Kabanata 42

19 2 1
                                    

Nagising si Allen sa mabangong aroma ng pagkain. Kung hindi siya nagkakamali ay mula iyon sa bagong aning kanin at preskong isdang sinabawan.

"Hmm, napakabango naman," wala sa loob niyang wika.

"Mabuti naman at gising ka na kaibigan. Bumangon ka na at kumain."

Matapos marinig ang tinig na iyon ay nabiglang napabangon si Allen. Naalala niyang nawalan nga pala siya ng malay.

"Hindi ko alam ang nangyari kung bakit ako nawalan ng malay-tao kanina," patay-malisya niyang sinabi.

"Hehehe. Natural lamang iyon at huwag kang mag-isip ng anupaman."

Bakit sa tingin ko'y patay-malisya rin ang sagot ni Zeke? Iyon bang tipong alam na alam niya ang totoong dahilan?

Tumatakbo na naman kung saan-saan ang isipan ni Allen.

Umiwas siya ng tingin sa makisig na binatilyo at tumayo. "Kakakain ko lang bago hinimitay, pakakainin mo na naman ako paggising? Hindi kaya'y tumaba naman ako niyan?" pagbibiro niya.

"Hahaha. Kaninang umaga ka pa hinimitay kaibigan. Gabi na ngayon, oras ng hapunan," magiliw na tugon ni Zeke.

"Ano?! Buong-araw akong walang malay??"

"Ganuon na nga kaya't kain na habang mainit pa ang pagkain.

Walang nagawang pumunta siya sa hapag kainan upang kainin ang inihanda para sa kanya. Nakakatuwang isiping biglang lumakas ang kanyang pakiramdam pagkaamoy pa lamang sa masarap na aroma ng pagkain.

Nang may maalala si Allen, "Kung mamarapatin mo kaibigan, nais ko sanang malaman ang nangyari sa mga kasamahan ko doon sa minahan..."

Umiwas ng tingin si Zeke bago sumagot, "Huwag mo nang isipin ang mga walang kabuluhan. Subalit para sa ikapapanatag ng iyong kalooban ay sasagutin kita. Wala na akong nalalaman sa nangyari sa kanila maliban sa huling taong nanakit sa'yo bago ka nawalan ng malay. Sinipa ko siya ng ubod lakas at lumipad siya sa langit. Hehehe. Hindi ko na alam kong saan siya naparoon."

Halos malaglag sa upuan si Allen sa narinig at hindi niya malaman kung tatawa o maaawa sa nangyari kay Larry. Sumubo na lamang siya muli nang pagkain subalit hindi niya napigil ang pagsilay ng matamis na ngiti sa kanyang mga labi.

"Huwag mong alalahanin ang mga bagay saiyong paligid kaibigang Allen. Mas maiging magpalakas ka upang magawa ang mga bagay na nais mo at matupad ang iyong mga pangarap sa buhay," puno ng pang-unawa ang tinig ni Zeke.

Napatitig si Allen ng matiim kay Zeke at hindi malaman ang mararamdaman sa mga oras na iyon. Napakabata pa nga ng kanyang kausap subalit kahanga-hanga ang pag-iisip nito. "Salamat sa pag-aalala mo sa akin kaibigang Zeke. Huwag kang mag-alala, sa mga naranasan ko'y natuto na akong hindi hamak. Mahirap ang basta na lamang magtiwala sa ibang tao. Kaya mula ngayon ay hindi na ako magtitiwala kaninuman," madamdaming pahayag ni Allen.

Kumunot ang noo ni Zeke sa narinig tanda ng pagtutol. "Huwag naman ganuon kaibigan. Maaari mo akong mapagkatiwalaan."

Nasamid si Allen sa narinig at natawa. Uminum siya ng tubig bago sumagot, "Syempre may tiwala ako saiyo. Ang sinabi ko'y hindi ako magtitiwala sa tao, eh hindi ba't hindi ka naman tao kaya naman hindi ka kabilang doon."

"Oo nga pala," namumulang tugon ni Zeke maya-maya'y nasundan iyon ng matamis na pagngiti.

Hindi maiwasang mapatulala ni Allen sa pagkakatitig sa binatilyong engkanto. Ang kagandahang lalaki nito'y sadya naman kasing kakaiba at nagbibigay iyon ng abnormal na tibok sa kanyang puso...

Peste!!!

Ang bilis na naman ng tibok ng puso ko!! 

Nanginginig ang mga kamay na halos hindi maisubo ni Allen ang pagkain. Nanlalamig din ang kanyang mga hintuturo at tila may mga paru-parong nagliliparan sa kanyang tiyan. Anuman ang kanyang gawin ay napakahirap pigilin ang pagtibok ng kanyang puso, ang kakaibang pakiramdam na iyon ay bago sa kanyang pandama.

Hindi siya mapakali!

"May problema ba kaibigan?" Hindi nakaligtas kay Zeke ang kakaibang reaksiyon ni Allen at dahil doon kaya naisip niyang magpaalam upang maging komportable ang bisita. "Aalis na muna ako sapagkat kailangan ko pang libutin ang kaharian bago pa maghatinggabi." Kasabay noon ang mabilis niyang pagtayo at paglisan sa silid.

Sa sobrang bilis ay hindi na nagawang makasagot pa ni Allen. Napabuntong-hinihga siyang pinagmasdan ang pintuang nilabasan ng engkanto na ngayon ay nakapinid nang muli. Huminga siyang muli ng malalim bago naipagpatuloy ang pagkain.

Lumipas ang gabi na hindi niya na muling nasilayan ang engkanto kaya naman wala naman siyang ibang magagawa kundi ang mahiga at mag-isip.

Subalit...

Bakit puno ng kahungkagan ang kanyang damdamin?

Nagpabiling-biling siya sa higaan hanggang dalawin siya ng matinding antok. 

Lumipas ang maraming araw sa paulit-ulit na eksena. Gigising si Allen na mayroon nang nakahandang pagkain, kasuotang pamalit at lahat ng kanyang pangangailangan maliban sa isa. Kalayaan. Kalayaang makalabas, subalit nauunawaan niya naman ang dahilan kung bakit naroroon lamang siya sa apat na sulok ng silid na iyon.

Ang mahirap unawain ay ang miminsan lamang niyang makita ang prensipeng engkanto. Kapag nagdadala ito ng pagkain sa tanghalian at hapunan matapos ay nagmamadali rin itong umalis. Nasasabik siyang makausap ang lalake at hindi niya maunawaan kong natakot ba ito sa kanya at hindi sinasadyang naitaboy niya ang engkanto palayo.

Bwisit!

Isang umaga, sinikap ni Allen gumising ng mas maaga kaysa nakagawian. Iisa lamang naman ang nais niya, masilayan ang engkanto! Mabuti na lamang ay nagbunga ang kanyang plano sapagkat pumasok nga si Zeke! May dala itong tray sa isang kamay na may lamang mga pagkain at damit naman sa kabila. Mabilis siyang bumangon upang salubungin ang lalake.

"Tutulungan na kita aking kamahalan..." nakangiti niyang wika sa engkanto subalit naroroon na naman ang kakaibang tibok ng kanyang puso.

Natigilan naman si Zeke sapagkat hindi niya inaaasahang dadatnang gising si Allen. Natulala na lamang siya nang kuhanin nito sa kanya ang kanyang mga dala-dalahan.

Dahil sa matagal na hindi nakausap ang prensipe ay hindi magawang sundan ni Allen ang kanyang nais sabihin sa lalake.

"Kamahalan? Bakit iyon ang itinawag mo sa akin?" napapakurap na tanong ni Zeke, bakas sa kanyang mukha ang pagtutol.

"Ahh! Naisip ko lamang na dapat kitang bigyan nang paggalang. Iyon ang nararapat aking kamahalan, huwag mo sanang masamain iyon," nakayukong wika ni Allen, puno ng despensa ang kanyang tinig. Bakit kasi ngayon niya lamang naisip iyon.

"Hindi kailangan. Mas masisiyahan akong mananatiling Zeke ang itawag mo sa akin," matigas na tugon ni Zeke.

Mayroon ba siyang magagawa? Ayaw niyang mas lumayo pa ang loob ng engkanto sa kanya kaya nakangiti siyang tumugon, "Masusunod kamahalan. Zeke na kung Zeke. Mayroon sana akong nais ipakiusap..." Sa huling pangungusap ay yumuko siya dahil nahihiya siya sa nais niyang sabihin.

Umupo si Zeke sa gintong upuang katabi ng kama at sumagot, "Sabihin mo ang iyong nais."

Humugot nang malalim na hininga si Allen, nilakasan ang loob na tumugon, "Marapatin mo sanang gawan ng paraang mapagsilbihan kita habang naririto ako sa iyong kaharian. Kung mayroong paraan ay masisiyahan akong lubos."

Matiim na tumitig si Zeke kay Allen. Hindi niya malaman ang isasagot kaya naman lumakas ang tibok ng puso ni Allen.

 Paano kung hindi pumayag si Zeke?

"Mag-iisip ako nang paraan. Huwag kang mag-alala. Kumusta na ang iyong pakiramdam?" 

"Maayos! Halos wala naman na akong maramdamang sakit sa katawan kaya't nais ko sanang mapagsilbihan kita bilang pasasalamat." Totoo iyon sa kanyang kalooban.

Matiim na muling tumitig si Zeke kay Allen bago sumagot, "Hindi mo kailangang magsilbi sa akin. Marami ang aking mga alipin."

Subalit iyon lamang ang tanging paraan upang masilayan niya ang engkanto sa tuwi-tuwina! Hindi siya papayag!

"Iyon lamang ang makapapanatag sa aking kalooban kamahalang Zeke!" matigas niyang wika na nagpatulala kay Zeke.

Ang Pag-ibig Ni Lester (R18)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon