HEIRA'S POV
"Anak..."
Napabalikwas na lang ako nang marinig ko ang boses ni tita Hazel tuloy ay napatingin ako sa kaniya at nawala sa atensyon ko sa taong nakita ko na kahawig ni Kayden.
"B-bakit po?" Tanong ko sa kaniya, nakakunot ang mukha niya at tumingin din sa direksyon kung saan ako nakatitig kanina. Tila nagtataka pa siyang tumingin ulit sa akin at inayos ang buhok ko.
Oh, walang bangs 'yan, hindi na 'ko bored.
"Iniwan lang kita saglit dahil mayroong kumausap sa akin na kaibigan namin ng mommy mo, pagbalik ko puno na ang plato mo, tulala ka pa." Sabi niya kaya napatingin ako sa plato ko.
Hindi ko na namalayan na panay na pala ang paglalagay ko ng pagkain, ni hindi ko na nga nahiwalay ang ulam sa mismong dessert. Napalunok na lang ako sa rami nito, hindi naman 'to pwedeng ibalik sa lalagyan kasi nakakahiya.
Mauubos ko kaya 'to? Syempre naman two joints.
"Sorry po..." Sagot ko na lang sa kaniya. "Uubusin ko na lang 'to, tita. O kaya itake-out na lang natin." Dugtong ko pa. Natawa naman siya sa sinabi ko.
Anong nakakatawa ro'n? Bawal kayang magsayang ng pagkain, alangang itapon ko na lang 'yung pagkain na 'to? Sayang naman!
"Sino ba 'yang iniisip mo? Ang ibig kong sabihin ay sino 'yong nakita mo?" Mayroong pang-aasar ang kaniyang boses. Napanguso na lang ako sa sinabi niya. Kinamot ko ang ulo ko saka umiling.
"Wala po," wala sa loob na sagot ko. Bago kami bumalik sa lamesa namin ay lumingon ulit ako sa kung saan ko nakita si Kayden. Ngunit ganoon na lang ang pagtataka ko nang makitang wala na siya roon, ni ang kaluluwa niya ay hindi ko na makita.
Minumulto na ba ako ng presensya niya? Siya kaya 'yon? Imposible naman 'yon! Sa tagal na naming hindi nagkikita, nakakapagtaka naman kung nandito siya diba? Mayaman siya, oo. Pero wala naman sinabi sa akin si daddy na kilala niya si Kayden o ang mga kamag-anak man nito.
Hindi naman masaya ang party na 'yon, iba ang party na dinaluhan ko sa mga party sa mga bayan at bar. Ni walang kasigla-sigla rito, puro negosyo ang pinag-uusapan, puro nagsisitsitan at nagsasamaan ng tingin. Hindi masaya, hindi nakakaenjoy. Hindi na 'ko ulit sasama rito.
Hinatid ako ni Kio sa bahay, sabi niya roon na lang din siya matutulog, bukas na lang siya uuwi sa mansyon ng mga magulang ni mommy. Hinayaan ko na lang siya, pagod din ako sa byahe.
Pabagsak kong humiga sa kama ko at pumikit. Nakailang baligtad na 'ata ako ng posisyon ko pero hindi ako makatulog. Inaantok na ako pero gising na gising ang diwa ko. Pagod na ang katawan ko pero 'yung utak ko nagliliwaliw pa rin sa nakita ko kanina.
Si Kayden ba talaga 'yon? Kung siya man 'yon, bakit hindi niya ako nilapitan? Bakit hindi man lang siya nagsabi ng "hi" o kaya naman "hello" o kaya naman mas maganda kung magpasorry siya sa ginawa nila sa akin, tutal siya naman ang pasimuno no'n.
Binaon ko ang mukha ko sa unan, pinagsusuntok at pinagsisipa ko ang kama ko. Naiinis ako! Bakit ba ako umaasang kakausapin ako ng gagong 'yon? Close ba kami? Hindi naman! E ano naman ngayon kung siya 'yong nakita ko kanina? Wala akong pakialam! Galit pa rin ako sa kaniya.
Kinabukasan ay bangag ako dahil wala akong maayos na tulog, sabog at lutang pa ang isip ko, ano bang dapat kong gawin? Nadatnan ko si Kio na nasa lamesa na, may nakahandang pagkain, nagkakape siya at nagbabasa ng kung anong article 'yon.
"Magandang umaga." Humikab ako at nag-unat-unat, bakit ngayon yata ako inaantok?
"Looks like you didn't sleep." Tila nandidiring sabi niya.
