1. Kuya

12 2 1
                                    

Ang Unang Bahagi.
__


"Walang nag-akalang may sakit sa utak si Elena dahil hindi naman siya nakitaan ng simtomas noon. Pero nang magsalita siya tungkol sa pagkamatay ng kapatid mo, doon namin napansin na may kakaiba sa kaniya. Kaya naman ipinasok muna namin siya sa Hospital na 'to para obserbahan habang patuloy ang 'pag takbo ng kaso."

Naikuyom ko ang kamao habang nakatingin kay Elena na kasalukuyang nakaupo ng tahimik sa kwartong inookupahan niya rito sa Hospital. Habang nakatayo ako sa labas kasama ang isa sa mga nag-imbestiga sa pagkamatay ng kapatid ko, hindi ko maiwasang makaramdam ng pagkamuhi sa matagal na naming kasambahay.

"Bakit hindi niyo nalang idiin sa kaniya ang kaso?" Hindi maipagkakaila ang galit sa aking boses. "Sigurado akong siya ang pumatay sa kapatid ko."

"Pasensya na, Sir. Hindi pa namin 'yan magagawa dahil kulang sa ebidensya. Pero 'wag po kayong mag-alala. Malalaman rin natin ang katotohanan tungkol sa pagkamatay ng kapatid mo."

Mas lalo kong ikinagalit ang mga salitang narinig mula sa katabi. Ngunit imbes na ipakita iyun, huminga ako ng malalim upang kumalma.

Kailangan kong panatilihing mataas ang aking pasensya. Hindi pwedeng makita nila kung paano ako magalit.

Tumingin kaagad ako sa katabi bago magsalita, "gusto ko siyang kausapin."

Akala ko pipigilan niya ako. Pero tumango lang ito sa 'kin at hinayaang mabigyan kaming dalawa ng pagkakataong mag-usap.

Habang papalapit kay Elena, hindi ko maiwasang pansinin ang pangangatawan niyang nagbago sa paglaki ko. Nahahalatang unti-unti na siyang tumatanda. Pero sigurado akong hindi dala ng pagtanda niya pagkabaliw niya ngayon.

Matagal ng baliw ang kasambahay namin. Kaya kahit na mapatunayang hindi siya ang pumatay kay Kuya, kailangan niya pa ring makulong rito.

"Elena," pagtawag ko nang tuluyan nang makalapit sa kaniya.

Hindi siya gumalaw matapos iyung marinig. Ni hindi ko alam kung narinig niya nga ba iyun o hindi. Pero ilang saglit lang, unti-unti siyang lumingon sa akin, nakangiti.

"Bunso," aniya na ikinatigil ko. "Mabuti naman at dinalaw mo si Kuya."

Imbes na magsalita, tinalikuran ko siya upang umalis na lang. Gusto ko lang mapatunayang lumalabas na nga ang pagkabaliw niya. At mukhang tama nga ang ginawa nilang paglagay sa kaniya sa lugar na 'to.

Pero hindi ko pa rin maiwasang matakot at kabahan sa pananalita niya. Sa tono pa lang, kuhang-kuha niya si Kuya.

"Ba't ka aalis kaagad?" Rinig kong tanong niya sa 'kin. "Ayaw mo bang makipag-usap sa 'kin, bunso?"

Mas lalo kong naikuyom ang kamao at nagpatuloy sa paglalakad. Wala akong planong tumigil. Lalo pa't mas lalo kong naaalala si Kuya dahil sa kaniya.

"Ah, takot ka bang sabihin ko sa kanila?"

Doon lamang ako napatigil sa paglalakad dahil sa narinig.

"Bunso, takot ka bang malaman nila ang sekreto mo?"

Hindi kaagad ako nakagalaw. Sabay ng paglakas ng kabog ng puso ko ay ang pagkalito ko sa sinabi niyang 'yun.

Paanong . . . anong sekreto ang tinutukoy niya?

"Takot ka bang malaman nila na hindi si Elena ang pumatay sa 'kin?"

Tuluyang tumigil ang aking paghinga dahil sa narinig. Ilang saglit pa'y naalala ko ang dahilan kung bakit ipinasok si Elena sa lugar na 'to.

Ang sabi ay may sakit daw siya sa utak. Bigla siyang nagpapanggap na siya si Kuya, at ilang saglit lang ay biglaang matatauhan at sasabihing sinasaniban siya ng kaluluwa nito sa kalmadong paraan na para bang hindi na iyun bago sa kaniya.

"Bunso, wala kang dapat ikatakot." Marahan nitong sabi dahilan para mangatog ang tuhod ko. "Kahit na pinatay mo si Kuya, hindi kita ipapahamak."

Kaagad akong napatingin sa kaniya. Sigurado akong walang kahit na sinong may alam sa totoong nangyari.

Kaya . . . paano iyun nalaman ng baliw na 'to?

the hidden sides of a storyWhere stories live. Discover now