Track 2: Afterglow

9 2 9
                                    

Nakilala ko si Oliver tatlong buwan matapos ang paghihiwalay namin ng ex-boyfriend kong si Korby. Isinama ako ng bestfriend kong si Abigail sa isang overnight swimming kasama ang mga katrabaho nito nang araw na ‘yon. No’ng araw din mismong iyon kasi ay nakita ko si Korby kasama ang isang babae sa isang restaurant sa mall.

Sa overnight swimming na iyon ko idinaan ang paglimot sa sakit na nararamdaman. Uminom ako nang uminom. Nakipag-party sa mga kasama na ang iba naman ay nakilala ko na rin dati kaya hindi na naging mahirap para sa akin ang makipaglapit sa kanila. Pero si Oliver ay hindi pa. Bago pa lamang kaming nagkalapit noon. Nakipagpalitan siya sa akin ng numero. Kaya naman nang matapos ang overnight swimming na iyon ay lagi ko na siyang nakakausap sa telepono.

Hindi lang kami basta nagkakatext ni Oliver dahil kalaunan ay nagkikita na rin kami. Kumakain sa labas, umiinom, nanonood ng sine, kasa-kasama ko siya kapag manonood ng concert, at madalas din ay magkasama kami sa ilang out of town trip.

Alam niyang kagagaling ko lang sa pagkawasak ng relasyon. Noong una ay kaibigan ang alok niya. Kalaunan ay nag-alok na ng panliligaw. Mahigit isang taon na rin kaming magkaibigan no’n kaya naman hindi na ako nagdalawang isip tanggapin ang panliligaw niya. At pagkalipas ng apat na buwan ay naging boyfriend ko siya.

Naging maayos ang relasyon namin ni Oliver. Wala akong naging reklamo dahil siya ang tipo na mahilig sa surpresa, sweet. Wala rin kaming pinag-aawayan dahil wala naman siyang bisyo at mas lalong hindi siya babaero. Ang pag-aaway nga lang yata namin ay halos ako lang tuwing mainit ang ulo kapag PMS. Hindi niya ako pinapatulan. Iniintindi niya lahat ng gusto ko at laging siya ang nag-aalaga sa akin kapag may sakit ako. Ganoon siya kabuting partner. Perpekto na nga para sa akin.

Pero dumating ang oras na napuno ako ng takot. Napuno ng tanong ang isip ko, "Paano kung hindi sapat ang naipapakita ko sa kanya? Paano kung makahanap din siya ng kapalit ko? Paano kung magkahiwalay kami? Paano kung dumaan na naman ako sa pagkawasak ng puso?"

Alam niya ang hirap na pinagdaanan ko habang nag mo-move on kay Korby. Limang taon ang relasyon namin ni Korby at ngayon ay maglilimang taon na rin kami Oliver. Natakot lang naman ako. Baka kasi kapag naulit ang mga iyon ay hindi ko na kayanin pa. Kaya naman hindi ko na napapansin na lahat ng takot, pangamba at pagkawala ng tiwala sa relasyon namin ay naiikilos ko na pala.

“‘Di ba sinabi ko naman sa ’yong mag-o-overtime kami?”

Bakas ang pagod sa kanyang mukha nang makarating sa apartment ko. Alas-onse na ng gabi pero dito pa siya tumuloy pagka-out sa trabaho. Nag-alala raw siya nang makita ang forty missed calls ko.

“Overtime? O baka naman nag-overtime ka sa ibang babae!” matalas kong ani. Iyon ang scenario na paulit-ulit na bumabalik sa isip ko.

Hindi ko alam na lahat ng kilos niya ay nagagawan ko na ng away.

“Ano bang sinasabi mo, Mila? Alam mong hinding hindi ko magagawang lokohin ka.”

Lahat ng away namin, sa isip ko, wala akong kasalanan doon. Lahat ay kasalanan niya. At hindi lang away ang nagagawa ko. Umabot ako sa puntong dahil sa takot ay unti-unti kong inilalayo ang sarili ko sa kanya. Ang araw-araw naming pagkikita ay halos naging lingguhan na. Ang mga tawag niya ay hindi na sinasagot pa. Ilang dates na ang hindi natuloy dahil sa hindi ko pagsipot. Maski sa bahay niya hindi na ako pumupunta.

“Sa wakas nakita rin kita.”

Natigil ang pagbubukas ko ng pinto ng apartment na tinutuluyan ko nang marinig ang boses ni Oliver. Palapit na siya sa kinatatayuan ko. Seryosong seryoso ang mukha. Pagkalapit ay tiningnan niya pa ako mula ulo hanggang paa. Bago tinitigan ang mukha ko. Bakas ang pag-aalala sa mukha niya.

“Are you okay?”

Nahigit ko ang hininga nang maramdaman ang paninikip ng lalamunan. Hindi ko inaasahan na iyon ang una niyang itatanong sa akin pagkatapos ng ilang linggong naming hindi pagkikita.

“Pagkatapos ng ilang beses na pagpunta ko sa opisina ninyo at dito, sa wakas ay nakita rin kita. Naabutan din kita, Mila.”

Wala akong naging sagot. Humarap na muli ako sa pinto at tuluyan ‘yong binuksan. Pero muli lang akong natigilan nang marinig ang tanong niya.

“Tayo pa rin naman, ‘di ba?”

Ramdam ko ang takot at alinlangan sa paraan niya ng pagtatanong. At dahil doon ay naalala ko ang lahat ng naging kilos sa mga nakalipas na ilang buwan.

“I’m sorry!”

Napatungo ako at hindi na naiwasan ang pag-iyak at mapahagulgol. Bumuhos lahat ng nararamdaman ko sa mga nakalipas na buwan. Naramdaman ko ang mahigpit niyang yakap kaya lalong bumuhos ang emosyon ko.

“I’m sorry, Oliver! I’m sorry dahil sinaktan kita! Kasalanan ko ‘to! Kasalanan ko lahat. Natakot lang naman ako na baka mawala ka. Ayaw kong mawala ka, Oliver. I’m sorry. Patawarin mo ako.”

Mas humigpit ang yakap niya sa akin. “Shh. It’s okay, Love. I understand. I understand.”

Takot at pangamba. Napakahirap na kalaban. Kapag sinakop na ng takot ang puso mo, wala ka ng magagawang tama. Maski ako, sariling relasyon ko sinabotahe ko dahil sa takot. Sa takot na mawala siya ay ako na pala ang lumalayo.

Why'd I have to break what I love so much?”

Rinig ko ang mga salitang iyon mula sa maliit na speaker dito sa sala. Magkatabi kaming nakahiga ni Oliver sa sofa at nakikinig ng awitin sa radio.

Nakapikit siya at natutulog. Rinig ko ang marahan na paghinga niya. Magaan kong hinaplos ang mukha niya.

Hey
It's all me in my head
I'm the one who burned us down

“I’m sorry,” hinging paumanhin ko. Ilang ulit na ba ‘yong lumabas sa bibig ko simula nang magkaayos kami. Hindi ko na alam.

Akala ko ay tulog siya pero mukhang hindi. O baka hindi lang malalim. Ramdam ko ang paghigit niya sa aking bewang at mas hinigpitan ang yakap sa akin.

Isinandal ko pa ang sarili ko sa kanya. Rinig ko ang malakas na tibok ng puso niya.

It's all me, just don't go
Meet me in the afterglow

The Story of Usजहाँ कहानियाँ रहती हैं। अभी खोजें