Hindi ko alam kung paano ko siya aakitin pero alam kong obligado ako dahil tinulungan niya ako sa trabaho. 

"Sige na kumain muna kayo riyan at baka napagod kabubuhat itong boyfriend mo." pagtataboy sa amin ni Aling Kata na ngayon lang niya ginawa. Kapag kasi nagpapaalam ako sa kaniya, sisigawan pa ako niyan at sasabihing bumalik ako kaagad. 

"Hindi ko nga po boyfriend." paglilinaw ko. 

Para namang nagliwanag ang mukha niya. 

"Sigurado ka ba? Dahil kung hindi ay ipapakilala ko na lang iyan sa anak kong dalaga. Napapangitan ako sa boyfriend ng batang iyon. Kung kasing gwapo sana nitong kaibigan mo ay baka araw-araw ko pa siyang bigyan ng pang-date." humalakhak pa ito sa harap ko na parang bruha. 

Napangiwi ako at hindi nagustuhan ang ideya. 

"Taken na po iyan. Bawal na dumalawa." sarkastikong anas ko. 

"Asus eh halos lahat naman ng kalalakihan ngayon nagloloko na. Asawa ko nga sumakabilang bahay na eh. Hinayaan ko na lang at baka matigok kapag hindi nakasama kabit niya."

Aminado naman ako na maraming lalaki ang lumilihis ng landas ngayon. Pero ayokong sumang-ayon sa kaniya dahil mas marami pa rin namang lalaki ang nananatiling loyal sa mga babaeng mahal nila. 

Kagaya na lang ni Papa… 

Nagpaalam na ako dahil baka kung anu-ano pa ang sabihin niya. Dumiretso ako kay Jacques na nakaupo sa isang mono block chair na ibinigay ko kanina. 

"Gusto mo maglugaw tayo?" nahihiyang pang-aakit ko rito. Napabaling siya sa akin at kaagad na tumango. Nang makatayo siya ay doon lang ako tumalikod at naunang maglakad patungo sa may likod ng simbahan. 

May malapit sanang fast food dito kaso hindi iyon kaya ng budget ko. 

"Uh…kumakain ka ba ng lugaw? Baka kasi ayaw mo, p-wede naman tayo doon sa kung saan mo gusto." lumingon ako sa kaniya. Sa bilis ng mga hakbang niya ay naabutan niya ako sa paglalakad.

Kumunot naman ang noo nito na parang may mali sa sinabi ko.

"Kumakain ako noon."

"Ah…" tumawa ako upang mabawasan ang kaba sa dibdib ko. "Akala ko kasi hindi."

Naubusan na kaagad ako ng sasabihin kaya hindi na ako nagsalita. Ang kaninang mabibilis kong hakbang ay bahagya kong binagalan upang mas matagal bago kami makarating doon. Kontento na ako dito… kahit tahimik… ang mahalaga nakikita ko siya. Ang mahalaga nandito ngayon siya sa tabi ko.

"A-ano nga palang ginagawa mo rito? Saka wala ka bang gagawin tuwing weekends?" 

Umiwas siya ng tingin sa akin.

"May dinaanan lang." napatango-tango ako at napagtanto na ito rin ang sinabi niyang rason sa akin noong nakaraang linggo nang maabutan niya ako sa waiting shed.

"Ah… sinong dinaanan mo?" kunwari'y pag-uusyuso ko. Hindi ko naiwasang mapangiti nang muling bumaling sa kaniya. "Ako ba?"

Napatitig siya sa akin. Doon din unti-unting nawala ang ngiti ko nang mapagtanto ang sinabi.

"Joke lang." awkward akong tumawa at muling ibinaling ang tingin sa kalsada. Ramdam ko ang pagtitig niya sa akin subalit sa hiya ay hindi ko na siya nakuhang lingunin.

Nagbibiro lang naman talaga ako… kaso alam kong hindi iyon nakakatuwa sa kaniya.

Narinig ko ang pagtikhim niya.

"Sino naman iyong lalaki kanina sa palengke? Patingin-tingin pa sa'yo." siya naman ngayon ang nagsimula ng usapan.

"Si Gari iyon. Katulong ng taga-deliver sa amin ng mga prutas."

Under the clouds (Guevarra Series 2)Where stories live. Discover now