Kabanata 40

9 1 1
                                    

Boom!

Halos hindi kumukurap si Allen sa pagkakatitig sa batang nagmula sa kung saan. Ang mga bolang apoy na kanina'y nasa kanyang mga palad ay bigla na lamang lumipad patungo sa mga gintong hawak ng mga trabahador na nagpapambuno kasunod ang pagpailanlang nang nakabibinging tunog ng pagsabog. Nagtalsikan sa iba't-ibang panig ang mga trabahador kasabay ng pagtalsikan ng mga gintong kanina lamang ay pinag-aagawan nila!

Sa bilis ng pangyayari ay hindi na masundan ng tingin ni Allen ang lahat. Ang nakatawag sa kanyang pansin ay ang maraming piraso ng gintong tumalsik sa mismong kanyang tabi. Kaya naman nagmadali siyang pulutin isa-isa ang mga piraso ng ginto upang makaalis sa lalong madaling panahon. Dahil sa nasira na ang bulsa ng kanyang pantalon ay nagpasya si Allen na sirain ang suot na damit at iyon ang kanyang ginamit upang doon isilid ang mga ginto matapos ay ipinasok niya ito sa loob ng pantalon at itinali sa beywang ang dulong tela. Habang nagkakagulo ay tila hindi napansin ng mga kasamahan ang kanyang kinaroroonan kaya maigi pa siyang nagtago sa likod ng batong kanina ay pinagtataguan niya. Sa kanyang paglingon ay hindi niya na nasilayan pa ang batang lalake kanina lamang. Matagal siyang nagtago habang nagkakagulo ang mga kasamahan at inabangan niya ang pagkakataong makatakas. Subalit bigla na lamang yumanig ang lupa at nag-umpisang nagsipaghulog ang mga bato mula sa itaas. Nakaramdam ng matinding panganib si Allen sapagkat nalalaman niyang maaaring gumuho ang kuweba anumang oras!

Dahil sa mga pagyanig at pagpailanlang ng mga pagsabog na hindi malaman ang pinagmulan ay nagsipagtakbuhan ang mga tauhan palabas upang iligtas ang sariling mga buhay. Gumapang siya sa lupa at naghanap ng madadaanan hanggang matunton niya ang maliit na lagusan palabas. Kahit hirap na hirap ay pinilit niyang tumayo upang iligtas ang sarili kung hindi ay matatabunan siya ng buhay!

"Huh! Diyos ko, tulungan mo akong makalabas ng ligtas!"

Walang tanging paraan kundi ang manalangin sa mga oras na iyon. Sa kabutihang palad ay natanaw niya ang liwanag sa dulo ng daan.

"Lagusan!"

Nagmadali siyang naglakad subalit bigla siyang bumalandra sa pader na bato nang magsipagtakbuhan sa kanyang dinaraanan ang mga kasamahan, ang iba ay nakita niyang nakahandusay sa lupa hindi kalayuan at tila wala ng mga buhay. Dahil sa mahina ang kanyang katawan ay hindi niya nagawang makipag-unahan pa kundi ang manatili na lamang sa gilid ng pader na mga bato. Ang iba ay naitutulak pa siya, ang iba naman ay natatabig siya.

Sobrang nakakainis! Kailangan niyang makalabas!

Pinilit ni Allen makipagsiksikan kaya naman laking pasasalamat niya ng may brasong pumulupot sa kanyang balikat. Ang hindi niya inaasahan ay ang taong may-ari ng brasong iyon.

"Kaibigang Larry?!"

"Humawak kang mabuti sa akin," iyon ang tugon ng kaibigan niya.

'Sa ganitong pagkakataon ay hindi niya pa rin ako pinabayaan,' naisip ni Allen.

"Ang iba nating kaibigan?" mahina niyang tanong. Ang tinig niya'y namamalat na dahil sa mga natamong pasa sa katawan.

"Hindi ko na sila natagpuan matapos magkagulo, marahil ay nagsipagtakbuhan na rin palabas at nakasabay sa iilang nakatakas. Maaari ring..."

Hindi na naituloy ni Larry ang kanyang sagot at alam ni Allen kung ano ang ibig ipahiwatig nito. Maaaring naroroon sila sa mga taong nakahandusay sa lupa, maaaring may buhay o walang buhay.

Nanlumo si Allen. "Tulungan natin sila," wika niya.

"Huwag kang hangal! Ni hindi mo na nga kaya ang iyong sarili!" bulyaw ni Larry na nagmamadaling isinasama siya palabas ng lagusan habang wala naman tigil ang mga pagbagsak ng mga bato at lupa buhat sa bubong ng kweba kasabay ang miminsang pagyanig. Nakipagsisikan sila sa mga nagmamadali ring kasamahan.

"Ahhhh!" Napahiyaw si Allen ng tumalsik sila palabas ng yungib dahil sa nangyaring pagsabog mula sa kanilang likuran. Tuluyan na ngang gumuho ang daraanan palabas at masuwerting umabot sila sa dulo bago tuluyang mabura ang lagusan.

Humandusay siya sa madamong lupa ng kagubatan at halos mawalan siya ng ulirat. Sa hindi kalayuan naman ay doon tumalsik si Larry.

"Kaibigang Larry! Larry! Ayos ka lamang ba?!"

Lumingon si Larry at sumenyas na maayos siya. Dahil sa pagsabog ay pareho silang sugatan. Wala na ring ibang taong naroroon maliban sa kanila. Marami pa ang nakulong sa loob at dalangin niya na lamang na may dumating na tulong at mailigtas pa ang iba.

Sa kakaisip ay hindi niya namalayan ang paglapit sa kanya ni Larry.

"Kaya mo pa ba? Magtulungan tayong makalabas dito sa kagubatan bago pa tayo abutin ng gabi," wika ni Larry.

Nagulat si Allen matapos mapagtantong nasa tabi niya na ang kaibigan. "Subalit hindi ko na kayang tumayo kaibigan. Sugatan ang aking binti at wala na akong lakas."

Akmang yayapusin ni Larry si Allen nang hindi sinasadyang may makapa siyang matigas na bagay na nakapaloob sa pantalon at may bagay na nahulog mula doon.

"Ano ito?" nang-aakusa ang tinig ni Larry.

Makapagsisinungaling ba siya? Walang nagawang sinabi ni Allen ang totoo, " Ginto."

"Nais mo talaga kaming gulangan hindi ba?! Talagang nais mong mapasaiyo lamang ang mga ginto!" akusa ni Larry.

Nalito si Allen. "Ano ba ang iyong sinasabi kaibigan? Kaninang may biglang sumabog ay tumalsik sa akin ang maraming piraso ng ginto kaya naman pinulot ko iyon para sa atin..."

"Sinungaling ka!!" sigaw na pagpuputol ni Larry sa sinasabi ni Allen. 

Bigla na lamang hinaklit ng hangal na kaibigan ni Allen ang suot niyang pantalon. At dahil sa napunit na iyon dahil sa nauna pang pakikipagtalo ay mabilis na nasira ang kanyang kasuotan at nahulog ang telang pinaglagyan niya ng ginto. May butas na rin iyon kaya nangagsihulog ang ilan pang piraso. Lahat iyon ay inimis ni Larry at ibinalot sa sarili niyang kamiseta. Nang hindi pa makuntento ay sinipa siya nito at binugbog.

"Ganito ang nararapat sa mga taong mapagsamantala!" wika ni Larry bago tuluyang iwan siya dala-dala ang mga ginto.

"Mangmang!" iyon na lamang ang tanging naibulong ni Allen habang unti-unting nagdidilim ang kanyang paningin. Subalit naramdaman niya ang mga brasong pumulupot sa kanyang katawan at pag-angat niya mula sa lupa bago siya tuluyang nawalan ng malay at napunta sa walang hanggang karimlan.

"Ginoo, kumusta na ang iyong pakiramdam?"

Nagising si Allen sa hindi pamilyar na lugar. Napakagara at kulay ginto ang bawat madaanan ng kanyang paningin. Napakaganda!

Nang marinig ang tinig ng nagsalita ay napalingon siya at nasilayan ni Allen ang batang may pilak na buhok at may maamong mukha. Papalapit ang bata sa kanya buhat doon sa gintong upuan sa loob ng silid. Walang maapuhap na salita si Allen dahil sa kanyang nakikita. Napakakisig ng batang lalake at tila ito nililok ng isang kilalang skulptor, mayroon siyang perpektong kakisigan. Bigla na lamang tumambol ng napakabilis ang kanyang puso, animo'y mayroong mga dagang nagkakarerahan sa kanyang dibdib at hindi niya maunawaan ang nararamdaman ni ang pagkakatitig sa bata ay hindi niya magawang alisin. Ilan pang sandali ay sumagi sa isip niya ang mga nangyari bago siya nawalan ng malay at natatandaan niyang iyon ang batang nakita niya sa kuweba na may hawak na bolang apoy!

"Ginoo, masama pa rin ba ang iyong katawan? Nakakapagtaka iyon, ginawa ko naman ang lahat upang iligtas ka," muling wika ng bata na siyang humila sa kamalayan ni Allen pabalik sa kasalukuyan.

Doon niya nakuhang sumagot, "Maayos! Maayos ang aking pakiramdam. Nasaan ako at sino ka?" magalang siyang nagtanong. Nakapagtataka, wala siyang madamang sakit saan mang bahagi ng kanyang katawan.

"Ang pangalan ko ay Ezekiel. Narito ka sa aming kaharian. Subalit itinago lamang kita sapagkat magagalit si Haring Ama kapag nakita niyang nagdala ako ng tao dito sa palasyo," nahihiyang tugon ng batang hindi niya sukat akalain ay isang prinsipe!

"Kaharian? Palasyo? Kung ganoon ay ano ang lugar na ito? Ang pangalan mo ay napakaganda."

"Naririto ka sa kaharian ng mga engkanto."

Ang Pag-ibig Ni Lester (R18)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon