"Intramuros," wika ko habang pinagmamasdan ko iyon. Napatingin ako sa drawer ng desk kaya hinila ko ito. Nang mabuksan iyon ay tumambad sa akin ang maliit na piraso ng papel, at may nakasulat dito.

Nueva Ecija. 10.02.08

Napakunot ang aking noo sa pagtataka. Hindi ko lubos maisip na ako ang nagsulat nito dahil nakasulat sa gilid na bahagi ng papel ang aking pangalan. Wala akong maalala.

Binalewala ko na lang ito at isinauli sa drawer. Nang ibalik ko sa sketch pad ang aking atensiyon, isa-isa kong tiningnan ang mga iginuhit ko rito. Napakamot-ulo na lang ako nang mapansing parang maraming kulang dito sa mga naiguhit ko.

Siguro nasobrahan lang ako sa kape kaya parang medyo balisa ako. Kung ano-ano ang naiisip ko. Tumayo na lang ako at dumeretso sa walk-in closet ko at kumuha ng pamalit kong damit. Nang pumuwesto ako sa aking kama para manood ng movie, tila may nag-udyok sa akin na tingnan muli ang aking iginuhit.

Nainis ako sa aking sarili dahil parang mayroong gumugulo sa akin. Para bang may ipinahihiwatig sa akin ang lahat. Wala akong ibang nagawa kung hindi ang bumangon para kunin ang sketch pad ko. Nang buklatin ko ito, bumungad sa akin ang iginuhit ko kanina—ang Intramuros. Inilipat ko sa naunang pahina at portrait naman ni Blythe ang nakita ko. Sa hindi ko malamang dahilan, kinuha ko ang aking cell phone at nag-research sa Google kung ano-ano ang mga sikat na tourist spots sa Manila.

I sighed in disbelief when I saw that Intramuros was on the list. What the heck is happening to me?

***

"ANO? Pupunta ka sa Intramuros?" Hindi makapaniwala si Railey nang sabihin kong bibiyahe ako papuntang Intramuros mamaya.

Sabado ngayon kaya naisipan naming magkita para manood ng isang real-life documentary film. Hindi ko naman alam na pagsisisihan ko palang ikinuwento ko sa kaniya ang binabalak ko.

"Bakit naman? May mali ba sa pagpunta sa Intramuros?" inosente kong tanong habang kumakain ng popcorn.

"Hindi naman, pero kasi... Ikaw? Oh, my gulay! Hindi ka nga makatawid ng kalsada nang mag-isa, tapos luluwas ka pa ng Maynila? Mamumuti ang buhok ko sa iyo." May pagka-OA talaga minsan ang babaeng ito.

"Kaya ko naman, masyado ka lang OA. Akala mo naman mamamatay ako kapag umalis ako," depensa ko.

"Anyway, buhay mo naman 'yan, ikaw ang masusunod. Saka pera mo naman ang gagastuhin mo, hindi sa akin." Parang ako pa ang mali, eh, siya itong walang tiwala sa akin.

"Wala ka kasing bilib sa akin, eh. Kapag ako nakauwi nang buhay pagkagaling ko ng Manila, papupulahin ko 'yang magkabila mong tainga." Umamba pa akong pipingutin siya.

"Bring it on! I'm not scared—never ever forever," pagmamayabang niya, saka ako inirapan.

Ibinalik ko na lang sa panonood ng film ang aking atensiyon. Kung makikipagdaldalan lang ako sa kaniya habang nagpe-play ang palabas, wala ring saysay ang panonood namin. Saka ito naman talaga ang dahilan kung bakit siya nandito, para manood, at hindi para kontrahin ang mga plano ko sa buhay.

"Ay! Nakalimutan akong sabihin sa 'yo!" Hinampas niya ang braso ko. "Bakit hindi mo na lang puntahan si Blythe, tutal dito rin sa Pampanga ang location niya?" suhestiyon niya. "At sa kabilang school lang siya nag-aaral."

"Eh, bakit hindi ikaw ang gumawa, tutal ikaw naman ang nakaisip?"

"Ano ba?! Huwag mo ngang ibinabalik sa akin ang tanong. Nakakainis 'to!" Hinawi niya ang kaniyang buhok at pabadog na kumuha ng popcorn.

"Huwag mo ngang ibinabalik sa akin ang tanong. Nakakainis 'to!" inulit ko ang sinabi niya para lalo siyang maasar.

***

The Night We Met in IntramurosWhere stories live. Discover now