Sa sixth floor pa ang kuwarto ko.  Nakapangingilabot kayang umakyat ng hagdan sa gitna ng kadiliman.  Ang banyo ng bawat floor ay malapit pa naman doon sa back stairs. Pakiramdam ko may mga maligno sa banyong nakasilip.  Humahanap lang ng tiyempo para hilahin ang paa ng kung sinong tanga na naglalamyerda roon ng disi-oras ng gabi.  Gutom lang ako at hindi tanga.

Pero ayon nga, nagkagulatan pa kami ni Ma'am Cuales kagabi sa tapat ng ref. Nagkatilian pa nga.  Paano para siyang multong bigla na lang sumulpot sa tabi ko.  May dala pa siyang flashlight na nakatapat sa mukha niya.  Para akong hihimatayin sa gulat at kaba. Katakot-takot na sermon ang inabot ko. May pabaon pang kurot sa tagiliran bago ako pinayagang umakyat ulit . 

Ang buong akala ko, 'yon na 'yon.  Kaninang umaga ko lang nalaman na mabuburo pala ako rito sa ngayon at bukas.  Sinamahan ko ang roommate ko na kuhain ang gate pass namin at nakita ko ngang walang pirma ang akin.  Nang magreklamo ako kay Ma'am, napagalitan na naman ako.  

Pambihirang gatas 'yon!  Ang mahal ng kapalit!  Inis na inis kong himutok.

Muli akong nangalumbaba at tinitigan ang likod ng ulo ni Ma'am Cuales.  Nang mapagod ako, humilig na ko sa counter top and began tapping my fingers on it.  Tumayo si Ma'am para kumuha ng tubig sa dispenser at muling naupo at muling tumipa.  Sinundan ko lang siya ng tingin.  

Maya-maya, muli siyang tumayo at pumasok sa kuwarto sa likod ng counter.  Paglabas niya, nandito pa rin ako at nakamasid sa kanya.  Tinitigan niya ako ng ilang minuto bago rin bumuntong-hininga at muling bumalik sa harapan ng computer niya.

"Seriously, Orianna? You're planning to park yourself there all day?" muli niyang sambit habang patuloy sa pagta-type. Napapalakas na ang pagpindot niya sa mga letra ng keyboard.

Umismid lang ako. Kung sana ay pinirmahan niya ang gate pass ko, kanina pa ako wala rito at kasama na sana ng mga kaibigan ko sa mall ngayon.  Kaso hindi nga niya ginawa eh 'di magdusa siya sa presensiya ko. Iinisin ko siya.  Makaganti man lang sa pag-o-overreact niya sa nangyari kagabi.

Ang rule tungkol sa lights out ay maliit na kasalanan lang kung tutuusin.  Wala naman iyong sinabi sa kasalanang roomhopping.  'Yon lang, walang nahuhuli si Ma'am Cuales sa rounds niya samantalang ako ay naaktuhan talaga kagabi.  Kaya heto ako at mabuburo rito ngayon hanggang bukas habang ang mga roomhopper, kasama na roon ang roommate ko, ay nanonood na ng sine ngayon.  

Nagsi-sine at nagki-KFC, pagdidiin pa ng utak ko.

Nasa ganoon akong estado, depress-depress-an sa aking kapalaran, nang may kumatok sa main door ng dorm.  Lumapit ang isa sa mga cleaner at binuksan ang pinto para papasukin ang tao sa labas.  Inikot ko ang aking upuan para masilip kung sino iyon.  Pati si Ma'am ay huminto muna sa kanyang ginagawa at tumayo na rin.  

Pumasok ang isang matangkad na babae. Naaalala ko ang mga tiya, nakatatandang mga kapatid ni Papa, sa kanya.  Hindi naman niya kaedad ang mga 'yon.  Mga lola na ang itsura ng mga tiya ko samantalang hindi naman ganoon katanda itong bagong dating.  Naaalala ko lang sila kasi mukha ring mayaman ang bagong dating kahit hindi kasing obvious ng mga tita ko.

Iniikot ng babae ang kanyang mata sa receiving area ng aming dormitory.  Bahagya pa itong napakunot-noo sa sofa set na malapit sa pinto hanggang sa dumako sa akin ang kanyang mga mata. 

Napatuwid ako ng upo nang wala sa oras at napalunok.  Kakaiba siya makatitig.  Parang naninimbang ng kaluluwa. Kinabahan ako na hindi mawari sa tingin na iyon. Pakiramdam ko ay huhusgahan niya akong kulang.  Napabuntonghininga ako ng lumipat naman ang tingin niya kay Ma'am Cuales.

I heard Ma'am clear her throat.  "Yes?  Can I help you?" magalang na tanong ni Ma'am Cuales.

Hindi agad sumagot ang babae at tinitigan muna nang matagal ang dorm manager bago ngumiti.  Nag-iba ang aura nito sa ngiting iyon.  Parang biglang naging mas welcoming.  Pumasok na siya ng tuluyan at lumapit sa counter.  Tumayo siya sa tabi ko, nginitian rin ako, bago itinuon ang buong atensyon kay Ma'am Cuales na noon ay nakatayo na sa likod ng counter.

Kiss Me, Cole (Part 1) [IN EDITING ]Where stories live. Discover now