Chapter 26

134K 8.5K 4.1K
                                    

WAG MONG PIGILAN.


Bakit hindi iyon maalis sa isip ko? Bakit pabalik-balik iyong salita? Natutuliro tuloy ako at hindi makapag-concentrate sa ginagawa.

"Hoy, ayos ka lang?" Ipinitik ni Isaiah ang mahahabang daliri niya sa harapan ng aking mukha.

Napakurap naman ako. "Ha?"

"Ineng, ang lalim ng iniisip mo, di ko masisid."

Narito pala ako ngayon sa bahay nila Isaiah. Nakasalampak kami sa tiles na sahig ng sala nila. Pagkatapos ng klase ay dito kami dumiretso dahil may reporting kami bukas.

Dahil siya ang katabi ko sa upuan ay kami ang magka-partner sa report. Si Isaiah ang nag-isip ng ire-report 'tapos ako ang tagasulat sa manila paper. Nabitiwan ko na pala ang pentel pen nang hindi ko namamalayan.

"Sorry, sorry," hingi ko ng pasensiya. "Pakiulit na lang iyong sinasabi mo." Dinampot ko ulit ang pentel.

Inulit naman ni Isaiah na sabihin ang mga isusulat ko.

Nangangalahati pa lang ay tumigil na naman ako sa pagsusulat. Natuliro na naman ako. Hindi ko talaga mapigilang mag-isip ng kung anu-ano. Ito yata ang sakit ng mga teenager, confusion about life.

Nang mag-angat ako ng mukha ay nasalo ko ang pagtatanong sa magandang uri ng kulay itim na itim na mga mata ni Isaiah.

Lalo akong natuliro habang nakatingin sa kanya. Ano bang nangyari? Natatandaan ko na siya ang matagal ko ng gusto. Crush ko na si Isaiah Grade 8 pa lang ako. Nang mag-Grade 9 at maging tropa ko siya, mas natiyak ko na siya talaga ang gusto kong maging serious boyfriend. Magka-ugali kami at magka-vibes sa lahat.

'Tapos nakilala ko si Jordan...

Iba si Jordan. Masyadong mataas at mahirap abutin. Opposite ko siya, at totoo nga yata na opposite attracts dahil nakuha niya ang atensyon ko. Nakakagulat lang talaga dahil kahit napaka-imposible niyang maabot, nagpaabot siya sa akin.

Ang sabi ko noon, trip-trip lang. Wala akong balak seryosohin. Kung magiging kami, parang magiging trophy ko lang siya. Hindi ko naman inaasahan na mag-iiba ang aking pananaw habang lumalalim ang pagkakakilala ko sa kanya.

"Car, ayos ka lang ba talaga? Parang kanina ka pa naba-blangko."

"Uhm, wala." Ngumiti ako. "Iniisip ko lang kung ano ulam sa bahay namin." Itinuloy kong tapusin ang ginagawa namin.

Nang makatapos kami ay nag-unat ako ng mga braso at naupo sa sofa nila. Si Isaiah naman ang nagligpit ng mga kalat namin.

Pagkaligpit niya ay tumabi siya sa akin sa sofa. "'Maya ka na uwi. Taas muna tayo sa kwarto ko."

Nilingon ko siya at pinaningkitan ng mga mata. "At anong gagawin natin sa kwarto mo?"

Napakamot naman siya ng ulo. "Ano, tambay lang. Nandoon gitara ko, jamming tayo, ganoon."

Inirapan ko siya. "Ayoko wala kong tiwala sa 'yo."

Gusto ko pa sanang ingudngod si Isaiah sa sofa kaya lang bumaba na ang mama niya mula sa second floor ng bahay nila.

"Isaiah, nagsaing ka na?"

"Opo, 'Ma," magalang na sagot naman ni Isaiah habang sinusuklay ng mga daliri ang buhok niyang nagulo dahil sa akin.

Napatingin sa akin ang mama niya, si Mrs. Anya Del Valle. Maputing babae ang ginang, matangkad, maganda pero mataray ang aura. Tinaasan niya ako ng kilay.

South Boys #2: HeartbreakerWhere stories live. Discover now