Sa pagitan ng dalawa . . .

2 0 0
                                    

Kalungkutan,

Kalungkutan ang kaniyang rason kaya sa mundong ginagalawa'y napadpad. Hindi naman talaga niya inaasahan na sa mundong iyon ay magtatagal. Aminado siya, noong una'y wala lang iyon, wala pa kasi sila. Wala pang rason para manatili, wala pa. At nang dumating nga sila'y kakaibang saya ang naramdaman. Mali pala. Nang makarating siya sa kanila'y kakaibang saya ang naramdaman. Pagtanggap, pagkakatulad at tunay na pagkakaibigan. Lahat iyo'y natagpuan sa mundong iyon.

Ngunit ngayo'y nawawala na siya . . .

×××

Kasiyahan,

Kasiyahan ang naging hangad niya, na nakuha niya rin kalaunan. Masaya. Nasiyahan siya sa mga kaganapan. Natuwa sa mga bagong tagpong kaibigan, namalagi sa mundong iyon nang higit pa sa dapat. Nawala. Tunay ngang nawala siya. Nawalan ng oras sa totoong mundo, napabayaan ang realidad. Kasiyahan, iyon lang ang hangad niya.

At nang makuha nga'y nakalimutan niya na ang lahat.

×××

Kalungkutan,

Muli na naman niyang naramdaman nang magbalik sa realidad. Nakita ang epekto, ipinaramdam ng mga kaibigan sa totoong mundo.
"Masaya ka ba?" minsang tanong sa kaniya.
"Masaya ba siya? tanong sa sarili.
"Hindi," ang naisagot.
Hindi siya masaya sa kinahinatnan sa realidad. Masakit pala. Nalulungkot siya. Hindi niya kailanman inasahan na ganoon ang kapalit ng lahat.

×××

Kasiyahan,

Sa kabila ng lahat ay nagpatuloy siya, mas nanaisin niya pa ring manatili sa mundong iyon. Mas nanaisin niya roon kaysa sa nakasasakal na realidad. Masaya siya roon. Sapat na 'yon.

×××

Kalungkutan,

Muli na namang naramdaman, at hindi na maipagkaila. Nalulungkot na siya. Pakiramdam niya nga'y kakaibang malas ang dala niya. Bakit nga ba sa tuwing ganoong panahon nangyayari ang bagay na 'yon? Masakit para sa kaniya, pero wala. Ayos lang siya, nangyari na 'yon noon, dapat sanay na siya. Pero hindi pa rin pala. Hindi pa rin. Ninais niyang umiyak ngunit walang luha ang tumugon sa kaniyang nasa. Gusto niyang umiyak, pero bakit hindi siya maluha?

"Kumusta?" tanong sa kaniya ng kaibigan.

"Ayos lang!" ang siyang tugon.

At doon tuluyang bumagsak ang mga luha. Umiiyak na siya, pero hindi siya dapat umiyak. Hindi niya kailangan ng luha pero taksil ang mga ito. Kung kailan hindi kailangan ay biglang darating. Taksil ang mga luha, pero mas taksil ang damdamin niya. Umiyak siya, sa pag-asang mawawala rin ang bigat. Umiyak siya, umaasang mawawala ang lahat ng iniisip. Ngunit hindi, hindi iyon nawala at hindi kailanman mawawala.

×××

Kasiyahan,

Sa kabila ng lungkot ay di maikakailang nakakangiti pa rin siya nang tunay. Hindi nagpapanggap, totoo. Sa kabila ng sakit, nabigyan siya ng rason para ngumiti. Sa kabila ng lahat... masuwerte pa rin pala siya at mayroon siyang kasama. Masuwerte pa rin pala siya, sapagkat mayroong nakaiintindi sa kaniya.

+++++

L,

Kumusta ang pamamahinga? Malungkot pa rin ba? Masaya pa ba? Ayos pa rin ba? Gaano katagal ka nga bang nawala? May balak ka bang bumalik? Babalik ka pa ba?
Ano ba ang nagtulak sa 'yo para huminto? Kumusta na?

—B

×××

B,

Di lang naman ako ang nawala. Matagal ka ring nawala, at siguro nga'y ayaw mo nang may makahanap pa sa 'yo. Siguro nga'y kahit gaano mo pa kagustong umuwi'y di mo magagawa. Wala ka nang mauuwian, wala ka nang mababalikan. Kaya balikan mo ang lugar na alam mong mababalikan at mauuwian mo pa.

—L

×××

L,

Gusto ko nang umuwi...
Gustong-gusto ko nang umuwi...

—B

×××

B,

Uuwi na tayo.

—L

***
#EEEPagbalikSaNakaraan

a villein's memoirWhere stories live. Discover now