Track 15: it's time to go

20 7 7
                                    

Continuation of Track 10: Should've Said No. ❤️

♪♪♪

Pagkatapos ng halos isang buwang pananatili sa bahay ng mga magulang ko ay umuwi na ako kay Luigi. Ilang beses niya akong pinuntahan sa'min pero hindi ako sumama. Ngayon ay uuwi ako para bigyan ng pagkakataon ang sarili ko na magbigay ng isa pang pagkakataon. Pagkakataon na makinig kung sakaling gusto na niya umamin sa ginawang panloloko sa akin.

Kagabi ay nakaupo ako sa beranda ng aming bahay nang lumapit sa akin si mama. Naalala ko ang pag-uusap na ginagawa namin kagabi.


"Isang buwan ka na dito, Kaye, pero hindi mo pa sinasabi sa akin ang dahilan."

Napalingon ako kay mama at nakitang nakatingin siya sa akin. Unti-unting tumulo ang mga luha ko ng hawakan niya ang kamay ko. Wala pa siyang sinasabi pero para bang napakarami na niyang sinambit kapag tinitingnan ko ang mata niyang puno ng awa at lungkot.

"Alam kong may problema kayo ng asawa mo. Hinihintay ko lamang na magsalita ka pero hindi ko na kinakaya ang makita kang umiiyak, anak. Sabihin mo kay Mama ang problema. Makikinig ako."

Luhaan at humahagulgol kong ikinwento kay mama ang lahat ng nalaman ko tungkol kay Luigi at sa babae niya. Simula pagkabata ay wala akong lihim na hindi sinabi sa aking ina. Ultimo mga naging crush ko noon ay alam niya. Ganoon kami kalapit sa isa't isa. Pero ang problema namin ni Luigi ay napakahirap para sa'kin na ibunyag kay mama. Dahil tulad ko, minsan na siyang niloko ni papa.

Palagi niyang sinasabi na handa siyang maramdaman muli ang sakit na pinagdaanan niya noon, huwag lang namin iyong maranasan sa hinaharap. Kaya alam kong masasaktan siya ng sobra kapag nalaman niyang nagloko ang asawa ko tulad ng ginawa ni papa, alam kong iiyak siya kapag nakita niyang umiiyak ako at alam kong masasaktan siya kapag naramdaman niya ang sakit sa puso ko.

"Likas na yata sa mga lalaki ang mahumaling sa iba kahit pa may karelasyon na siya o may asawa na. Mahirap sabihing 'wag lahatin, dahil kahit ang pinakamatinong lalaking nakilala mo ay nagawa kang saktan," ani mama habang yakap ako. Patuloy ako sa tahimik na pagluha.
"Mahirap magpatawad lalo na't hindi mo inaasahang magagawa niya iyon," dagdag ni mama. Ganoong ganoon din ang naiisip ko. Hinaharap ako ni mama sa kanya at nakangiting pinunasan ang pisngi ko. "Pero ang kapatawaran ay para sa lahat, anak. Dahil ang bigat at sakit sa puso ay kailangan mong pakawalan. Kung hindi, ikaw rin ang masasaktan ng matagal na panahon."

"Paano kung hindi siya humihingi ng tawad, 'Ma? Paano ko siya patatawarin?"

" Ang pagpapatawad ay hindi ibinibigay sa taong humihingi no'n. Ang pagpapatawad ay ibinibigay dahil gusto mong pakawalan ang sakit na idinulot niya sa'yo."

Nakangiti ngunit luhaan akong tumango. "Magagalit ka ba, 'Ma, kapag sinabi kong naiisip kong makipaghiwalay na kay Luigi? Sobrang sakit ng ginawa niya na tipong nagiging bato na ang puso ko. Ano po bang kailangan kong gawin?"

"Hindi ko sasabihing manatili ka sa relasyon niyo, anak, pero hindi ko rin sasabihing huwag na huwag kayong maghihiwalay. Minsan na akong nasaktan at alam ko ang pakiramdam ng nauubos. Umuwi ka. Bigyan mo ng pagkakataon ang sarili mo at si Luigi. Mag-usap kayo. Pagkatapos ay malalaman mo ang lahat ng nais mong gawin."

The Story of UsWo Geschichten leben. Entdecke jetzt