"DAPIT hapon ang ating tungo sa mansyon ng Delos Santos," wika sa akin ni Binibining Miranda habang kami'y nasa kaniyang silid. Pinaglalaruan niya sa kaniyang mga kamay ang talutot ng rosas.

Pinagmasdan ko ang kaniyang buong silid. Matagal na panahon nang huli akong makapasok dito. Kumpara sa dati'y iba na ang ayos at palamuti nito at kapansin-pansin din na nadagdagan ang binurda niyang palamuti.

"Ano ang senyales ng isang Ginoo kung sakaling siya'y umiibig na?" napalingon ako rito dahil sa kaniyang tanong. Malakas ang kutob ko na ang katanungang iyon ay tungkol kay Samuel.

Napahinga ako nang malalim bago tumugon. "K-kapag siya'y nag-aalala sa iyo binibini?" saad ko at iniwas ang tingin sa kaniya.

Napatango siya "Maganda rin bang senyales kung palagi siyang naghahandog ng liham at mga bulaklak?" Sa pangalawang pagkakataon ay hindi ako muling lumingon sa kaniya, nagtatalo ngayon ang aking puso't isipan.

Ayokong mag-isip at maghinala kay Samuel ngunit mas matimbang ang parte ng aking damdamin na ako'y naghihinala.

"M-maaari Binibini," tipid kong sagot. Tumayo siya at umupo sa kaniyang katre. Sinuklay niya ang kaniyang maalong buhok. "Marahil ay ganoon din ang ginagawa sa iyo ni Marcelo hindi ba?" wika niya at ngumiti nang malapad sa'kin.

Ang nasa isipan niya ngayon ay may gusto sa'kin si Marcelo ngunit ang totoo ay wala.
Napangiti na lamamg ako nang tipid sa kaniya.

"Kung maaari ibig sabihin ay naiibigan na talaga akong tunay ni Ginoong Samuel?" tanong niya habang nakangiti. Tinitigan niya  sa aking mata na wari'y binabasa niya ang aking magiging reaksyon.

Hindi ko batid ang aking sasabihin. Magkasama lamang kami kanina ni Samuel at hindi ko maikaila na basang-basa ko ang saya sa kaniyang mga mata sa tuwing ako'y kaniyang kasama.

Ngumit ako ng tipid "Aking hindi masasagot ang iyong katanungan sa ngayon Binibini, sapagkat hindi natin hawak ang kaniyang nararamdaman," wika ko at pinilit ang aking sariling maging kalmado habang sinasambit ang aking bawat sasabihin.

Nanatiling nakatingin sa'kin si Binibining Miranda at hindi ko mawari kung ano ang hinahanap ng kaniyang mga mata.

Napatango-tango siya. "Ang paghahandog ng liham at bulaklak gayun na rin ang pag-imbita sa libutan ay hindi ba isang magandang pangitain na ang isang Ginoo'y hulog na sa iyo?" muli niyang tanong habang may bahid ng pagtataka at pagkumpirma ang kaniyang tinig.

"Ikaw ay niyaya na ni Ginoong Samuel na tumungo sa libutan?" pagtatanong ko. Habang humahaba ang aming usapan ay hindi ko na mapigilan ang maghinala.

Ang hirap basahin kung ano ang nais iparating ni Binibining Miranda, batid kong si Manang Lita lamang ang nakakaalam ng aming tagong relasyon ni Samuel at wala nang iba

Tumango siya "Nagtungo kami sa Plaza De Mayor at kumain sa isang panciterya" tugon  niya habang hindi mapakali ang kaniyang mga mata. Napatango-tango ako bilang pagpapahiwatig na labis ko itong naiintindihan.

May parte sa aking damdamin na may mga bagay na pawang walang katotohanan ang sinasambit sa akin ni Binibining Miranda. Katulad na lamang nang kaniyang sinabi na sila'y pumaroon sa Plaza De Mayor. Aking maalala na tinanong ko ang bagay na iyon kay Samuel at negatibo ang sagot niya.

"Sasabihan na lamang kita ulit tungkol sa ating pag-alis" napatingin ako sa kaniya at ngumiti nang matamis. Napansin siguro niya na hindi ako umimik dahil sa gumigimbal sa aking isipan.

"Maraming Salamat Binibini," paalam ko at sunuklian niya ako ng isang marahang ngiti. Pagkalabas ko sa kaniyang silid ay agad akong nagpakawala nang malalim na paghinga.

Liham ng Pamamaalam (Pahayagan Serye-Uno)Where stories live. Discover now