Nang malapit na sa tapat ng subdivision nina Jordan sa Pasong Camachile Uno ang jeep ay pumara na ako. Sumigaw na rin ang driver ng Pascam na.


Pagkababa ko ay lumakad na ako papasok sa subdivision. Napapaisip pa rin ako kung bakit hindi si Jordan ang pumunta sa amin. Pero nagtuloy-tuloy na ako. Mas nangingibabaw kasi sa akin ngayon ang pagka-miss sa kanya.


Sa tapat ng bungalow house kung saan nakatira ang mga Herrera ay makikitang walang nakaparadang kotse. Totoo nga na wala ang pamilya ni Jordan. Nakahinga ako nang maluwag kahit paano dahil hindi ko rin sila keri na makaharap.


Lalo na si Jillian. Di ko nakakalimutan ang pag-irap niya sa akin. Saka di ko pa rin naibabalik si Pikachu niya.


Sumilip ako sa gate ng bungalow house. Patay ang ilaw sa sala. Iyong bintana naman sa kwarto ni Jordan ay madilim din. May tao ba talaga rito sa kanila?


"Jordan?" Kinalampag ko ang gate nila.


Walang sumasagot kaya nilakasan ko nang kaunti ang boses ko.


"Jordan? Yuhoo?!"


Wala pa rin. Ang tahimik pa rin sa loob nila. Sinubukan ko siyang tawagan kaya lang hindi niya sinasagot. Wala rin akong marinig na ring mula sa bahay nila.


Ano ba? Pinagt-tripan ba ako ni Jordan? Nakauwi na ba talaga siya sa Pilipinas?


Tumingkayad ako at sinungkit ko na ang lock ng gate. Nakapa ko na walang kandado kaya nabuksan ko ito agad. Pagkatulak ko sa bakal na gate ay nagtalo pa ang isip ko kung ano ang susunod na gagawin. Urong-sulong ako kung tutuloy ba o ano.


Naisipan ko na umalis na lang kaya lang nakarinig ako ng kaluskos mula sa loob. Napapasok agad ako sa gate at dumeretso sa main door. "Jordan, nandiyan ka ba?"


Matagal bago ako nakarinig ng sagot mula sa loob. "Come in," mahina at maligasgas ang boses na nagpabilis ng tibok ng puso ko. Ngayon ko na lang ulit narinig na hindi sa phone ang boses na iyon pero kilalang-kilala ko pa rin.


Pinihit ko ang doorknob. Katulad ng sa gate nila ay hindi rin ito naka-lock. Pagtulak ko ng pinto ay sumalubong sa akin ang madilim na sala. Walang nakabukas na ilaw hanggang sa kusina. 


Sumilip ako muna ako ng ilang ulit bago tuluyang pumasok. Bukas ang pinto ng kwarto ni Jordan. Doon nanggagaling ang malamlam na liwanag na tiyak kong dahil sa nakabukas na lampshade sa loob.


"Jordan?" tawag ko. "Dito na me."


Maliban sa kapirasong liwanag na mula sa lampshade na nasa kwarto ni Jordan ay wala na talagang kahit anong ilaw ang nakabukas sa kabahayan. Muntik pa tuloy akong mabangga sa centertable sa sala nila nang maglakad ako.


"Nandito ako sa kwarto."


Napanguso ako. "Di ba pwedeng lumabas ka na lang? Dito na lang tayo sa sala niyo magkumustahan?"

South Boys #2: HeartbreakerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon