Habang tumitipa ay aksidente akong bumangga sa taong naglalakad papunta naman sa kasalungat ko na direksyon.

"Ah!" ang naging tugon ko kasunod nang pagsinghap.

Sa lakas ng pagkabangga namin sa isa't isa ay nabitawan ko ang cellphone ko sa konkretong sahig; nasipa ito ng iba pang mga dumadaang tao hanggang sa mapunta ito sa gitna ng kalsada.

Humakbang na ako para habulin ito at masalba para hindi na matapakan o magulungan ng iba't ibang sasakyang dumaraan, ngunit may humablot sa kamay ko at pinigilan ako nang patawid na sana ako.

Nagitla na lang din ako dahil hindi ko napansin na may humarurot pa lang motor na muntik na akong mahagip.

"Sa'n ka pupunta, hmm?"

Nauna kong tignan ang mahigpit na hawak ng kamay nito, bago sa mga nagtatanong n'yang mga mata na halata ang pagkabahala. Kagaya nga sa litrato, naka-gel palagi ang buhok n'ya. Sa pagkakaalala ko ay parte s'ya ng basketball team ng eskwela—malaking ebidensya nito ang suot-suot n'yang dilaw na wristband.

Kahit mga high school pa lang kami, iba na talaga ang katangkaran ni Loren sa amin lahat. Kaya kapag tumatabi kami sa kan'ya, maliban na lang kay Kyo, ay nagmumukha kaming lahat na maliit.

"Mahirap ba kung ipakiusap ko sa'yo na tumingin ka sa dinaraanan mo?" sermon nito ngunit para hindi gaanong maging seryoso ay hinaluan n'ya ng ngiti.

Napailing ako at iniwas ang mga mata rito. "S-sorry."

""Yong cellphone ko." Humabol ang mga tingin ko sa cellphone ko na saktong nagulungan ng dumaang kotse at panigurado ay wala ng pag-asang bumukas pa muli. Lalakad na 'kong muli para man lang pulutin iyon pero nauna na si Loren para gawin iyon.

"Okay ka lang ba, Isay?" tanong ni Sienna na kanina ko pa naririnig.

Sasagot na dapat ako ngunit may pumutol nito. Mula sa tabi ko ay ang isang lalaki na may itim na pinta ang mga daliri, may hikaw ito at singsing na suot-suot, at kapansin-pansin din ang hawak-hawak n'yang PSP.

Si Kyohan.

Kung wala siguro s'yang suot-suot na uniporme ng Hanan Academy ay mapagkakamalan s'yang naligaw sa lugar na 'to dahil imbis na magmukha s'yang estudyante, mukha s'yang tambay sa mga gilid-gilid.

"Sorry, hindi ko sinasadya," paumanhin nito sa diretsong tono na kahit katiting na emosyon ay wala akong mahanap. Inaantok din ang mga mata n'ya na mabilis n'yang ibinalik sa PSP; naglakad na ito paalis at sinundan namin s'yang tatlo nila Jorge ng tingin.

"'Yon na 'yon? Akala ata n'ya astig s'ya," ani Loren na bumalik dala-dala ang cellphone ko. Bakas sa mukha n'ya na talagang wala na itong pag-asa.

"Bakit? Akala mo ba luluhod s'ya kay Isay para humingi ng sorry?" biro ni Jorge.

Habang naglolokohan sila ay dismayado ko namang binuklat ang cellphone ko at nakumpirma na nahati ito sa dalawa at nagpakita ang durog na screen.

"Oops."

"Ayaw mo no'n, dalawa na ang cellphone mo? 'Yong isa screen lang, 'yong isa naman keypad lang," pangloloko na naman ni Jorge at tumawa nang kita ang ngala-ngala n'ya.

At dahil natandaan ko na isa na muli akong bata, pumasok sa isip ko ang nakakatakot na kalagayan: lagot ako kina Mama at Papa. Sa tinagal ng panahon, ngayon ko na lang naalala kung paano matakot ng sobra sa kanila.

"Hindi ba kaklase natin 'yon? 'Yong transferee galing daw ng kabilang school lang?" pag-iiba naman ni Sienna ng usapan.

"Ah, oo, tanda ko na. Pagkatapos n'ya kasing magpakilala, biglang hindi ko na s'ya nakita. Siya si..." pag-alala ni Jorge sa pangalan nito.

Dear My YouthTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon