Napaiwas ako ng tingin at pinagmasdan ang lampara. Hindi ko alam kung aking paniniwalaan ang mga sinambit sa akin ni Ginoong Lazaro, naglalaro sa aking isipan na  malaman pa ang lahat ng katotohanan kung kami'y magkapatid sa ama, ibig sabihin hindi ko tunay na ama ang tinuturing kong itay ngayon.

Pumasok sa aking isipan ang mga alalang binuo namin ni Itay, kahit kailanman ay minahal niya ako nang buong-buo. Madalas niya akong patawanin na para bang wala siyang problema.

Siya ang dumaramay sa akin sa tuwing ako'y pinagagalitan ni Inay. Kahit isang beses ay hindi ako naghinala kay Itay dahil sa pagmamahal niya sa'kin.

"Labis akong nagtataka noon, kung bakit palagi kang binabanggit ni ama sa akin... Sa isip-isip ko non ay baka ikaw lamang ay kaniyang kinagigiliwan ngunit hindi ko lubos akalain na nalalantay din sa iyo ang dugong Villaflores," patuloy lamang akong nakatingin kay Ginoong Lazaro habang nakatingin siya sa lampara.

Hindi ako makapaniwala na siya'y akin ding nakatatandang kapatid. Naalala ko ang mga araw na labis na nag-alala sa akin si Don Alonzo, tinatanong niya ang mga bagay na nais ko, malimit din niynh kumustahin ang aking kalagayan.

May parte sa aking damdamin na unti-unti ko nang natatanggap ang katotohanan. Ang kapirasong papel noon na naiwan sa lapida ni Inay ang siyang isang motibong nagpapalapit sa akin patungo sa katotohanan.

Ngunit hindi ko maiwaksi sa aking isipan na maaaring ako'y isang anak sa labas. Anak sa labas na nakikinabang at nakikihati sa kapangyarihan ng Villaflores.

Napatikhim ako. "Hindi ko ho batid kung ano ang dapat kong sabihin. Hanggang ngayon ay pilit ko paring pinagninilayan ang mga aking nalaman....ngunit aking hinihiling ho sana na habang ako'y papalapit sa katotohanan ay..."
Nakatingin lamang siya sa'kin habang hinihintay nito ang aking susunod na sasabihin.

"Kayo ho ba'y aking maasahan na aking magiging karamay....K-kuya Lazaro," saad ko. Sa sandaling iyon ay nakita ko ang pagningning ng mata ni Ginoong Lazaro.

Hindi ito madalas ngumiti dahil mas hapit ang mukha niya bilang isang kalmadong tao. Ngunit sa ningning pa lamang ng kaniyang mata ay bakas na ang kaligayahan niya.

Napangiti ako ng tipid sa kaniya hindi ko akalain na may dumadaloy rin na dugong Villaflores sa aking pagkatao. Ngunit hindi ito isang magandang batayan upang kalimutan ang aking alala kasama ang itinuring kong Itay sa mga panahong ako'y nalulumbay.






TULALA ako habang nakatingin sa dingding. Katatapos lamang ng gawaing pang-umaga at  ang umagahan. Ngayon ang tamang oras para sa pagpapahinga, katatapos ko lamang basahin ang liham na ipinaabot sa akin ni Manang Lita.

Kahit papano'y naging mabuti ang pakiramdam ko dahil tinugon ang aking panalangin na ligtas si Manang Lita na makauwi sa Bulakan. Napangiti ako nang matamis, hanggang ngayon ay sinasariwa ko pa rin lahat ng aking nalaman kagabi.

Hindi ko mapigilang magtanim ng galit kay Samuel dahil nagawa niyang maglihim sa akin at kung hindi ko tuluyang puputulin ang koneksiyon na mayroon ako sa kaniya ay magmumuka akong isang kerida sa kanilang relasyon.

"Ako'y tutungo mamaya sa bayan, ikaw ba'y sasabay Eliana?" nagitla at napabalik ako sa aking wisyo nang tanungin ako ni Ginoong Lazaro. Napabaling ako sa kaniya at abala lamang siyang kumukuha ng tubig habang hindi nakapako ang mata nito sa akin.

Naalala ko na naman ang naging tagpo kagabi, sa ngayon ay kaming dalawa pa lamang ang nakakaalam na ako'y may dugong Villaflores at hindi batid ni Binibining Miranda ang bagay na iyon.

"Maaari ba na ako'y sumama? ako'y tutungo sa hantungan nina Inay at Itay," tugon ko. Tumango siya. "Ikaw ay aking hihintayin sa kalesa," saad niya habang hindi nakatingin sa akin. Bahagya akong napayuko at dali-daling nagtungo sa aking silid upang ayusin ang aking sarili.

Liham ng Pamamaalam (Pahayagan Serye-Uno)Where stories live. Discover now