Track 1: Teardrops On My Guitar

133 17 67
                                    

Naranasan mo na bang magkagusto sa kaibigan mo?

Naranasan mo na bang magustuhan ng kaibigan mo?

O naranasan mo na bang magustuhan ng taong gusto mo?

Alin ba sa mga ito ang naranasan mo na o nararanasan sa kasalukuyan?

Ang sarap sa pakiramdam kapag nakikita mo ang taong gusto mo. 'Yong tipong makita lang siya ay buo na ang araw mo. 'Yong makita lang siya ay masaya ka na. 'Yong masilayan lang siya ay napapangiti ka na. Pero sapat ba talaga na makita lang siya para mabuo ang araw mo? Para maging masaya ka? At para magawa mong ngumiti?


Aminin mong minsan ay nagnanais ka rin na sana ay ganoon rin siya sa 'yo. Sana ay nabubuo rin ang araw niya kapag nakikita ka niya. Sana ay nagiging masaya rin siya kapag nakakasama ka niya. At sana ay napapangiti rin siya kapag kaharap ka niya.

Maswerte ka kapag ang taong gusto mo ay gusto ka rin. Dahil ako? 'Yong taong gusto ko... may gustong iba.

"Ano nga kasi, Jersey? Paano ba ako magtatapat sa kanya ng nararamdaman ko?"

Nawala ang magandang ngiti na suot ko kanina nang itanong iyon ni Eli-ang bestfriend kong ugok.

Masaya lang kaming nag-uusap kanina ng tungkol sa mga paborito naming anime habang naghihintay ng professor namin pero biglang napunta sa ganito ang usapan nang dumaan sa harap ng room namin si Alyson, ang maswerteng gusto ng taong gusto ko.

"Eh, 'di sabihin mong gusto mo siya," sabi ko at itinuon na ang paningin sa harapan kahit nagkukumpulang blockmates lang naman ang nakikita ko roon.

Gusto ko lang namang iiwas ang paningin ko sa kanya. Baka kasi sa sobrang sakit ng nararamdaman ko ngayon ay mahalata niya iyon sa mga mata ko.

"Bigyan mo ako ng tip," aniya na inilagay pa ang silyang inuupuan niya sa harapan ko kaya siya na muli ang nakikita ko.

Hindi na ako makaiwas dahil siguradong mahahalata na niya iyon. Sa apat na taon naming pagkakaibigan ay masyado niya na akong kilala na halos lahat ng bagay na ginagawa ko ay naiintindihan niya ang ibig sabihin: kung galit ba ako, kung masaya ba ako o kung malungkot ba ako. Hindi ko nga lang maintindihan kung bakit hindi niya mahalata sa lahat ng kilos ko na gusto ko siya.

"Kung ikaw ang liligawan, paano mo gustong ligawan ka?" nakakalokong tanong niya habang may magandang ngiti na nakapaskil sa mga labi niya.

Bakit nakakaloko? Kung hindi ba naman siya isa't kalahating tanga, sa akin pa talaga niya itinanong 'yan?

Sabagay, tanga naman talaga siya! Manhid pa!

"S'yempre gusto kong bibigyan mo ako ng bulaklak. Sweet iyon para sa akin," baliw kong sagot.

Bakit baliw?

Dahil nakita ko noong bigyan niya ng bulaklak si Aly kinabukasan. Maraming nakasaksi no'n dahil sa mismong pathway pa na malapit sa gate niya ginawa iyon. Inagahan niya talaga ang pasok at inabangan niya ng halos isang oras si Aly para lang maibigay iyon. Hindi naman nasayang nag effort niya dahil agad na masaya naman nitong tinanggap iyon.

Nakakabaliw na wala akong magawa kung hindi ngumiti na lamang at maging masaya para sa kaibigan ko. Nakakabaliw na hanggang sa pagkauwi ko ay iniiyakan ko ang tagpong iyon.

"Ano pa bukod sa pagbibigay ng bulaklak?" pangungulit niya.

"Syempre gusto kong pupunta ka sa bahay namin para magsabi sa mga magulang ko na gusto mo ako at liligawan," tanga kong sabi.

Bakit tanga?

Dahil nakita ko noong naghanda siya nang gabing iyon para sa pagpunta niya sa bahay nila Aly. Nakakatanga na wala man lang akong magawa kung 'di i-cheer siya para mawala ang kaba niya. Nakakatanga na nakatulugan ko na lang ang pag-iyak dahil doon.

Pero mas tanga at baliw yata si Eli. Hindi ko naman sinabing kay Aly niya gawin iyon. Sabi ko, bibigyan mo ako ng bulaklak. Sweet iyon para sa akin. At sabi ko, gusto kong pupunta ka sa bahay namin para magsabi sa mga magulang ko na gusto mo ako at liligawan. Pero syempre, tanga rin ako at paasa sa sarili.

Pero hindi ko alam na mas nakakabaliw at nakakatanga pala na makitang maging sila pagkatapos ng halos dalawang taong panliligaw ni Eli kay Aly.

Akala ko may pag-asa na ako. At sa ilang beses na pinaasa ko ang sarili ko, ngayon ako labis na nasaktan. Nangako ako sa sarili kong magtatapat ako kay Eli pagkatapos mismo ng graduation namin ng college. Pero hindi ko alam na iyon pala ang araw na balak siyang sagutin ni Aly.

At ngayon ay hindi ko alam kung baliw ba sila para magsayaw ng sweet kahit malungkot ang tugtog. Hindi ko alam kung graduation ball ba ang ipinunta ko o ang lamay para sa sarili ko.

"Sino'ng Drew ng buhay mo?"

Napatingin ako sa kanang gilid ko nang marinig ang tanong na iyon. Nakaupo sa tabi ko si Blake-ang bestfriend ng maswerteng gusto ng taong gusto ko.

Hindi ko man lang namalayan na narito na pala siya sa tabi ko. Nakatingin siya sa harapan at nang sundan ko ang tinitingnan niya ay nakita kong sila Eli at Aly ang pinapanood niya. Patuloy pa rin sa pagsasayaw ang dalawa sa unahan sa tugtog ng "Teardrops On My Guitar" ni Taylor Swift.

"Wala," sagot ko. Muli akong napalingon sa kanya nang marinig ko siyang tumawa. "Bakit?" nakataas ang dalawang kilay at nagtataka kong tanong.

Umiling-iling siya habang nakangisi. "Kaya pala parati mong pinapatugtog sa gitara mo ang kantang 'yan kapag magkasama si Eli at Aly."

Napanganga ako sa sinabi niyang iyon. Hindi ko alam kung paano niya nalaman ang tungkol doon. Pero hindi ko rin alam kung itatanggi ko ba iyon o magdadahilan. Pero para saan? Totoo naman kasi ang sinabi niya. Lahat ng kantang naririnig ko pakiramdam ko ay para kay Eli. Mas tumatak nga lang ang kantang 'yan sa isip ko dahil tulad ng sinabi sa kanta... "He is the reason for the teardrops on my guitar."

Korni?

Sa taong gusto ng mga gusto nila, siguro ay oo. Pero sa taong tulad ko, alam n'yo kung gaano kasakit iyon. Masakit na makitang masaya ang gusto natin sa piling ng iba, pero wala tayong magagawa kung 'di ang maging masaya na lamang para sa kanila.

Napangiti ako nang makita ang paglingon ni Eli sa gawi ko. Pekeng ngiti na parati kong suot pantakip sa sakit na nararamdaman.

The Story of UsWhere stories live. Discover now