ILANG sandali pa ay narating na namin ang taiman ng rosas. Masagana at sariwa pa rin ang bawat talutot ng rosas. Makikita pa rin na naalagaan itong mabuti. Inilalayan ako ni Ginoong Lazaro sa pagbaba at nauna siyang maglakad patungo sa mga rosas.

Naiwan si Mang Tony sa isang malaking puno upang doon nito babantayan ang kalesa at ang kabayo.

Kasabay ng aking paglalakad ang pagwasiwas ng simoy ng hangin.  "Sa tingin ko'y maghiwalay tayo upang ating mabilisang mahanap si Miranda, malapit na magtakip silim at wala tayong bitbit na lampara," wika niya.

Agad akong tumango sa kaniya at nagsimulang hanapin si Binibining Miranda sa bawat sulok ng taniman.

Hanggang sa aking baywang ang taas ng mga rosas kaya't hirap akong tanawin ang  presensiya ni Binibining Miranda. Kung hindi ako nagkakamali sa mga panahong ngayon ay tahimik siyang nakaupo sa damuhan.

Maya-maya pa'y malapit ko nang marating ang dulong bahagi ng taniman ngunit hindi ko pa rin masumpungan si Binibining Miranda. Nangangamba akong sumigaw at tawagin ang kaniyang ngalan dahil sa takot na magambala ko ang mga hayop at mga taong tahimik na nasa kanilang tahanan.

Naagaw ng aking atensiyon ang mumunting mga hikbi at paghagulgol ng isang tinig ng babae. Agad akong lumapit kung nasaan ang tinig na iyon nagbabakasali ako na baka si Binibining Miranda na iyon.

Hindi ko mapigilan ang pagkabog ng aking dibdib at pag-aalala sa kaniya, nangangamba ako na baka may masama siyang gawin sa kaniyang sarili.

Abot tainga ko na ang tinig at hinawi ko ang isang kumpol na rosas na humaharang sa aking dadaanan. Halos mabitawan ko ang pagkakahawak ko sa kumpol na rosas at pakiramdam ko'y bumagal ang ihip ng hangin. Nang masaksihan ko siya kasama si Samuel.

Tumatangis si Binibining Miranda habang nakadukdok ang ulo niya sa balikat ni Samuel, likod lamang nila ang aking nakikita. Ngunit sapat na iyon upang sila'y aking makilala. Hindi ko mawari kung ano ang aking nararamdaman, magkahalong panibugho, galit at lungkot ang namamayani sa aking isipan.

Halos mapako ako sa aking kinalalagyan, halos mamanhid na rin ang aking katawan dahil hindi ko na magawa pang maramdaman ang sakit dulot ng pagkatusok ko sa tinik ng rosas.

Nangingilid ang luha sa aking mga mata, pakiramdam ko'y muli na naman akong ninanakawan ng kaligayahan. Hindi ko napigilan ang  mga luha kong pumatak habang nanatili akong nakatingin sa kanila.

"Miranda!" Pinahid ko ang aking mga luha at mabilisang nagtago sa isang kumpol ng mga rosas nang marinig ko ang tinig ni Ginoong Lazaro "Ano ang ginagawa niyo rito Samuel? Malapit nang magtakip silim," saad niya.

"Kuya ako'y pabayaan mo muna sapagkat nais kong mapag-isa," saad  ni Binibining Miranda habang bakas sa kaniyang tinig ang maluha-luha niyahg kalagayan.

"Kung ano man ang iyong problema ay pag-usapan natin ang bagay na iyan Miranda, halina't tayo ay humayo na," maotoridad na sambit ni Ginoong Lazaro.

"A-ako na lamang ang bahalang maghatid sa kaniya sa inyong mansyon...Ginoong Lazaro. Dahil kailangan nang m-makakasama ngayon ni Binibining Miranda," patuloy kong pinunasan ang mga luha kong hindi maawat sa pagbagsak dahil sa tinig ni Samuel.

Napakabigat ngayon ng aking nararamdaman kahit pigilan kong hindi umiyak ay hindi ko magawa. Ang daming katanungan ang sumasagi ngayon sa'king isipan katulad ng bakit sila magkasama? At ang katotohanang nais niyang samahan si Binibining Miranda sa gitna ng kalungkutan niya.

Mahal kita Samuel, ngunit bakit mo ginagawa sa akin ang bagay na ito.






BUONG byahe ay pinili kong manahimik. Tulad ng aking narinig kanina ay hindi sa amin sumabay si Binibining Miranda dahil si Samuel ang maghahatid dito. Sinikap kong maging maaliwalas ang aking pakiramdam nang sa ganon hindi mapansin ni Ginoong Lazaro ang pagtangis na ginawa ko kanina.

Liham ng Pamamaalam (Pahayagan Serye-Uno)Where stories live. Discover now