"Siguraduhin mo ang iyong nararamdaman Eliana," wika niya dahilan para mapaiwas ako ng aking tingin.





KASALUKUYAN na akong nasa Plaza De Mayor dito ang sinabing hintayan namin ni Binibining Solana. Puting baro at kulay kremang saya ang aking suot pinagdala na rin ako ni Manang Lita ng sariwang prutas at ang inihaw niya kaninang isda.

Ang kalahating buhok ko lamang ang nakatali at muli kong ginamit ang panali ng buhok na binigay ni Binibining Solana.

Ilang sandali pa'y napatayo ako nang
maaninag ko ang kulay asul na saya ni Binibining Solana. Napangiti siya nang malapad nang makita niya ako, agad aking naglakad papunta sa kaniya.

"Ang buong akala ko'y hindi mo papaunlakan ang aking imibitasyon," sambit niya habang hawak-hawak ang aking kamay. Hindi ko mapigilang mahawa sa kaniyang mga ngiti.

"Hindi ko ito maaaring palagpasin Binibining Solana," sambit ko na ikinatuwa niya. "Tayo'y humayo na Binibining Eliana," wika niya sabay kaming nagtungo sa kanilang kalesa.

May kalayuan pa lang kami nang maaninag ko ang pamilyar na likod ni Ginoong Samuel. Nakaputing kamiso siya na maikli ang manggas at itim na pantalon. Hindi nakaayos ang kaniyang buhok di tulad ng mga nakaraang araw na nakikita ko siya, ngunit sumisigaw pa rin ang kakisigan niya.

"Nga pala, Pasensiya na Binibining Eliana sapagkat nakaligtaang kong sabihin sa iyo na kasama ko ang aking Kuya Samuel" sambit niya at diretsyong nakatingin sa aking mata.

Napakurap ako at napangiti nang bahagya labag man sa aking kalooban na makasama ngayon si Ginoong Samuel ngunit wala na akong magagawa.

Napangiti ako nang tipid, "W-walang problema Binibini," wika ko at umiwas ng tingin. Napangiti siya nang malapad. "Marahil maganda na rin ito upang mas makilala niyo pa ang isa't isa ni kuya Samuel at nang maging magkaibigan na rin kayong tunay," saad niya at tumawa nang marahan.

"Kuya Samuel, narito na kami," saad ni Binibining Solana nang makarating kami malapit sa kanilang kalesa. Napatingin si Ginoong Samuel sa kapatid niya at panandaliang napatingin sa'kin bago tumango.

"Nagdala nga rin pala ako ng prutas at ng inihaw na isda,"  saad ko at napatingin kay Binibining Solana. Napangiti siya nang malapad at inabot sa'kin ang takuyan.

"Nag-abala ka pa Binibini maraming salamat ang totoo'y paborito ni Ginoong Samuel ang inihaw na isda," wika niya at tumingin sa kaniya si Binibining Solana.

Nang bumaling ako sa kaniya ay agad siyang umiwas ng tingin bago napatikhim. "Humayo na tayo," wika niya at naglakad palapit sa kalesa.





"NARITO na tayo!  Salamat naman at naging maaayos ang ating paglalakbay," nakangiting sambit ni Binibining Solana habang hawak-hawak ang takuyang naglalaman ng prutas at kakanin sa kaniyang kamay.

Buong biyahe ay halos kaming dalawa lang kami ni Binibining Solana ang nag-uusap, tahimik lang si Ginoong Samuel at saka lang siya nagsasalita kapag tinatanong siya ni Binibining Solana.

Hindi ko alam ngunit napapansin ko na ang tahimik ni Ginoong Samuel at hindi niya rin ako binabalingan ng tingin.

"Tayo nang humayo," sambit niya at akmang hahawakan na ang aking kamay nang mapatigil siya.

"Aking nakaligtaan kasama pala natin ngayon ang apo ni Mang Senyo si Marcelo ang ating kutsero kanina lamang. Akin lamang siyang tatawagin," paalam niya at naglakad pabalik sa kinalalagyan ng kalesang aming sinakyan kani-kanina lamang.

Naiwan kaming dalawa ni Ginoong Samuel, hindi ako lumingon sa kaniya at inabala ko ang sarili ko sa pagmamasid sa kapaligiran.  Bilang lamang ang mga naglakihang puno ngunit sariwa ang mga ito sa dahon, malinis at nasa tamang hanay at pantay ang mga damo.

Liham ng Pamamaalam (Pahayagan Serye-Uno)Where stories live. Discover now