Ang Balita

2 0 0
                                    

  “Narinig mo na ba ang balita?” bungad ni Aya sa kaibigan.

   “Oo, Aya,” sagot nito sabay buntonghininga.

   “Grabe sila, Les. Hindi nila iniisip ang kapakanan ng iba,” reklamo ni Aya sa kausap.

   “Hindi ko alam ang mararamdaman ko, Aya. Matutuwa ba ako dahil mabibigyan na ako ng pansin o malulungkot dahil kasabay noon ay ang—” Di na natapos pa ni Les ang sasabihin nang makita ang isa pang kaibigan.

   “Ino!” tawag dito ni Aya. Lumingon naman ito at nang makita sila'y agad na lumapit. Nang makaupo'y nagbatian muna sila, ngunit kapansin-pansin ang pananahimik ni Les.

   “Uy! Les, ayos ka lang ba?” tanong dito ni Ino.

   “Oo, Ino. Ayos lang, salamat,” tanging sagot ni Les.

   “Ano bang pinag-uusapan ninyo, at mukhang problemado itong si Les?” Saka niya binalingan si Aya.

   “A-ano. . . tungkol doon sa nababalita ngayon,” nahihiyang sagot ni Aya.

   “Nabalitaan n'yo na rin pala?” pilit na ngiting aniya.

   “A-ano ba kasing nangyari?” biglang tanong ni Les.

   “Sa totoo lang, hindi ko talaga alam. Lagi tayong magkasama hindi ba?” sagot niya.

   Natahimik bigla ang dalawa, hindi nagtagal ay dumating pa ang dalawa nilang kaibigan—si Aga at Ara. Kaagad na pumwesto ang dalawa sa kanilang upuan.

   “Nabalitaan n'yo na ba?” tanong ni Ara sa tatlo sabay sulyap kay Ino.

   “Iyon nga ang pinag-uusapan namin ngayon,” sagot ni Aya.

   “Marami kaming naririnig sa labas,” bungad ni Aga.

   “Gaya ng?” nagtatakang tanong ni Les.

   “Marami ang tutol sa balita pero. . . inilabas nila ang kanilang rason sa desisyong iyon,” sagot ni Ara.

   “At ano ang kanilang rason? Dahil sa paulit-ulit na kong naging kabilang sa patimpalak? Unang pagsubok, Ikalawa at ngayon sa ikatlo'y ipagbabawal nila ako?” Nagsimulang tumulo ang luha ni Ino.

   “Wala naman akong ginagawang masama, sa katunayan nga'y makatutulong pa ako. Kaya  bakit sila ganoon?” litanya ni Ino.

   “I-ino . . . .” bulong ng apat. Hindi nila alam ang gagawin, ito ang unang beses na nakita nila itong ganiyan.

   “Sabi nila, di ka naman daw tatanggalin. Ang mangyayari lang ay—” Di na natapos ni Ara ang sasabihin dahil sa paghampas ni Ino sa mesa.

   “Tanggalin man o gawing pamimilian, pareho lang iyon! Kapag ginawa nila akong opsiyon lang, sa tingin mo, sino ang pipili sa akin? Hindi ba't wala? Katumbas na rin iyon ng pagtanggal sa akin!” pigil ang galit na sumbat ni Ino.

   Hindi alam ng apat kung ano ang sasabihin. Sa kanilang lima, si Ino ang pinakakalmado sa kanila, ito rin ang kadalasang nagpapagaan ng kanilang nararamdaman. At ngayong nakikita nila itong nagkakaganiyan, hindi nila alam ang gagawin.

   Sa isip-isip ni Ara, tama nga naman si Ino. Kung ang rason sa nasabing desisyon ay ang pagiging paulit-ulit nitong kalahok, bakit hindi sila isama? Gayong magkakasama naman sila noong una pa lang, ngunit bakit sa huli'y kailangan nitong tumigil?

   Sa isip-isip naman ni Aya, Oo nga. Bakit si Ino pa? Gayong siya ang rason sa pagkakaisa ng lahat, sa katuwaan ng iba, bakit siya pa?

   Si Aga'y walang maapuhap na salita, tila naninimbang. Ngunit sa isip niya'y, sana mangyari ang nararapat.

   At kung si Les naman ang tatanungin . . . Bakit nga kaya ganoon? sa isip-isip niya. Kung mangyari nga ang nababalita'y pabor iyon sa kaniya, pabor iyon sa karamihan. Mas nagkakaroon siya ng gamit, mas mararamdaman niya ang kaniyang saysay. Ngunit kung ang kapalit ay si Ino... hindi niya nanaisin pang makilala.

  Sabay-sabay silang napabuntonghininga. Sabay-sabay na tumayo at nilapitan ang nakayukong si Ino.

  “Hayaan mo, Ino. Mangyayari ang itinakda,” alo ni Aga, tinapik niya muna ito bago umalis. Ganoon din ang ginawa ng iba, tinapik muna si Ino bago umalis upang mapag-isa ito.

   Sa isip-isip ni Ino, “May masama nga ba talaga? Hindi naman ako tatanggalin...” Umayos siya mula sa pagkakayuko. “Ngunit ang pag-alis sa 'yo bilang isang pangangailanga'y katumbas din ng pagtanggal sa 'yo. Gagawin ka lamang isa sa napakaraming pamimilian. Hindi ba't magkatulad lang?” kastigo ng kabilang parte ng isip niya.

   Tumayo na si Ino, nahimasmasan at agad na sumunod sa mga kaibigan. “Siguro nga, tama si Aga. Mangyayari ang itinakda at kung magkatotoo ang balita'y tatanggapin ko na lang,” sa isip-isip niya habang naglalakad.

***
#EEEIkatlongMukhaNgKatotohanan

a villein's memoirWhere stories live. Discover now