PROLOGUE

13.9K 236 4
                                    

Malaki ang ngiti niya nang maipadala niya na ang mga order ng mga buyers niya. Marami-rami rin siyang naibenta. Naubos ang mga damit na binebenta niya kaya ang gaan ng kalooban niya. May kita na naman kasi siya kahit maliit lang. Malaking tulong na iyon para sa pang-araw araw na gastos sa bahay. 

Bukas ulit ay magla-live selling siya para maibenta naman niya ang mga cosmetics na binebenta niya. Kailangan niya magsikap dahil siya ang nagta-trabaho sa pamilya nila. Ang kaniyang ama ay may sakit at hindi sila makapunta sa hospital dahil ayaw nito. Nag-aalala na nga siya rito kaya pilit niyang binibilhan ito ng mga vitamins.

Siya ang pinakamatanda sa limang magkakapatid. Puro sila mga babae kaya talaga siya ang kumakayod ng husto. 25 years old na siya at ang sumunod sa kaniya ay 18 years old na si Aimee, ang sumunod naman ay 15 years old na si Jane, 13 years old na si Jennilyn at ang bunso ay 11 years old na si Arilyn. 

Napakahirap maging panganay sa totoo lang, hindi niya naman masisisi ang magulang dahil hindi rin ginusto ng mga ito na magkasakit. Ang ina niya ay wala namang sakit pero medyo mahina ito kaya ayaw niya na pagtrabahuin pa, isa pa't wala ring mag-aalaga sa mga kapatid niya kung magta-trabaho pa ito.

Lahat ay iniinda niya kahit mahirap. Positibo lang siya sa mga bagay bagay dahil alam niyang malalagpasan nila ang ganito kahirap na buhay.

Dumeretso siya sa grocery store para mamili ng mga pagkain, para kahit papaano ay may stock sila ng mga canned foods. Isang libo lang ang ginastos niya dahil iyon lang ang nasa budget niya, marami pa siyang bayarin katulad na lang ng renta, tubig, kuryente at mga kailangan ng mga kapatid niya dahil mga nag-aaral ito. Tipid talaga sila kung tipid. Naaawa man siya sa mga kapatid niya pero wala na talaga siyang magagawa. 

Umuwi na siya para surpresahin ang mga kapatid niya sa mga pagkain na dala, bumili rin kasi siya ng kaunting tsokolate na mumurahin lang. Pagkapasok niya sa loob ng bahay ang ngiti niya ay napawi dahil naabutan niyang umiiyak si Jane, Jennilyn at Arilyn. Naibagsak niya ang hawak hawak at nilapitan ang mga ito. Niyakap niya si Arilyn para patahanin ito habang ang mata niya ay nakatuon kay Jane.

"Anong nangyari? Bakit kayo umiiyak at bakit may basag na baso rito?" pilit niyang kinakalma ang sarili kahit na dumadagundong na ang puso niya sa kaba. Pakiramdam niya namumutla na siya dahil sa kaba kahit hindi niya pa alam ang nangyari.

"S-si papa po, ate... Si papa po umubo ng dugo tapos bigla na lang siyang bumagsak dahil hindi makahinga. Nagpatulong po si mama at ate Aimee para dalhin sa ospital si papa," paliwanag ni Jane habang umiiyak. Nanginig ang kamay niya habang hinahawakan ang tatlong kapatid.

"Tumahan  na kayo, okay? nasa ospital na 'yon at panigurado gagaling din si papa. 'Wag na kayong umiyak at mag-pray na lang kayo." Niyakap niya ang mga ito at pagkatapos ay humiwalay rin para kunin ang cellphone niya sa bag. Nanginginig ang kamay niya habang tinatawagan ang kaniyang mama para malaman kung nasaan ang mga ito.

"Hello ma? nasaan kayo? papuntan ako," ani niya nang sumagot ito.

"A-anak... a-anak ang papa mo," humagulgol ito kaya nakagat niya ang labi para pigilan din ang sarili humagulgol. 

"Magiging okay lang po si papa, ma. Sabihin niyo po sa akin kung nasaan kayong ospital para puntahan ko kayo."

"Nandito kami malapit sa munisipyo na hospital, anak."

"Sige po ma, pupuntahan ko na po kayo riyan." Pinatay niya ang tawag at muling nilapitan ang tatlong kapatid.

"Jane, marunong ka na magluto 'di ba? ipaghain mo ang dalawa mong kapatid, pupunta lang ako sa ospital. Ibibilin ko na rin kayo kay Maceh para kung may kailangan kayo ipaalam niyo sa kaniya, okay?" Sabay sabay tumango ang tatlo kaya muli niyang niyakap. 

Affair with her BodyguardTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon