sabay nang pagpupunas mo sa 'yong luha.

"Pero hindi ka niya mahal, paano mo nagagawang manatili?" puno ng pagtataka kong tanong. Paano mo iyon nagagawa? Sapat na nga bang rason 'yong, mahal mo siya kaya ka mananatili? Hindi ba't mas magiging masaya ang 'yong pananatili kung mahal niyo ang isa't isa?

"Mahal niya ako! Alam ko 'yon. Ramdam ko," pagmamatigas mo pa rin.

"Hindi 'yan ang nakikita ko— namin!" pasigaw kong sagot. Bigla ay tuluyang nagbagsakan ang 'yong luha.

"Hindi mo kasi naiintindihan, wala kayong alam!" malungkot na saad mo habang patuloy na umiiyak.

Hindi nga ba talaga namin naiintindihan? O sadyang ikaw ang hindi nakakaintindi? Ipatindi mo naman sa amin, o.

"Ipaintindi mo kasi!" Hindi ko na alam ang gagawin ko. Gusto kitang maintindihan ngunit ikaw mismo ayaw mong sabihin.

"Kahit na ipaliwanag ko, hindi niyo maiintindihan!" huli mong sabi bago ka umalis.

Umiiyak ka pa rin ngunit pilit mo itong pinipigilan. Hinayaan kitang umalis dahil alam kong iyon ang dapat. Hindi nga ba talaga namin maiintindihan? Kaya mas pinili mong umalis at hindi magpaliwanag?

Naiwan akong tulala noon, naguguluhan siguro tama ka nga. Noong mga oras na iyon, hindi ko nga siguro kayo maiintindihan. Wala nga sigurong makakaintindi sa klase ng relasyong mayroon kayo.

At ngayong nakikita kitang nakasuot ng itim at nagluluksa, naiintindihan ko na. Naiintindihan na namin kasabay ng hiling na sana sinabi mo sa amin.

***

a villein's memoirΌπου ζουν οι ιστορίες. Ανακάλυψε τώρα