Alamat ng Puyo

2 0 0
                                    


Sa hindi kalayuang baryo ng Iloilo ay may pamilyang naninirahan sa gitna ng bukid. Napupuno ng mga kulay berdeng puno at naggagandahang bulaklak ang paligid nito. Napapalibutan din ito ng mga bahay na gawa sa kahoy. Hirap ang buong baryo sa kanilang pananim dahil sa tag-tuyot na panahon.


Ang mga tao sa baryo ay maagang nagigising para sa mga kaniya-kaniya nilang gawain. Isa si Renz sa maagang nagigising para tulungan ang pamilya sa pag-iigib ng tubig na kanilang gagamitin. Kasalukuyan siyang nasa bombahan para kumuha ng tubig nang tawagin siya ng kaniyang nanay.


"Puyo! Mamaya mo na tapusin 'yan. Kumain ka muna," saad ng Nanay niya. Puyo ang palayaw ni Renz sa bahay nila dahil sa rin sa tatlong puyo niya sa ulo simula nang ipinanganak siya. Isa rin ito sa dahilan kung bakit maganda at makapal ang kaniyang buhok.


"Susunod na po, Nay," pasigaw naman na sabi niya sapat para marinig ng kaniyang Nanay.


Matapos punuin ang isang timba ay hindi muna niya ito binuhat. Dali-dali siyang pumasok sa bahay nila kung saan kumakain na ang mga kapatid niya. Nang silipin niya ang natirang kanin ay dukot na naman ang kaniyang naabutan.


"Nay, dukot na naman po ang akin?" tila nagrereklamong sabi ni Renz habang nakakunot pa ang noo.


"Oh, ano naman? Kanin pa rin naman iyan," kalmadong sabi ng Nanay niya.


"Ang tigas-tigas kasi, Nay. Masakit sa ipin," nakasimangot pa ring sabi ni Renz.


"Aba. Pasalamat ka nga at may nakakain pa tayo. Ang hirap na nga mag-ani sa panahon ngayon. Akala mo ba napakadali magtanim ng palay," hindi na mapigilan ng Nanay ni Renz na pagalitan siya dahil sa inaasta nito sa harap ng hapag.


"Tapusin ko na lang po ang pag-iigib. Hindi pa naman ako masyadong gutom," sagot na lang ni Renz at mabilis na umalis.


Binalikan niya ang timba na may lamang tubig sa bombahan at dinala iyon sa likod-bahay.


Habang naglalakad ay hindi namalayan ni Renz na madulas ang daan dahil sa sobrang inis niya sa mga kapatid at Nanay niya. Nadulas siya dahilan para matapon ang mga tubig na inigib niya at mapahiga siya. Tumama ang ulo niya sa sahig kaya nawalan siya ng malay. Kasabay no'n ay ang liwanag na tumutok kay Renz. Para siyang hinihila nito papalapit.


Magmula nang araw na iyon ay hindi na nakita si Renz. Kung saan-saan naghanap ang mga magulang niya ngunit hindi nila ito nakita hanggang sa lumipas ang taon at sila na mismo ang sumuko.


Ilang araw matapos ang pagkawala ni Renz ay bigla na lang naging malambot ang lupa sa palayan at nagkaroon ito ng tubig. Dahilan para mas yumabong ang tanim sa baryo. Kasabay no'n ay ang paglabas ng mga maliliit na isda.


Namangha ang lahat ng tao sa nakita dahil simula nang lumabas ang maliliit na isda ay hindi na sila nahihirapan sa pag-ani ng mga palay. Hindi na rin ganoon kadalas ang mga peste. Kaya pinangalan nila itong 'Puyo' tulad ng palayaw ni Renz na bigla na lang nawala matapos magreklamo sa dukot na kanin.

Pile of WordsWhere stories live. Discover now