34. A Hale in the Past

73.2K 2.6K 392
                                    

Napaatras ako sa biglang pag-alulong ng sabay-sabay ng tatlong ulo ng Kerberus. Kasabay ng pag-atras ko ay ang pagbabalik ng memoryang matagal ko nang ibinaon sa limot ilang taon na ang lumipas.

Sampong taon ako nang sinugod ang Ykolos, ang pinakasentrong siyudad ng Northunia at isa sa pinakamaunlad na siyudad sa buong Cairos. Isang Halimaw na kung tawagin ay Kerberus ang sumunog sa buong Ykolos at ang mga karatig bayan nito. Noon pa man ay ulila na akong lubos. Namatay ang aking ina dalawang araw matapos ipanganak ang kapatid kong babae. Lumaki ako sa pangangalaga ng aking mga abuelo kasama ang nakababata kong kapatid. Bata pa lang ay napaghandaan ko na ang mga ganoong pangyayari kaya bago pa masunog ang aming bahay ng isang higanteng halimaw ay karga ko na ang isang taong gulang kong kapatid habang nakasukbit sa aking likuran ang isang bag na mas mabigat at mas malaki saakin. Naiwan sa nasusunog na tahanan ang aking mga abuelo sa kagustuhang doon nila gustong mamatay at masyado na silang mahina para tumakas. Pikit mata akong napatakbo palayo.

Mabilis kong itinakas si Miranda. Palabas na kami ng siyudad ng Ykolos nang harangin kami ng mga bloke ng yelong galing sa bunganga ng Kerberus. Nanginginig ako't sunod-sunod na nagsihulugan ang mga pawis mula sa aking noo nang lingunin ko ang halimaw na may tatlong ulo. Mahigpit ang pagkakahawak ko sa aking kapatid habang hinihintay ang pagsugod ng higanteng halimaw.

Sa mga oras na 'yon ay pinaghandaan ko na ang aming katapusan. Napapikit ako habang dinadama ang mainit na paghinga ng tulog na sanggol sa aking pisngi. Nagpakawala ng isang malakas na alulong ang halimaw na nangangahulugang aatake na ito ilang saglit lang. Napamulat ako sa di malamang dahilan. Nagpakawala ng sabay-sabay mula sa mga bunganga nito ang tatlong ulo ng Kerberus. Isang higanteng apoy, isang nagyeyelong bola at isang malaking hibla ng kidlat ang pinakawalan nito patungo sa kinaroroonan namin. Nakakasilaw ang liwanag na dulot n'on habang nilalakbay ang distansya sa pagitan ko at ng malaking halimaw. Ilang metro bago tumama ang pinagsama-samang pwersa ng tatlong ulo ng Kerberus ay biglang humarang ang isang matangkad at matipunong anino sa aming harapan. Sinangga nito ang pag-atake ng Kerberus gamit ang pinaghalo niyang apoy at hangin. Nakabuo pa ito ng isang pentagram o magic circle bilang harang sa pag-atake ng halimaw. Naglaban ang dalawang malakas na pwersa at bumuo 'yon ng isang malakas na ipu-ipo. Nilipad ang mga buhangin at ang mga nasirang bagay mula sa pagkakasunod.

Hindi ako nakagalaw agad. Mukhang pamilyar kasi ang likod at bulto ng lalaking nagligtas saamin. Nang lumingon ito ay napagtanto kong si ama ang nakikipaglaban sa halimaw. Nagulat ako dahil akala ko'y patay na siya.

"Lau! Tumakas na kayo! Itakbo mo si Miranda sa ligtas na lugar!" Sigaw nito saakin habang nahihirapan nang sanggain ang pwersa ng Kerberus. Nakita kong nagdudugo na ang ilong nito.

"Ama..." tanging sagot ko habang hindi mapagtanto kung ano ang gagawin.

"Lau! Bilis na! Takbo!" Sigaw nito.

Agad akong tumalima. Bago pa ako makahakbang palayo ay narinig ko siyang muli. "Anak, sabihin mo kay Miranda paglaki niya na mahal na mahal ko kayo. Mahal na mahal kita anak."

Napahigpit ang yakap ko kay Miranda. Tuluyang dumaloy ang mga luha sa aking mga mata at gumapang ito pababa sa gilid ng aking mga labi

"Ama..." 'yon lang amg aking nasambit bago mabilis na kumaripas ng takbo patungo sa kagubatan. Ilang metro pa ang natakbo ko nang marinig ko ang pagsabog. Nakita ko pa ang usok at apoy na dulot ng pagsabog na 'yon at sigurado akong doon 'yon sa kinatatayuan ng aking ama. Wala na siya. Patay na si ama.

Hikbi at iyak ang tanging lumabas saakin habang tinatakas ko ang aking kapatid. Sa napakaiksing hakbang ko noon, hindi ko alam kung papaano ko narating ang masukal na kagubatan ng Typraz.

Sa Typraz nagsimula ang lahat kung bakit ako narito ngayon. Doon kami lumaki ni Miranda at doon nabuo ang planong ngayo'y pinagsisisihan ko na.

"ILAG!" Malakas na pagkakasabi ni Tanya na siyang nagbalik saakin sa kasalukuyan. I ducked down and rolled to the ground para makaiwas sa umaapoy na buga ng higanteng Kerberus.

The Keepers [TKS#1]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon