Timpi

16 1 0
                                    

Ikaw.

Nag-iisa.

Mag-isa.

Mamamaalam na ang araw kaya kulay kahel na ang langit. Payapa ang buong paligid. Maaliwalas, presko ang hangin at tanging huni ng mga ibong maya sa himpapawid ang nagsisilbing musika sa patag na kakahuyan na iyong kasalukuyang kinatatayuan. Pakurap-kurap ang iyong dalawang makakapal ang talukap at wari'y nagtatanong ang mga kulay itim ang bilog na mga mata. Magsasalubong ang mga tuwid ang hulmahan na may katamtaman ang kapal ang hibla mong dalawang kilay. Bakas ang pagtataka na minamasdan ang buong paligid nang umiikot habang nakatayo. Kasunod ay mapapakamot sa iyong magulo at gusot na maiksing itim na buhok. Mapapatingala nang nakabuka ang mga labi sa alapaap sapagkat biglang aalingawngaw ang mga tinig ng mga bata sa paligid na tila mayroong pinagtatawanan at inaalipusta. Hindi malaman ang pinagmumulan ng papalakas na mga tawanan at tinig. Mga walang mukha ngunit ang pakuwari ay nasa malapit. Nakakarindi.

"Hindi ka naman magaling... Uhaw sa atensyon... Bulol.... Buti nga iniwan..."

Tatakas. Kusa kang lalakbay nang nakayapak lamang sa malawak at mamasang damuhan na iyong dadaanan. Nais mong malaman ang dahilan kung bakit ikaw ay nasa kasalukuyang sitwasyon. Ika'y pinaliligiran ng matatayog at malulumot na mga punong-kahoy. Ramdam sa maruming mga paa at maputik na mga talampakan ang lamig ng hamog ng mga luntiang dahon sa bawat mong hakbang. Namumuong mga agam-agam ang bawat paglingon kung saan paroroon. Animo'y pamilyar na sa iyo ang lugar na binabaybay. Parang kailan lang noong una kang nakarating dito, subalit hindi matukoy ang tunay nitong lokasyon. Kabisado mo rin ang mga mangyayari sa tuwing ikaw ay mapapadpad rito na tila nakita mo na kamakailan ang ganitong kaganapan. Sa tuwing naaabot na ang inaakalang dulo ng mamutiktik na kahuyang tinatahak, mababatid na muling bumabalik sa umpisa ang iyong paglalakbay.

"Hindi ka naman magaling... Uhaw sa atensyon... Bulol.... Buti nga iniwan..."

Nayayamot sa mga mapanuksong tinig. Kaya naman, ikaw ay magmamadaling lumakad, muling nakaramdam ng matinding pagkabog ng dibdib na may mabilis na pagkundap ang mga mata. Nagnanais nang makarating kaagad sa hangganan, upang malaman na tama ang iyong hinala. Paspasang lumakbay baon ang agam-agam sa sarili, ngunit sadyang umuulit nga talaga ang mga pangyayari sa misteryosong lugar. Ilang saglit pa'y nakarating ka na sa inaakala mong hangganan. Panakanaka kang hihinto, arogante kang mapapangiti. Mapapailing.

Napadilat ang mga mata sa pagkamangha na may halong pagkayamot. Hindi ka nagkamali. Muli, tumaginting sa iyong harap ang basang luntiang damo nitong malungkot na kakahuyang kinalagyan na iyong muling sisimulan. Sabay na malalanghap nang iyong patatsulok at mahabang ilong na may kabilugan ang dulo ang simoy ng kalumbayan, na tila kuwintas na bulaklak ng sampaguita na nakapaligid sa nauupos na kandila. Naiirita sa samyo ng paligid dahilan ng pagkairita nang manipis na pakpak ng iyong ilong.

"Hindi ka naman magaling... Uhaw sa atensyon... Bulol.... Buti nga iniwan..."

Gayunpaman, susubok kang muli sa paglalakbay. Lakas-loob na sasaliwa sa landas nang nauna mong tinahak. Makatakas kaya o sana man lang ay mag-iba ang daan, ito na ang iyong layon at pakay nang muling magsimula.
Ngunit sadyang ganoon pa rin talaga ang hangganan na iyong masasadlakan. Parati na lamang umuulit sa iisang mukha ng simula at humahantong sa katapusang nakauumay. Ni wala man lang makasalubong o di kaya'y pagbabago sa dulo.

Nagdadalawa na ang iyong mga paningin. Nakatayong hahawak sa iyong dalawang tuhod na nanghihina at nangangalay. Napapagod ka sa sirkulo nang ganitong klaseng mundo na dahilan nang pagbuka ng iyong mga natutuyong labi na may kakapalan ang parteng ibaba, tanda nang iyong pagkahingal. Ang iyong mga matang puno ng agam-agam ay hindi sinasadyang naginginig, simbolo nang pagkapagod at kaba. Naliligaw sa lugar na iisa lamang ang binabaybay at hindi pa maliwanag ang nais ipahiwatig. Sa halip, muli kang tumindig at hingal na hingal na lumakbay muli.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Aug 21, 2022 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Timang, Timbang, TimpiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon