"Esmeralda, Esmeralda ang aking ngalan hija." sambit nito. Ako'y napangiti at napatingin din kay Solana at nakangiti rin ito sa'kin. Nakakatuwa sa puso dahil tila bukal at bukas ako sa kanilang tahanan sa kabila ng aking kinabibilangan.

"Samuel, nariyan ka pala. Halika samahan mo na kami sa hapag kasama ng panauhin ng iyong-"

"Hindi na ho Ina, nais ko rin pong maglakad-lakad ngayong umaga." wika niya at napatayo sa upuan.

"Ako'y lilisan na rin." patuloy niya at napatingin sa kaniyang ina at kay Solana bago ito sandaling napasulyap sa'kin at napangiti bago umalis.

"Halika hija, samahan mo kami sa hapag." alok ng Doña sabay ng paghila sa'kin ni Binibining Solana sa hapag. Sandali pa akong nanatili sa kanilang tahanan, maraming naibahagi sa'kin si Donya Esmeralda. Isinalaysay nito ang tungkol kay Solana noong bata pa lamang ito at nagiging mailap si Solana sa tuwing may mababanggit ang kaniyang ina na nakatutuwa.

Matapos magbahagi ni Donya Esmeralda ay pinag-pasiyahan ko na rin na umuwi. Pinahatid na lamang ako ni Donya Esmeralda pabalik sa tahanan ng Villaflores. At bago umalis ay mayroon siyang ibinigay sa akin na isang libro ito raw ay aking basahin sapagkat punong-puno ito ng mga salita ng Diyos.




MATAAS na ang sikat ng araw nang makabalik ako sa mansion ng Villaflores, agad akong nagpalit ng aking kasuotan at isinuot ko rin ang isang panali ng buhok na binigay sa'kin kanina ni Solana. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala sa unang pagkikita namin ni Ginoong Samuel, ang taong hindi nais makilala ni Binibining Miranda.

"Binibining Miranda?" katok ko sa kaniyang pinto nang makarating ako sa tapat ng kaniyang silid. Batid kong kanina pa ako nito hinahanap.

"Iyan ay bukas tuloy ka." sambit nito mula sa loob ng kaniyang silid. Pumasok ako sa kaniyang silid at nadatnan ko siyang abala sa pagbuburda, ang isa sa mga paborito niyang gawin.

"Magandang araw binibini." bati ko. "Ikaw ba'y nanggaling sa kumbento?" tanong niya habang nakapako pa rin ang kaniyang tingin sa kaniyang binuburda. Napatango ako. "Paumanhin na rin kung ngayon na lamang ako nakabalik." sagot ko at sinimulang linisin ang kaniyang silid.

"Huwag mo nang gawin iyan Eliana, maupo ka na lamang dito." wika niya habang nakangiting nakatingin sa'kin. "Subalit Binibini, kailangan kong linisin-"

"Kalilinis mo lang ng aking silid kahapon hindi ba?" saad niya at napabuntong hininga. "Maupo ka na lamang dito at makapagpahinga ka. Huwag kang mag-alala hindi naman ito malalaman ni ina." patuloy niya at napangiti sa'kin bago ipinagpatuloy ang kaniyang pagbuburda.

Napatango ako sa kaniya at dahang-dahang umupo sa kaniyang katre. Hindi na bago para sa akin ang ganitong sitwasyon at habang mas tumatagal ay nagiging komportable kami sa isa't isa.

Napangiti ako nang mapatingin ito sa'kin at sandaling napatitig sa aking ulo. Napasingkit ang kaniyang mata. "Ang iyong panali ng buhok ay marilag, bagay sa iyo." saad niya. Napahawak ako sa aking buhok at napangiti. "Ito'y handog sa akin ni Binibining Solana at hindi ko ito inaasahan mula sa kaniya." tugon ko.

Ibinaba niya ang kaniyang ibinuburda at napatingin sa'king mga mata nang diretso. "Iyan ay handog sa iyo ni Solana ang bunsong anak ng Delos Santos?" pagbibigay-linaw niya.

Tumango ako bilang sagot. "Natitiyak ako na may malalim kayong ugnayan sa isa't isa sapagkat nagawa ka niyang handugan ng ganiyan." wika niya bago ipinagpatuloy ang pagbuburda.

Napangiti ako at napatango sa'king sarili. Hindi ko rin nagawang sabihin sa kaniya kung ano ang ugnayan naming dalawa ni Binibining Solana.

"Binibini maaari ba akong magtanong?" sambit ko habang nakatingin sa kaniya. Napatingin siya sa'kin at napangiti "Ano ba ang iyong tanong?" nakangiting saad niya. Batid kong hindi maganda na manghimasok ako ngunit nais ko lamang malaman ang kaniyang saloobin.

"Nahihiwagaan lamang ako Binibini sa kung bakit h-hindi niyo ho nais na makilala ang pangalawang anak ng Mayor?" tanong ko. Kung tutuusin ay kung sakaling makilala nila ang isa't isa ay madali lang maglalapit ang kanilang loob.

