8

1 1 0
                                    

"ANGHEL?" iyon ang unang tanong ng mga kaibigan ni Alya sa kaniya nang magbukas siya ng kaniyang problema.

Napahinga siya nang malalim. Ano pa nga ba ang inaasahan niyang reaksyon mula sa mga ito? Iisipin talaga nilang nababaliw na nga siya.

"Sige lang, Alya. Magkuwento ka lang," nakangiting ani Felicia at hinaplos pa ang likuran niya. "Makikinig lang kami."

Napaamang siya sa sinabi nito. Binalingan niya pa ng tingin ang dalawa sa kaniyang mga kaibigan at parehas lang ang mga itong tumango sa kaniya.

"Nagulat lang kami dahil hindi naman pangkaraniwang problema ang naikuwento mo. Pero kahit ano'ng mangyari, makikinig kami, okay?" ani Erin at masuyong ngumiti sa kaniya.

Hindi niya akalaing may makikinig sa mga hinaing niya. Noong una kasi siyang magbukas ng problema ay lumikha pa ng isang problema. Paano kasi, sinabi ng kaibigan niya noon na hindi ito interesadong makinig sa kaniya. Unang tungtong niya sa high school noon. Pero nabigo agad siyang magkaroon ng tunay at mapagkakatiwalaang kaibigan.

"Ah, Harlyn. May ikukuwento kasi ako. Family problem. Wala kasi akong--"

"Hay naku, Alya Zion! Isantabi mo muna iyan. Nai-stress na nga ako sa crush ko. Hindi niya 'ko pinansin noong nakaraan," naiiyak pang saad ng dating kaibigan. Maganda ito. Makinis ang kutis at nahaluan ng lahing banyaga. Kaya hindi naging imposible na naging muse ito ng section nila.

"Ano kasi, ah, kung ayos lang sa 'yo--"

"Alya, nakakaistorbo ka, ha. May ilalala pa ba sa problema ko sa crush ko? Ha?" Inirapan siya nito sabay hawi nang maarte sa itim at bagsak na buhok.

Doon na nagsimulang magtago siya ng kaniyang problema sa iba. Pinagdadaanan na niya kasi ang nangyari sa kaniyang ama. Nalubog na sila sa utang. Naapektuhan na ang kaniyang pag-iisip dahil sa sunud-sunod na mga problema sa kaniyang pamilya. At sa totoo lang ay wala siyang mapagsabihan ng kaniyang mga hinaing nang panahong iyon.

Mabuti na lang ay kasama niya ang Diyos. Kahit papaano ay may napagsasabihan siya ng kaniyang mga hinaing sa buhay. Kung sa nanay o kuya niya kasi bubuksan ang mga iyon ay baka makadagdag pa siya sa alalahanin ng mga ito. Kaya naman natuto na lang siyang itikom ang bibig.

Nawaksi ang alaalang iyon at nagpatuloy lang sa pagkuwento si Alya. Mula umpisa ng kaniyang problema ay nasabi na rin niya. Nakinig lang ang mga kaibigan. Mabuti at mahina lang ang pagkakasabi niya. Sapat na para hindi marinig ng mga ibang customers sa cafe na iyon.

"Alya, I'm so proud of you," biglang komento ni Felicia matapos niyang buksan ang kaniyang sarili sa mga ito. "Who would have thought na palangiti ka nga pero limitado ka naman sa pakikipag-usap sa kahit sino. You're secretive. And I'm thankful that I have been given a chance to be friends with you."

"Felis is right," naluluhang ani Erin. "Nakaka-proud ka, girl."

"Payakap nga 'ko!" hirit naman ni Florence at lumapit na sa kaniya.

"Uy, wait. Bakit ikaw lang ang yayakap kay Zion? Kami rin!"

Natatawa siya sa mga sinabi ng kaibigan. Sa pagkakataong iyon ay muling nakaramdam si Alya ng haplos sa kaniyang puso. Kahit papaano rin ay nakalimutan niya ang lungkot dahil sa pag-alis ni Asher. She felt peaceful.

Hinatid siya ng mga ito pauwi sa village kung saan siya nakatira. Kahit na pare-parehas silang dala ang sariling mga sasakyan ay nagpumilit pa rin ang mga itong sumama at malaman kung saan siya nakatira. Noong una ay nag-aalangan pa siyang malaman ng mga kaibigan ang address niya. Dahil kung na-track ng mga suspect ang number niya noong isang gabi, hindi malabong malaman din ng mga ito kung saan siya nakatira. At baka makahanap ang mga suspect ng bagong mabibiktima. Iyon ang ayaw niyang mangyari.

Psalms 46:5Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon