"Namatay si Marcelo dahil sa'kin, namatay siya ng dahil sa'kin...dahil sa layunin niyang ako'y kaniyang maligtas," saad ko at mas lumakas ang aking hagulgol. Naramdaman ko ang pagyakap sa akin ng aking Kuya.

"Namatay si Marcelo dahil....sa sa'kin...Kuya, kasalanan ko kung bakit siya namatay..." sambit ko habang nanginginig ang aking katawan habang sinasariwa ko ang mga huling yugtong kasama ko si Marcelo.

Tila nagdudurogo ang aking damdamin nang patuloy na gumigimbal sa akin ang pagkamatay ni Marcelo. Tinuturo kong salarin ang aking sarili.

"Wala kang kasalanan Eliana, huwag mong sisihin ang iyong sarili" saad niya at hinaplos ng banayad ang aking likod. Hinayaan niya lamang akong umiyak sa kaniyang bisig habang walang tigil ang pagpapagaan niya ng aking loob.







ILANG sandali'y muli na naman akong naiwan sa aking silid. Umalis panandalian si Kuya Lazaro upang kausapin niya ang punong madre at ang namamahala sa kumbento upang dito muna ako tumuloy ng mga ilang araw.

Ako ang humiling ng bagay na ito sa kaniya dahil natatakot ako na sa aking pagbalik sa San Ignacio ay akin muling maalala ang pait ng kahapong aking dinanas.

Mataas na ang sikat ng araw, tumatagos ang liwanag ng araw sa aking silid. Tumayo ako at hinakbang ang aking paa patungo sa bintana, pinagmasdan ko ang mga batang tila walang mga problema habang naglalaro.

Napangiti ako ng mapait. Kinuha ko ang kulay kremang balabal na nakasabit sa dingding at isinuot iyon sa aking ulo. Napakagat ako ng aking labi dahil muli ko na namang naalala si Marcelo, siya ang naglahad sa'kin ng bagay na
ito.

Binuksan ko ang pinto ng aking silid at nilakbay ang kahabaang pasilyo ng kumbento.  Kasalukuyan na akong pababa sa hagdan nang marinig ko ang aking pangalan. "Eliana sandali lamang," napalingon ako rito at halos mapunit ang aking labi nang bumungad sa akin ang madreng tumulong sa akin.

"Magandang araw ho," saad ko habang nakangiti sa kaniya. Sa aking hinala ay nasa edad limampu na siya, matangos ang kaniyang ilong at may kalakihan ang kaniyang mata. Kahit ito'y may edad na ay bakas pa rin ang makinis at maputi  niyang mukha.

"Kumusta na ang iyong pakiramdam Hija?" tanong niya habang sabay naming tinatahak ang daan sa pasilyo. "Maayos naman ho ang aking pakiramdan, malaki po ang aking pasasalamat sa inyo," wika ko habang ngumiti ng matamis sa kaniya.

Tumawa siya nang marahan. "Walang anuman hija, kami rin ay nagpapasalamat sa iyo dahil ang laki ng hinandog na tulong ni Senyor Lazaro para sa aming kumbento," saad niya. Napatingin ako rito at taka na lamang ngumiti sa kaniya.

Pagkababa namin sa hagdan ay humarap siya sa akin at hinawakan ang aking balikat. "Sana'y maging maaayos ang pananatili mo rito, huwag mo nang alalahanin pa ang madilim na iyong nakaraan bagkus ay ibaon mo na lamang ito sa limot. Batid kong ito'y mahirap  ngunit naniniwala ako na ito'y iyong magagawa...manalangin ka lamang sa Poong ating Tanglaw," saad niya at marahang tinapik ang aking balikat.

Kahit nangingilid ang aking luhang nakatingin sa kaniya ay nagawa ko pa rin siyang tugunan ng matamis na ngiti. "O siya kung ikaw ay may nais iyo lamang itong iparating sa akin. Celia ang aking ngalan,"  wika niya, napangiti muli ako nang matamis at lumapit ako rito at hinagkan siya nang marahan.

Nagitla siya sa aking ginawa ngunit tinugon niya ang aking yakap. Kahit papano'y nagiging magaan na ang aking kalagayan batid kong mahihirapan akong makalaya sa madilim kong nakaraan. Ngunit darating ang panahon na hindi na muli ako gagambalain ng aking nakaraan.







Liham ng Pamamaalam (Pahayagan Serye-Uno)Where stories live. Discover now