Napatigil siya sa pagbuburda at napatingin sa bukas na bintana. "Hindi ko rin batid sa'king sarili Eliana, may parte sa isipan ko na hindi ako interasado na makilala siya dahil pakiramdam ko'y hindi ganoong maglulukso ang dugo naming dalawa." saad niya at napatingin sa'kin.

"At isa pa, may lalaki akong napupusuan, nasa malayong lugar ito at hanggang ngayon ay hindi ko pa rin siya muling nasisilayan." patuloy niya at umiwas ng tingin sa'kin habang bakas pa rin ang ngiti sa kaniyang labi.

Napangiti ako nang matamis. "Marahil iyan ang isa sa mga bagay na inililihim mo sa'kin." wika ko at napangiti nang malapad.

Tumingin ito sa'kin habang naroon pa rin ang saya sa kaniyang mga mata. "Huwag mong babanggitin ang bagay na ito sa'king ama't ina Eliana, sa'tin lang kung ano ang mga nalaman mo ngayon." wika niya at humawak nang mahigpit sa aking kamay.

Napangiti ako. "Makaasa ka Binibini." wika ko dahilan upang mas mapangiti siya at napatango. "Tama na nga iyan. Aking maalala Eliana, nais ko sanang samahan mo muli ako mamaya na magtungo sa hardin." pag-iiba niya ng usapan.

Agad akong napangiti at napatango. "Walang problema binibini, tayo ba'y muling mamimitas ng rosas?" tanong ko. Tumango ito. "Nais kong palitan ang rosas na nalanta dito sa'king silid." tugon niya.

"Kung gayo'y ikaw ay aking tutulungan." nagagalak na saad ko. Napangiti ito "Kailangan ko talaga ng iyong tulong.." sambit niya kasabay nang pagtawa nang marahan.



MABABA na ang sikat ng araw nang makarating kami sa kanilang hardin. Halos limang minuto lamang ang aming pagbabaybay dahil hindi gaanong malayo sa kanilang tahanan ang hardin at kung tutuusin ay kayang-kaya itong lakarin.

Nang kami'y makarating na ay nagtungo kami agad sa hardin, may mga ilang trabahador kaming nadadaanan at bumabati sa amin. Sila ang mga ilang nakikisaka sa pamilya Villaflores, at ang iba'y tagapangalaga ng mga hayop na pangbukid.

Dati na ring naging tagapangalaga ang aking ama sa hardin na ito bago siya pumanaw. Kung kaya't sa tuwing tutungo ako rito ay pilit na nagbabalik-tanaw ang mga alaala kasama siya.

Napagpasyahan naming maghiwalay ni Binibining Miranda upang makakuha at makapili kami ng magagandang rosas. Nagtungo ako sa loob ng hardin at sinimulang pumitas ng mga sariwang rosas.

Lubusan akong nagagalak sa mga rosas sapagkat ang bango ng halimuyak nito, inaamoy ko ang bawat rosas na aking nakukuha, pakiramdam ko'y nakakaalis ito ng pagod. Naglakad ako sa bahaging dulo ng hardin upang mas makapili ng mas magagandang rosas.

Pagkarating ko sa dulo ng hardin ay pinagpatuloy ko ang pamimitas, iniingatan ko ang aking daliri na huwag mahawakan ang tinik ng mga rosas. At hanggang ngayon ay palaisipan pa rin sa akin kung bakit may nakasusugat na tinik ang rosas gayong napakaganda nito kung titignan.

Napataas ko ang aking ulo nang umihip ang malamig na simoy ng hangin at ako'y napangiti sa kawalan. Ang lamig na dala ng hangin at ang mabangong halimuyak ng rosas ay nagsanib pwersa at napakasarap sa pakiramdam na damhin ang malamig na simoy ng hangin na iyon.

Nang aking ibaba ang aking ulo ay agarang napako ang aking paningin sa isang Ginoong may kalayuan sa akin, ito'y nakatingin nang diretsiyo sa akin at bahagyang nakangiti ang mga labi nito. Sandali kong pinagmasdan ang Ginoong iyon at halos mabitawan ko ang aking dala nang mapagtanto kung si Ginoong Samuel iyon.

Napatitig ako sa kaniya at hindi ako nagkakamali sapagkat si Ginoong Samuel nga ito, nakasuksok ang dalawa niyang kamay sa kaniyang itim na pang-ibaba at nakasuot ng sombrero.

Napaiwas ako ng tingin nang matusok ang kamay ko sa tinik ng rosas at agad itong dumugo, napangiwi ako sa sakit at hapdi. Napasulyap ako sa kinaroroonan ni Ginoong Samuel nang maramdaman kong papalapit siya sa'kin may bahid din ng pagkagulat ang kaniyang mukha.

Napaiwas ako ng tingin at nataranta sa kaniyang paglapit, kaya't mabilisan kong nilisan ang lugar at dagling hinanap si Binibining Miranda.

Hindi ko pa siya nais na makausap muli!





Natataranta,
Eliana

Liham ng Pamamaalam (Pahayagan Serye-Uno)Where stories live. Discover now