Chapter Thirty-One

111K 5K 1.3K
                                    

Marahan kong idinilat ang mga mata ko. Napadaing ako saka tumingin sa paligid, ang sakit sa mata ng liwanag... Mukhang nasa ospital na naman ako.

“Buti naman gising ka na.” Narinig ko ang boses ni Gina.

Napatingin ako sa kanila. Nandito sina Gina. Bakas sa mukha nila ang pag-aalala para sa 'kin. Napabuntonghininga na lang ako dahil pinag-alala ko na naman sila.

Muli akong napadaing at napahawak sa sentido ko. Sinubukan kong bumangon. Agad naman akong pinigilan ni Gina. May kinuha siyang maliit na remote sa tabi n'ya saka may pinindot doon. Natigilan ako nang kusang umangat ang itaas na parte ng kamang hinihigaan ko. Tipid na napangiti na lang ako saka nagpasalamat kay Gina.

“Ano ka ba naman, Nathalie? Bakit ka naman kasi nagpapalipas ng gutom? Na-ospital ka naman tuloy,” tila nag-aalalang sabi ni Ken.

Iyon pala ang dahilan. Ilang araw na nga akong walang gana kumain. Kaya pala nahihilo ako at nanghihina.

“Dumaan dito si Thalia kanina at nagdala ng mga prutas. May kailangan daw siya asikasuhin kaya umalis siya agad. Pero babalik daw siya mamaya,” saad ni Gina.

“Ite-text ko na lang siya na h'wag na magpunta. Aalis na rin naman ako rito agad. Mukhang VIP room pa ang silid na 'to. Bakit naman sa mamahaling ospital pa ako dinala? Nahimatay lang naman ako,” napapailing na sabi ko na lang saka napakamot sa kilay ko.

Napatikhim sina Gina saka napakamot sa batok nila. Tila ba nahihiya silang sabihin ang kung ano man ang kailangan nila sabihin.

“Ano... 'Yung Mama mo naman ang nagbayad dito,” sabi ni Chinu.

Natigilan ako saka napakunot ang noo. Muntik ko ng malimutan ang tungkol sa kanya... Ang tungkol sa nanay ko.

Napabuntonghininga ako at muling pumikit. Ang daming tanong sa isip ko. Sobrang sama ng loob ko. Paulit-ulit ko lang sinasabi sa isip ko na wala na akong pakialam sa katotohanang inabandona ako... pero nakakasama pa rin pala talaga ng loob.

“Naths, sasabihin ko na ba sa Mama mo na nagising ka na? Halos hindi siya umalis dito kagabi para bantayan ka kahit may dinaramdam din siya... Ayaw mo ba siyang kausapin?” tanong ni Gina.

“Sabi ng Mama mo mag-text kami sa kanya kapag nagising ka na at kapag gusto mo na siyang makausap. Nasa isang VIP room din siya at nagpapagamot. Ayaw n'yang mai-stress ka lang kapag nakita mo siya kaya bumukod siya ng silid,” sabi naman ni Kuyu.

Napabuga ako ng hangin at marahang idinilat ang mga mata ko. Mapait na napangiti na lang ako saka tumingin sa kanila. Base sa nakikita ko sa mga mata nila, gusto nila na kausapin ko ang ina ko.

Napabuntonghininga na lang ako at tumango. “Ituro n'yo na lang sa akin kung nasaan siya. Ako na ang pupunta sa kanya,” sabi ko na lang.

Halatang nagulat sila sa sinabi ko. Mukhang hindi nila inaasahan na papayag akong makipag-usap... Ayoko na kasi ng dagdag na bigat sa dibdib. Siguro nga dapat pakinggan ko muna siya bago ko alamin ang dapat kong gawin. Ako lang din naman ang mahihirapan at magdurusa kapag sinarado ko nang tuluyan ang sarili ko sa nanay ko.

Mapait na napangiti na lang ako... Ano ba ang itatawag ko sa kanya? Kahit pangalan n'ya nga ay hindi ko na maalala. Maski ang mga alaala namin hindi ko na maaalala. Ang mukha n'ya lang ang nanatiling pamilyar sa alaala ko.

“Nandyan siya sa loob kasama si Killian,” sabi ni Gina saka itinuro ang pinto.

Napalunok ako at napakapit nang mahigpit sa IV stand. Hindi ko pa raw kasi pwedeng alisin ito sabi ng doktor kaya tulak tulak ko sa paglalakad.

Napabuga ako ng hangin at pinakalma ang sarili ko. Naramdaman kong umalis na si Gina pero nakatitig pa rin ako sa pinto.

Nanginginig na inangat ko ang kamay ko saka kumatok. Saglit lang ang hinintay ko at agad din akong pinagbuksan ni Killian. Halatang natigilan siya nang makita ako. Agad n'yang hinawakan ang IV stand ko at inalalayan ako papasok sa silid.

Caught and Conquered (SERIE FEROCI 4)Where stories live. Discover now