Chapter 7

23 2 2
                                    

Dear My Youth
Jac Fernandez

Ilang araw ang lumipas na nagkulong lamang ako sa kuwarto ko

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.

Ilang araw ang lumipas na nagkulong lamang ako sa kuwarto ko. Natakot ako sa kung anong nangyayari at kung ano pa ang mangyayari. Gabi-gabi, humihiling ako na paggising ko ay bumalik na ang lahat sa dati kapag dumating na ang umaga dahil hindi ko matanggap ang sitwasyon sa kasalukuyan kung nasaan nandito ako ngayon sa nakaraan.

Ngunit walang nagbabago, nanatili ako bilang isang high school, 15 year old Isay, at hindi maintindihan ng mga magulang at kaibigan ang nangyayari. Mahirap para sa'kin na ilabas kung ano ang pinagdaraanan ko dahil kahit handa silang makinig, hindi nila ito maiintindihan.

Lumiban ako sa klase ilang araw na ang bibilangin. Paano ba kasi ako papasok, lalo na't alam ko na hindi ako makakasabay sa kanila. Kaya iyon sila Mama, akala nila totoo ang kwento na kumakalat sa eskwela na baka sinapian daw ako sa restroom. Sa palagay ko nga, mababaliw na ako dahil gusto kong matawa dahil magpapadala sila ng magtatawas ngayong araw.

Kaya heto ako at nakahiga sa kama, nakatingin sa kisame, at naghihintay sa taong pinapunta ni Mama tutal ay wala naman akong magagawa. Albularyo ata iyon o magtatawas, sa susunod siguro ay pari na.

Tatlong katok ang dahilan upang ituon ko ang mga mata ko sa direksyon kung saan nanggaling ang ingay. Mula sa pinto ko na katabi ng study table, may boses na sumunod na kilala ko kung kanino galing–hindi iyon albularyo o magtatawas, sigurado ako.

"Papasok ako, gusto mo man o hindi," malokong sabi nito. Parang biglang nabawasan ang lungkot ko at may kaunting ngiti na nabuo sa mga labi ko.

Hindi na 'to naghintay pang sumagot ako, kusa na n'yang binuksan ang pinto at sinalubong ako ng may nag-aalalang mga mata ngunit mga ngiti na nagsasabing nandiyan lang s'ya para sa'kin.

Ganito lagi ang sitwasyon, kapag may kailangan ako, problema, o hindi ko na maintindihan ang sarili ko. Magsabi man ako o hindi, palaging dumarating si Jorge.

Umayos ako ng puwesto para umupo, ngunit kasabay din ng paglapag ng pares ng mga paa ko sa sahig na gawa sa kahoy ay ang pagsunod ng mga mata ko dala ng pakiramdam na bumabagab sa'kin. Gusto ko man s'yang salubungin para sabihin na okay lang ako ay mahirap gawin, ito kasi ang pagkakataon na kahit magsinungaling ka na sa sarili mo at sabihin na okay lang ang lahat ay hindi mo magagawa.

"Hindi ba uso sa'yo ang text? Nakailang parinig na ako sa'yo sa GM, ah, mukha na nga akong tanga," reklamo nito atsaka umupo sa espasyo sa tabi ko.

Saglit akong napaisip kung ano ang GM. Paano ba naman, hindi na rin gaanong uso ang texts sa 2019, dahil mas gamit na ang chats sa social media platforms. Isa pa, kahit naman uso noon ang group message ay hindi ko madalas gamitin dahil mahal ang load at limitado lang ang unlimited texts.

Hinarap ko 'to na taas ang isang kilay. "Nabasag nga 'yong phone ko, 'di ba?" ang naging palusot ko, ito kasi ang pinaka lohikal sa lahat.

Bahagyang umawang ang bibig n'ya ngunit hindi s'ya nagpatinag. "Kahit na. Alam mo bang gabi-gabi, tumatawag ako sa landline n'yo? Nakailang pasuyo na 'ko kay Tita, kahapon pa nga Papa mo naman 'yong sumagot. Kung ano-ano ang tinanong sa'kin, nagtanong ba naman kung nililigawan daw ba kita o nag-break daw ba tayo?"

Dear My YouthWhere stories live. Discover now