"Sige, maiwan ko na kayo at ihahanda ko pa iyong buro. Ilang araw ng may naghahanap sa akin. Magluluto na rin ako ng tanghalian natin."

"Ano ang ulam, 'Nay?" tanong ni Suzy.

"Ginisang upo at tortang dulong."

"Wow, sarap. Mapaparami na naman ang kain ko nito. Damihan niyo ang sinaing, ha?"

Natawa si Lola Miling. "Oo na. Alam na alam ko 'yan. Apat na takal isasaing ko. Tatlo sa'yo at tigkalahating takal lang kami ni Mari."

"Grabe naman kayo. Pero bet ko 'yan."

Tumatawang tumalikod na si Lola Miling para magtungo sa maliit na kusina.

"Magsimula na tayo," ani Suzy.

Pinilit ni Meredith na hindi magpakita ng anumang negative reaction. Napansin niyang mientras siyang nagiging aggressive rito ay mas lalo itong nagiging maldita. Puwedeng-puwede niya naman sana itong tapatan. Kahit higitan pa nga. Pero hindi iyon ang natutunan niya sa kursong kinukuha niya for her pre-law. She must remain calm and keep her mouth shut. 

Nang may bumiling isang ale ay nagsunud-sunod na ang mga bumibili. Maliit lamang ang tindahan ni Lola Miling pero halos kumpleto. May maliit din itong talipapa para sa fresh goods tulad ng kaunting karne, gulay, at isda. Kung wala si Suzy ay siguradong natataranta na si Meredith, kaya lihim mang naiinis sa babae ay thankful na rin siya.

"Ito, ang presyo nito ay tres pesos. Tapos ito, ito..." Suzy goes on and on.

Tango lang nang tango si Meredith.

"Natatandaan mo ba lahat ng sinabi ko?" tanong ni Suzy.

Isang matamis na ngiti ang gumuhit sa mga labi ni Meredith.

"Oo naman. Magaling kang magturo."

Matiim itong tumitig sa kanya na parang diskumpiyado. Marahil ay sa tono ng pananalita niya o sa sobrang tamis ng ngiti niya na puwede ng magbigay rito ng diabetes.

"Pabili."

Parang na-eject sa kinauupuan si Suzy at kaagad na lumapit sa tabi ng estante.

"'Yong dati ba?" ang lapad ng pagkakangiti ni Susy sa bumibili.

Sa boses pa lamang ay kaagad ng nahulaan ni Meredith kung sino ang nakatayo sa harapan ng tindahan. Si YM. Hindi na siya nag-abalang mag-angat ng tingin bagaman ang puso niya ay parang nakikipagkarera sa bilis ang tibok. 

"Uy, Ms. Maganda. Kumusta ka na?"

Napaangat ang tingin ni Meredith nang marinig ang isa pang pamilyar na boses. Napangiti siya nang makita si Rocky. Pero ang ngiti niya ay agad din na na-freeze nang magtama ang tingin nila ni YM.

"Salamat nga pala kanina," sabi ng binatang singkit. Na agad na namang nagpabilis sa pintig ng puso niya.

"I, um..." tumango na lang siya para hindi na humaba pa ang usapan.

"Ano ang pinag-uusapan niyo?" ani Suzy. 

Wala itong ideya sa mga nangyari dahil nang malaman nito na may kaaway si YM ay tapos na ang labanan. Bagaman hindi lang isang beses nitong nasaksihang makipaglaban si YM sa kung sinu-sinong dayo sa lugar na iyon. Hindi naman dahil sa palaaway ang binata o nagsisiga-sigaan na parang sanggano. Kundi may mga pagkakataon lang talaga na nakukursunada rin ito. At dahil mahusay makipaglaban, hindi ito basta-bastang nakakanti kahit pa wala sa tabi nito si Rocky. Si Rocky na bukod sa tawag ditong Bato ay tinatawag din ng mga bata na Predator. Naka-dreadlocks kasi ang buhok nito na katulad sa karakter na iyon.

Marami ang ilag dito. Bukod sa hindi kaguwapuhan ay matangkad at malaki pa ang pangangatawan. Kahit si Suzy ay nangingilag dito at hindi ito gusto. Na tila kabaliktaran naman ni Meredith at nagawa pang ngitian ang lalaki na parang malapit ang mga ito sa isa't isa.

The Untouchables Series Book 2 Vengeance LiuTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon