11

1 1 0
                                    


TIKOM ANG BIBIG ni Alya habang pinagmamasdan ang fiance niyang kakamot-kamot ng batok. Namumula ang magkabila nitong tainga dahil sa nararamdaman umano nitong hiya pagkatapos nitong mag-propose sa kaniya at mahimatay sa harapan nilang lahat. Hindi niya tuloy mapigilan ang kaniyang kamay na pisilin ang pisngi nito dahil sa sobrang ka-cute-an. Magkatabi silang dalawa sa sofa habang katapat naman nila ang mga taong nagkaroon ng malaking parte sa kanilang buhay. Kung kay Asher pa, sa ikalawa nitong buhay. Dahil nga dating kaluluwa ang binata, malamang ay nauna itong isilang sa kaniya sa kung anong panahon man iyon.

Sigurado si Alya na may nagawa itong kabutihan o naging mabuting nilalang, kaya ito nakaakyat sa langit kapiling ng may lalang sa lahat.

"P-Pasensya na kayo. Ngayon ko lang kasi iyon naranasan. Talagang, hindi lang ako makapaniwala."

"Bakit? Akala mo ba ay ire-reject kita? Ang suwerte ko kaya sa 'yo!" angal ni Alya nang marinig ang eksplanasyon ng kasintahan.

Pabiro niyang tinapik-tapik ang balikat nito para sana pakalmahin. Masama ang tinging iginawad sa kaniya ni Asher. Ganoon lagi ang nagiging reaksyon nito sa tuwing inaasar o pinupuri niya.

"Ano ka ba, Asher! Normal lang naman siguro 'yon. Mayroon ngang iba, pagkatapos mahimatay, hindi na nagigising. So, it's okay--"

"Hoy, Felicia! Ano ba 'yang sinasabi mo?" putol ng kaibigan niyang si Erin na matalim ang tingin kay Felicia. "Loka-loka ka talaga, wala ka man lang pasintabi. Fiance 'yan ni Alya, ha. Paalala ko lang."

Napairap naman ang kaibigan nila. "Bakit? Sinabi ko bang siya 'yong nahimatay na kalaunan, hindi rin nagising--"

"Felicia. . ." Nakisali na rin si Florence na seryoso ang tingin dito. "Please, respect."

Natikom na lang ang bibig ng babae at masuyo siyang tiningnan. "Sorry for that, Alya." Bago ito tumayo at huminga nang malalim. "Magpapahangin lang ako."

Nagtataka nilang sinundan ng tingin si Felicia. Nagkatinginan silang magkakaibigan at sabay na nagkibit-balikat. Naramdaman naman niyang may humawak sa kanang kamay niya at nakita si Asher na tipid lang na ngumiti. Mayamaya pa ay tinawag siya ni Señorita Leticia. Ang mag-asawang Benavides na kanina pa nakamasid sa mga nangyayari ay magkatabi nakaupo sa two-seater na sofa. Hindi tulad ng mga kasuotan nito sa makalumang panahon, parehas ang mga damit nito ngayon na moderno. Walang halong bakas mula sa nakaraan. Maliban na lang sa paraan ng pananalita ng mga ito.

"Alya, hija, maaari ka ba naming makausap?"

Binalingan niya ng tingin si Asher at sinagot naman siya ng isang beses na tango. Kaya naman tumayo na siya kasunod ng mga-asawang Benavides. Saka niya ang mga ito dinala sa hardin ng bahay.

--*--

KANINA PA hindi mapakali si Asher. May kutob kasi siyang pinaghihinalaan na siya ng kaibigan ng kaniyang kasintahan. Silang tatlo na lang ang naiwan nina Erin at Florence sa sala. Nang tingnan niya ang dalawang babae ay may bakas ng pagtataka sa kanilang mukha. Kumunot ang noo niya.

"B-Bakit?" takang tanong niya.

Napahalukiphip si Florence. "Kilala namin si Felicia. Hindi 'yon basta-bastang umaasta nang gano'n kung walang dahilan."

"What do you mean?" Pinagsiklop niya ang magkabilang palad.

"Asher, ayaw naming magkasiraang magkakaibigan. Hindi ka namin hinuhusgahan. Ang pakiusap ko lang, huwag kang gagawa ng mali. Mahalin mo lang si Alya, pasado ka na sa amin." Tumayo na ito at inaya si Erin na lalabas muna. Naiwan siyang mag-isa sa loob ng bahay at inis na sinabunutan ang sarili.

Psalms 46:5Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon