HEIRA'S POV
"Kio, tignan mo nga kung bagay sa 'kin 'tong suot ko." Kakalabas ko lang sa kwarto ko, byernes na kasi at hindi ako pumasok sa eskwela dahil pinipilit nga ako nina mommy na sumama sa engrandeng party ng kasosyo ni daddy.
Ang agang narito sa bahay ni Kio. Gusto niya raw makasigurado na hindi ako tatakas at pumunta sa kung saan para lang huwag akong makasama sa kanila. Nauna pa nga siyang nakapagluto kaysa sa akin, kakagising ko kanina, siya ang bungad.
Sabay kaming kumain, naligo na ako pagkatapos no'n, siya naman naligo sa may kwarto niya, may dala naman siyang damit. Humarap ako sa kaniya. Ngumiwi naman siya para bang hindi pasado sa kaniya 'yong suot ko.
"Nakadress ka tapos tsinelas na pambahay ang suot mo. Wala ka talagang kaclass-class." Binato niya ako ng newspaper na hawak niya. "I bought you a low-heeled sandals. Ito ang suotin mo, hindi 'yan."
"Bakit naman? Bagay naman ang tsinelas sa dress ah? Anong problema rito?" Takang tanong ko sa kaniya. Suot ko kasi 'yong Adidas na tsinelas ko, hindi 'yong may kalawit, 'yong pwedeng pambahay, pwede ring panggala.
"Kung hindi ka nahihiya, pwes ako oo. Baka kung ano pa ang sabihin ng mga investors ni daddy kapag nakita ka nila." Inirapan ako nito.
Nakasuot siya ng tuxedo na itim, may checkered tie, nakablack-shoes pa siya at amoy na amoy ko ang pabango niya. Pinanliligo ba nito ang pabangong binibili ni mommy sa kaniya? Umaalingasaw e, pero hindi naman siya masakit sa ilong. Sakto lang naman.
"Pakealam ba nila? Style ko 'to. Kaniya-kaniya tayo, walang basagan ng trip." Kinindatan ko si Kio at nagpogi-sign pa. Halos maiwan sa taas ang mata niya kakairap, mataray pa siya kaysa sa akin. Sampalin ko kaya 'to?
"Hindi 'yan style. Heira, umamin ka nga."
"Anong aaminin ko?"
"Jejemon ka ba?" Tanong niya, kung hindi ko lang siya kapatid, baka nasapak ko na siya ng ilang beses.
"Ako, jejemon? Sa ganda kong 'to, sasabihan mo ako ng jejemon?" I flipped my hair. "Akin na nga 'yang heels na sinasabi mo. Susuotin ko na, kapag ako natapilok pa rito, ikaw talaga ang sisisihin ko."
"Ang dami mo pang sinasabi. Just wear it so that we can go. Kanina pa tayo hinihintay nina daddy, ang tagal mong maligo." Reklamo niya sa akin.
"Malamang, inalis ko pa ang libag ko. Baka akala pa ng mga bisita hindi ako marunong manghilod." Sagot ko sa kaniya.
"Disgusting words."
Pagkatapos kong makapagpalit ng pang-paa ko ay sumakay na kami sa kotse ni Kio. Matagal na rin noong huli akong nakasakay rito. Parang gusto ko tuloy i-drive 'to, kaso alam kong hindi na ako papayagan ni Kio, muntikan ng matanggal ang kaluluwa niya noong ako ang nagmaneho e.
Nakarating kami roon sa isang mansion. Nasa tapat pa lang kami ng gate ay nakaramdam na ako ng tension... kaba at takot. Hindi ko masabi kung ano ba 'yon. Hindi pa ito ang venue ng party, sigurado ako roon dahil wala namang maraming sasakyan at tao sa labas.
"Kio, nasa'n tayo?" Tanong ko sa kapatid ko matapos kaming pagbuksan ng gate ng security guard.
"We're at grandma's house." Sagot niya kaya nahugot ko ang paghinga ko. Alam niya namang ayaw ko rito, kaya pala pinipilit niya ako para maidala ako rito.
"Itigil mo na lang ang sasakyan, bababa na 'ko, sa labas na lang ako maghihintay." Pakiusap ko sa kaniya. Ayaw ko rito. Iyon lang ang masasabi ko. Ayaw kong pumasok sa loob ng bahay dahil baka hindi na nila ako palabasin... hindi na ako makabalik sa dati kong buhay.
