Pagbaba sa Grab ay tumuloy ako sa compound. Nakabukas ang gate kaya malaya akong nakapasok agad sa loob. Bukod sa van ay may SUV na rin na nakaparada sa garahe. Ang bahay nina Arkanghel na nasa bandang unahan ay bago ang pintura at renovated na.

Dumiretso ako sa bandang likuran kung saan ang dating two-storey house ay may pangatlong palapag na. Hindi natutok nang matagal sa bahay ang aking paningin.

Mas natuon ang aking atensyon sa matangkad at guwapong lalaki na naka-boxers lang habang nagsasampay ng mga nilabhan. Sa tapat niya ay matatagpuan ang isang malaking planggana.

May mainit na pakiramdam na lumukob sa aking dibdib habang nakamasid sa kanya. Mababakas pa rin sa guwapong mukha ng lalaki ang pagiging boyish pero mas lamang na roon ngayon ang kaseryosohan sa buhay.

Nagbaka-sakali lang talaga ako na madadatnan siya ngayon dito kaya nakakatuwa na nandito nga siya ngayon. 

Marahang humakbang ako palapit. Hindi niya ako napapansin dahil masyado siyang abala sa ginagawa. Kumakanta rin siya at paminsan-minsa'y sumisipol.

"Nitong umaga lang, pagkalambing-lambing ng iyong mga matang hayop kung tumingin."

Napangiti ako sa lamig at lalim ng boses niya.

"Nitong umaga lang, pagkagaling-galing ng iyong sumpang walang aawat sa atin."

Ang kinakanta niya ay ang isa sa mga trip naming kantahin pag tumatambay kami o nagjajamming noon. 90's na kanta ng isa paborito naming banda na Rivermaya.

Dumampot ulit ang lalaki ng damit at isinampay sa alambreng sampayan habang patuloy pa rin sa pagkanta. Kuhang-kuha niya ang tyempo sa lahat.

"O, kay bilis naman maglaho ng pag-ibig mo, sinta! Daig mo pa'ng isang kisapmataaa...ahhh..."

Hindi pa rin nagbabago ang boses at galing niya. Nandoon pa rin ang kilabot.

Ang pangalawang stanza ng kanta ay inangkin ko. "Kanina'y nariyan lang, o ba't bigla namang nawala? Daig mo pa'ng isang kisapmata..."

Awtomatiko siyang nahinto sa pagsasampay at napalingon sa akin. "Tangina..."

Kumaway ako sa kanya. "Kumusta na ang hari ng sablay?"

Ang tagal na nakatulala lang sa akin si Isaiah bago siya naka-recover. May hinila siyang tuwalya mula sa kung saan saka isinaklob sa sarili niya. Itaas na bahagi ng katawan lang naman niya ang natakpan, hindi naisama iyong bukol niya sa ibaba.

"'Lika rito. Yakapin mo ako habang di pa ako naliligo."

"Eww."

Naagaw ang atensyon namin nang biglang bumukas ang screen door ng bahay nila. Sumilip doon ang isang maliit na batang lalaki. Bungi-bungi ang maliliit nitong mga ngipin.

Napabalik ang tingin ko kay Isaiah. "Luh, may tyanak sa bahay niyo."

"'Tado, anak ko iyon."

Sinipat ko muli ang bata. Five years old ito sa pagkakaalam ko. Matanda ng ilang buwan ang kapatid kong si Levi.

Kinampay ni Isaiah ang kanyang kaliwang kamay para tawagin ang bata. "Kulitis, labas. Nandito ninang mo. Singilin mo, malaki-laki na utang nito sa 'yo."

Lumabas naman ang batang lalaking bungi. Gwapo naman kaso isang tingin pa lang, alam mo na agad na mana sa tatay. Pasaway.

"Ninang ku 'yan pow?"

Kumaway ako sa bata. "Hi, baby! Gusto mo ba akong maging mommy?"

Agad itong umiling dahilan para tumalbog ang matambok na pisngi. "Ayaw."

South Boys #2: HeartbreakerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon