Posible ko nga ba 'yong maramdaman sa murang edad? Siguro...kapag sinabi ko sa aking ina, sasabihin niyang mababaw pa itong nararamdaman ko. Kahit na boto siya kay Reeve, pakiramdam ko sasabihin niyang hindi pa sapat ang nararamdaman ko dahil bata pa ako. Marami pa akong hindi naiintindihan o marami pa akong dapat na malaman o maramdaman.

Nagdiwang kami sa bahay nina Reeve. Ang iilang bisita ay mga trabahador sa farm, kabilang na ang mga magulang ko. Tuwang-tuwa si Mama kay Reeve at agad na inaya itong pumunta na naman sa bahay sa susunod na linggo.

"Kaya Ada, sinasabi ko sa'yo, swerte ka na kay Reeve. Matalino, gwapo, at mayaman, ano pa ba ang hahanapin mo? Mabait din si Reeve at magalang sa amin ng Papa mo kaya huwag na huwag kang magloloko," paalala sa akin ni Mama nang mag-usap na kami pauwi.

Kinamot ko ang aking pisngi. "Ako pa ba talaga 'yong magloloko, Mama? Wala nga akong ibang kasama sa school kung hindi sina Mabel at Sid lang. Siya, ang dami niyang kaibigang babae."

"Sigurado akong hindi naman iyon magagawa ni Reeve, anak. May tiwala kami ng Papa mo roon. Tiwala rin ang Sir Julio sa kaniyang anak kaya hinayaang manligaw sa'yo. Dati pang sinasabi ni Sir Julio iyon sa amin kaya nagtiwala rin kami," sumbong ni Mama.

"Paborito niyo naman po kasi si Reeve kaya niyo nasasabi iyan," katwiran ko. Kahit hindi naman niya sabihin ay alam kong ipagpipilitan niya si Reeve sa akin.

"Ang panganay ay para sa panganay, Ada." Humalakhak si Mama. "Aba kahit masama ang ugali mong bata ka, buti at gumanda-ganda ka at bumagay sa iyo."

Hindi ko na pinansin si Mama. Sinuway naman siya ni Papa nang umalis ako at tumungo sa aking kwarto.

Napatingin ako sa dingding kung saan sinabit ko ang iilang litrato namin ni Reeve. Kada buwan ay nagpapa-develop siya ng litratong kuha ng kaniyang cellphone. Ibinibigay niya ang kopya sa akin at ipinapaskil ko naman iyon sa dingding. Nilagyan ko ng arte para naman magandang tingnan.

Hindi ko akalain na sasaya ako kasama si Reeve. Hindi ko naisip iyon nang sagutin ko siya dahil akala ko, kapag sinagot ko siya ay magtatagal lang kami ng iilang buwan. Magsasawa siya sa akin o di kaya magloloko pero hindi niya ginawa ang mga bagay na iyon. Kung pwede lang daw na mag-transfer siya sa school ay gagawin niya pero sinabi kong huwag na at maiiwan ang mga kaibigan niya roon.

Maayos naman ang mga kaibigan niyang lalaki. Nakakausap ko sa tuwing naglalaro sila at kasama ako. Mukha namang hindi maarte at mga mababait kaya nakasundo ko agad. Sa mga babae, tanging si Joane lang ang kaibigan ko talaga at wala na rin naman akong balak na magdagdag pa.

"Anak, dahil malapit na ang Palaro mo, ito na ang regalo namin sa'yo ng Mama mo," sabi ni Papa sabay turo sa maliit na box na nandoon sa ibabaw ng mesa.

Lumapit ako roon at inangat ito. Tatak lang ang nasa labas pero alam ko agad kung ano ang laman nito. Mukhang hindi biro iyon kaya agad-agad kong binuksan para makita ang laman.

Nanlaki ang mata ko nang makita ang cellphone na binili nila. Mukhang namahalin kasi parang katulad ng kay Reeve na wala ng kailangang pindutin, kundi ang gitna at dalawang gilid. Touchscreen ang cellphone kaya ingat na ingat akong kunin iyon sa box.

"Salamat po, Papa, Mama!" Halos mangiyak ako sa tuwa. Hindi naman talaga ako nanghihingi kasi hindi rin naman ako mahilig. Nnaghihiram nga lang ako kina Isidore kapag kailangan, pero kapag hindi, okay lang din naman.

"Nagustuhan mo ba?" ngumiti si Papa. Tumango-tango ako at ngali-ngaling pinindot ang gilid para makita ang kagandahan nito.

"Ingatan mo iyan, ha? Kapag nandoon ka na sa Palaro, ilagay mo sa safe na bulsa ng bag mo para hindi mawala. Pinaghirapan namin iyan ng Papa mo kaya ingatan mo."

High Wind and Waves (Provincia de Marina Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon