Labing Pito: Ugat Sa Pagmulat

26 2 0
                                    


Ang tulang ito ay inihahandog ko sa lahat ng mga guro sa buong mundo na patuloy sa paghahatid ng edukasyon at kalinangan sa bawat mag-aaral sa kabila ng hirap, pagod at panganib dala ng pandemya. Saludo po ako sa ipinakita nyo pong tapang at determinasyon!

"Ugat Sa Pagmulat"

Ang pagiging guro at ang pagtuturo ngayong walang kasiguraduhan
Parang paghahanap ng karayom sa gitna ng talahiban
Suntok sa buwan ang pagsasakatuparan ng misyon
Balakid ay distansya sa paghahatid ng edukasyon
Tunay nga, distansya ang naghihiwalay sa pagkakabuo ng koneksyon
Sa mga papastuling batang nangangailangan ng atensyon.

Nananatiling hamon ang pandemya sa pagtuturo ngayon
Ngunit mas maalab ang hangarin nilang tumayo't maging aksyon
Buhayin ang dagitab ng pag-asa sa puso ng bawat mag-aaral na nangangarap umahon
Itaguyod ang pag-aaral lalo't higit ang pangangailangan sa impormasyon
Na lilinang sa kanilang kaalaman nitong makabagong henerasyon.

Sila'y lumaban at sinuong ang hampas ng mga along sumasalubong sa kasalukuyan
Maitawid at maiparanas lamang sa mga mag-aaral ang pagtuturong mayroong kalidad at kalinangan
Hangaring paslangin at supilin ang kamangmangan
Patungo sa mas makabuluhan at magandang kinabukasan.

Kahit kailan, hindi naging madali ang maging isang guro
Puyat, pagod at oras ang pinuhuna't kalaban nito
Ngayong mapaghamong mundong, walang sigurado
'Di mo matukoy kung ang kanilang serbisyo'y may kwenta't halaga
Kung sa una pa lang hinuhusgahan na sila na 'di malaman kung totoo ba?
Kung sa mata ng madla, sinasabing simple lang ang kanilang ginagawa?
Nagtuturo't nagbibigay ng marka at wala ng iba.

Ngayong panahon ng pandemya, lalo pa itong humirap
Nakakapagod at mas lalong sumasaklap
Sukatan ng kapasidad ay patuloy na nangingibabaw
Hindi dahil sa pagod na dulot ng araw-araw,
dahil sa paggawa ng sandamakmak na modyuls at pagtatama sa mga bata
Kundi sa pagpapaliwanag sa kanila kung ano pa ang maituturing na tama?

Samu't saring opinyon ang kinakaharap,
bilang pangunahing tao na pinagkukuhanan ng katatagan sa prinsipyong tinatahak
Hindi itinago ang sarili sa katotohanan
Katotohanang may obligasyon silang ilabas ang kaisipan
Hindi hadlang ang 'lockdown' upang ikulong din sa isang espasyo ang kanilang kamalayan.

Ang buhay ng guro, walang pinipili, may lockdown man o wala
Sila'y mananatiling nakaugat sa pagmulat ng mga estudyanteng sa kanila'y umaasa!

Isang Daang TulaWhere stories live. Discover now